Napakainit ng panahon, kaya naisipan kong pumunta sa 7-11. Dumiretso ako sa tapat ng aircon at nagpalamig saglit bago bumili ng aking makakain at sa gitna ng aking pagpapalamig ay tila ba'y mayroong nagparinig sa may bandang gilid.
"Grabe ang init na talaga ng panahon noh? Pati ang mga panda ngayon nagpapalamig na."
Awe. Ang sakit nun ah, tagos sa puso, makaalis na nga dito sa tapat ng aircon, pero saglit lang isang minuto pa.
"Grabe talaga, 'di ako na-inform wala palang tainga ang mga panda."
Aray ko. Mas lalo lang sumakit. Edi kayo na, kayo na manipis, kayo na payat, nasa inyo na ang lahat. Hmp. Makapag-isip na nga lang ng makakain. Ano kayang pwede kong kainin? Hhhmmm.
Alam ko na.
Pumunta ako sa stall ng mga siopao at kumuha ako ng isang asado at bola-bola na flavor. Sunod naman ay pumunta ako sa stall ng mga donut at kumuha ng tatlong bavarian flavored na donut. Hhhmm ano pa ba? Sunod ko namang kinuha ay ang slurpee at pinili ko ang blue bubblegum flavor nito. Noong matapos na ako mamili ay dali-dali akong pumunta sa counter at binayaran ang mga ito, ay wait meron pa pala, um-order pa ako ng isang rice meal na ang ulam ay giniling. Umupo na ako sa isa sa mga upuan at hinintay ang mga binayaran ko.
Habang hinihintay ko ang mga pagkain ko ay nagpalinga-linga ako dahil baka may matipuhan pa akong pagkain na masarap, pero sa paghahanap ko ng pagkain ay iba ang nahanap ko. Pag-ibig.
Mayroong babaeng pumasok sa store na nagpatibok ng puso. Kakaiba ang nararamdaman ko, kalimitan kasi tumitibok lang ang puso ko para sa mga pagkain lamang, 'di kaya? Napa-face-palm na lamang ako sa naisip kong baka pagkain ang babaeng iyon. Napakaimposible naman kung nagkataon, 'di ba? Ngayon ko lang ito naramdaman sa tanang buhay ko, ganito ba ang tinatawag nilang pag-ibig? Marahil baka ganito nga, saglit ano itong nararamdaman ko sa tiyan ko? Bakit parang may kantang rumerehistro sa utak ko? Bakit parang bumabagal ang paggalaw niya at kasabay nito ay ang pagbagal ng oras? Ito na nga ang PAG-IBIG.
At dahil naramdaman ko na sa wakas ito hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa at pinuntahan ko na siya sa pwesto niya na kasalukuyang nasa tapat ng Siopao stall. Tumabi ako sa kaniya at nagwika, "Miss, wala ka bang mapili?"
"Hm" iyon lang ang tangi niyang tugon habang nakatingin la rin sa mga siopao.
"Alam ko na! Ito Asado masarap ito. Ako na kukuha para sa iyo?"
"Hm, thanks! Ang bait mo naman, by the way I'm Kate." pagpapakilala niya sa sarili niya at sabay iniabot ang kamay na para makikipag-hand shake.
"Ako nga pala si Prince, ang prince charming ng buhay mo ay este masaya akong makilala ka." kasabay ng mga katagang ito ang pagtanggap ko sa kamay niya.
"Hahaha ganun din ako. Salamat nga pala, sige bayaran ko na ito."
"Sige, kung kailangan mo ng tulong ko andiya-" naputol ang pagsasalita ko dahil may isang lalaki ang pumasok sa store at nagsalita.
"Hon, nakapili ka na ba? Sorry natagalan ako sa pag-park ng car e. Ako na magbabayad diyan. Akina."
"Sige Hon, salamat. Ang bait talaga ng boyfriend ko, swerte ko naman sa iyo." tugon ni Kate sa kaniyang boyfriend daw?
Pinagmasdan ko lang sila sa paglalambingan nila habang ako nasasaktan na. Ganito ba talaga kakumplikado ang pag-ibig? Bakit kailangan maramdaman pa ang sakit? Ang sakit talaga. Lumabas na sila ng store ng wala man lang paalam sa akin si Kate, well sino ba naman ako sa kaniya para magpaalam siya, 'di ba? Wala lang naman ako sa kaniya, stranger. Teka, nagugutom na ako nasaan na ba ang pagkain ko?
"Sir, ito na po ang pagkain niyo. Hhmm, bakit po kayo umiiyak?"
"Umiiyak? Ako? Bakit ako iiyak? Akin na nga iyang pagkain ko. Buti pa ang pagkain ka-forever ko. Hays!" sabay lamon ko ng pagkain ko. Umiiyak ba ako? Ganoon ba talaga ako kababaw para iyakan siya? Sino ba siya para sa akin? Crush ko siya. Crush lang naman eh, bakit ako umiiyak? Hays, tigilan ko na nga kadrama-
Natigil ang paglamon ko dahil bigla muling nagbukas ang pinto ng store at pumasok siya, si Kate. At ang nakakagulat papunta siya sa kinaroroonan ko.
"Hhmm, Prince. Muntik ko nang makalimutan, ito calling card ko kung kailangan mo ng kausap just call me. Sige Goodbye. See you around!" Totoo ba ito? Binigyan niya ako ng number niya? Heaven, men. What a blessing. Tinignan ko ang card na ibinigay niya ngunit nag-iba ang emosyon ko noong nabasa ko ang nakasulat rito.
Silver's Gym
Branch Manager: Kathlin Dela Rosa
Contact No. 09123456789Lose your weight and gain your confidence. Try visiting the newest gym, the Silver's Gym.
Pati ba naman siya? Hays, kumain na nga lang ako.
BINABASA MO ANG
7-Eleven
Short StoryIto ay ang kauna-unahang kwentong pag-ibig ng ating bida na si Prince. Sa tanang buhay niya ngayon niya lamang ito naramdaman at ito ay naganap sa isang convenience store na kung tawagin ay 7-eleven. Ano kaya ang magiging takbo ng kwentong pag-ibig...