P R O L O G U E
Umalingawngaw sa buong silid ang lakas ng sampal na iginawad sa akin ng aking ama...
...At tinanggap ko ito ng buong puso.
"Kababae mong tao, magsusundalo ka?! Anong akala mo sa pagsusundalo, laro ha, Maria Czarina?!"
Tumayo ako ng tuwid, tindig ng isang di patitinag na sundalo, magkalapat ang dalawang paa, taas-noo at buong puso akong sumagot, "Pa, ito po ang hiling ko. Mula pagkabata ko, lagi kong sinusunod ang hiling niyo, ang utos niyo, ang batas niyo. Hindi ko na pinakikinggan ang sinisigaw ng puso ko, kung ano ba ang gusto kong gawin, ang layaw ko, ang nais ko. Gusto kong ikatuwa niyo ako gaya ng pagkilala niyo sa mga kapatid ko kaya ginawa ko lahat ng gusto niyo. Pero Pa, sana naman po this time, pakinggan niyo naman ang gusto ko,"
Yumuko ako kasabay ng pagpatak ng mumunting luha mula sa aking mga mata. Inilapat ko ang dalawa kong tuhod sa sahig -- lumuhod ako sa harap ng sarili kong ama, "Papa, sana naman po pagbigyan ninyo ako ngayon. Kahit ngayon lang po. Bata pa lang ako, pagsusundalo na ang nais ko paglaki hindi gaya ng pagdodoktor na siyang gusto niyo sa akin. Gusto ko pong maglingkod sa bayan natin, gusto ko pong... Gusto ko pong..." hindi na napigilan ng sarili ko ang humikbi lalo na ng sinabi ko ang mga huling kataga na nasasa-puso ko.
"...Gusto ko pong maging sundalo gaya ng tunay kong ama!"
Tumahimik ang buong paligid. Maging ang ina ko at mga kapatid ay nagulat sa sinabi ko. Hindi nila lubos maisip kung paano ko nalaman ang sikreto nilang matagal na nilang itinatago-tago sa akin -- ang katotohanang ipinagkait nila sa akin.
"Alam ko na po... Alam ko ng hindi ninyo ako tunay na anak. Alam ko pong anak ako ng isang sundalo at ang ina ko ay ang kakambal ni Mama! Alam ko pong hindi dahil sa sakit kaya namatay si Tita Mara, kundi dahil sa panganganak sa akin! Alam ko pong ayaw ng pamilya natin sa sundalong nakabuntis sa kanya kaya binantaan niyo ito at pinalayo! Alam ko! Alam ko ang lahat ng ito!"
Nagtuloy-tuloy na sa pisngi ng aking inang masaganang luha. Luhang puno ng pagkagulat, pagkalungkot, hinagpis at pagsisisi.
"Kaya naman po, sana... Sana payagan niyo na ako sa gusto ko. Please. Parang awa niyo na po, kahit ngayon lang. Kahit sa pagkakataong lang ito." Nanatili akong nakayuko habang nakaluhod kasabay ng pagtulo ng sarili kong luha. Hanggang sa namalayan kong may nagtatatayo sa akin.
Tumingala ako at nakasalubong ang nakangiting mukha ni Mama, habang umiiyak pa din, "Anak, patawad. Patawad kung itinago namin sa iyo ang totoo. Kung ipinagkait namin sa iyo ang katotohanan. Ayaw lang naming mas maging kumplikado ang sitwasyon noong mga panahong iyon kaya inilihim namin ang pagbubuntis ng ina mo lalo na sa naka--- sa ama mo. Anak patawarin mo kami! Patawarin mo kami, Rina."
"Kailanman Mama, hindi ako nagalit sa inyo. Mapalad pa nga po ako dahil inaruga niyo akong parang tunay niyong anak kaya wala akong karapatang magalit. Pero Ma, Pa, payagan niyo na po ako,"
Tumingin sa akin ng diretso si Papa kaya nagdiretsong tingin din ako at tumuwid ng tayo. Itinaas niya ang kanyang palad -- akmang sasampaling muli ako, kaya napapikit na lamang ako.
Ngunit ang inaakala kong sampal ay naging yakap. Isang mainit na yakap na nakapagpaluwag ng hininga at puso ko, "Salamat po! Maraming salamat po Ma, Pa!"
Magiging sundalo ako! Kahit na babae ako, maglilingkod ako ng buong puso at tapang para sa bayan. Ito ang tangi kong magagawa para sa tunay kong ama. Ipagpapatuloy ko ang kanyang nasimulan.
- - - - - - - - - - ° ° ° - - - - - - - - - -
#DOTSInspired
#SongJoongKiSyndrome
#ParaSaBayan
#LOL
BINABASA MO ANG
Cry Again [SOON]
RomanceTamang tao. Tamang lugar. Maling pagkakataon. Dalawang pusong muling na pagtatagpuin ng tadhana sa maling panahon. Kakayanin ba nila ang mga pagsubok na kanilang kaharapin, kahit na ang maaaring kapalit nito'y maging buhay nila? Dalawang sundalo. Is...