Now I Know

184 8 6
                                    

“Bakit ka nakadress?” tanong ko sa kanya pagkakita ko. “Palitan mo 'yan.”

Nangatwiran siya na kesyo minsan lang naman daw siya magsuot ng ganoon at isa pa date naman namin. Gusto niya lang daw maging cute sa paningin ko. Pero pinagpilitan ko pa rin ang gusto ko. Mas gusto ko na nakajeans siya dahil ayokong nakikita ng iba ang balikat at legs niya. Bilang boyfriend niya, gusto kong ako lang ang nakakakita noon. Maraming mga gago sa paligid at baka hindi ko mapigilan ang sarili ko kapag nakita ang mga nakakaloko nilang tingin sa girlfriend ko.

Noon ay tinatanaw ko lang siya sa malayo. Pasulyap-sulyap lang ako sa kanya ng palihim. Madalas ko siyang makitang masaya at nakikipagtawanan kasama ang mga kaibigan niya. Ang mga ngiting iyon ang talagang dahilan kung bakit ako nagkagusto sa kanya. I love seeing her smile, and I love the way her hair sways while she laughed.

Niligawan ko siya nang magkaroon ako ng pagkakataon. Sa bawat araw na dumaan sa aming dalawa ay lalo ko siyang nagugustuhan. Ginawa ko ang lahat upang magustuhan niya rin ako. Natuto akong magtiis at maghintay dahil ayoko namang madaliin siya.

Dumating ang tamang panahon. Sinagot niya ako. Ako na yata ang pinakamasayang lalaki noong araw na iyon. Nakuha ko na ang babaeng pinapangarap ko.

Ngunit habang tumatagal ay may mga ugali siyang biglang lumilitaw na hindi ko naman inaasahan. Gaya ng pagiging childish niya.

Noong minsan ngang pumunta kami sa mall, nadaanan namin ang Fun House. Hinila niya ako sa loob at bumili ng token. Gusto niya daw makuha iyong stuffed toy na sinusungkit. Hindi naman ako madalas sa ganitong lugar kaya pinanood ko lang siya habang nagpapakahirap kunin ang stuffed toy. Maya-maya ay nainis na ako dahil nasasayang na ang oras namin doon at mukhang malabong makuha niya ang gusto niya. Sinabi kong bibilhan ko nalang siya kung gusto niya nun pero ayaw niya. Mas gusto niya raw na paghirapan iyon.

Umuwi kaming bigo noon. Nagalit pa ako dahil ang tigas ng ulo niya.

Isang araw, naisipan naming magmovie marathon nalang tutal maulan naman at nakakatamad magdate sa labas. Nagmadali siyang kunin iyong mga romance movies na gustong-gusto niyang panoorin. Hindi ko naman hilig ang mga ganoon dahil ang korni-korni kaya sabi ko iba nalang. Pero mapilit siya. Gusto niya raw mapanood ang mga iyon kasama ako. Kahit na badtrip na badtrip na ako noon ay hindi na ako kumibo. Tahimik lang ako samantalang siya ay mukhang enjoy na enjoy.

Maya-maya ay napatingin siya sa akin. Napansin ata niya na hindi ko trip ang kakornihan ng pinapanood niya. Dahan-dahan siyang tumayo at naghanap ng ibang movie. Tinanong niya ako kung anong gusto ko kaya sinabi kong horror. Halata ang disappointment sa kanya pero kahit hindi pa tapos ay pinalitan na niya ito ng gusto kong palabas. Nag-enjoy ako sa panonood na halos hindi ko na siya napansin. Nang matapos ang movie ay saka ko lang nakita na tulog na pala siya. Hindi niya talaga trip ang horror.

Minsan talaga hindi ko siya maintindihan. Ang hirap intindihin ng mga babae. Magtatanong-tanong kung anong gusto ko tapos pag hindi niya trip mananahimik nalang bigla.

Gusto niya raw pumunta sa amusement park. Hindi ako pumayag dahil delikado ang mga rides. Humirit pa siya na kahit sa carousel lang daw kasi masaya naman iyon. Hindi niya pa rin ako nakumbinsi dahil mas inaalala ko ang kaligtasan niya. Kaya naman naisipan kong dalhin nalang siya sa mas safe na lugar. Nanood kami ng live na laban ng tennis. Masasabi kong hindi siya sporty at halatang walang alam sa laro dahil may times na enjoy na enjoy na ako sa laban samantalang siya ay nakanganga lang. Nakikisabay nalang siya kapag nagchi-cheer ang mga tao.

Sumapit ang birthday niya. Niregaluhan ko siya ng mamahaling teddy bear at bulaklak. Napangiti siya. Pero nang bigyan siya ng kaibigan niya ng isang stuffed toy na pinaghirapan daw kunin sa arcade, nag-iba ang ngiti niya. Halos magningning ang mga mata niya. Ibang-iba sa ngiti niya sa akin kanina. Lalo pa nang bigyan siya ng mga kaibigan ng ticket para sa amusement park. Tuwang-tuwa siya. Ibang-iba.

Hindi naman na ako nakialam pa sa gusto niya dahil birthday niya naman. Pumunta kami sa amusement park kasama ang mga kaibigan niya.

Takot siya sa heights. Kaya naman sa mga pambatang rides sila sumasakay. Naroon sila sa bumper cars. Ako naman ay nagpasyang panoorin nalang sila.
Hindi ko inalis ang paningin ko sa kanya. Titig na titig lang ako sa mukha niya at pinagmamasdan ang nga kilos niya habang nakasakay siya sa maliit na sasakyan at minamaneho ito. Tuwang-tuwa siya habang nagbabanggaan sila ng mga kaibigan niya. Sa mga sandaling iyon, parang hindi matutumbasan ang saya niya. Kitang-kita ko sa mata niya ang kakaibang saya na bihirang-bihira ko makita kapag kaming dalawa ang magkasama. Iyon ang mga ngiti at tawang naging unang dahilan para makuha niya ang atensyon ko. Pero bakit ngayon ay madalang ko na itong makita?

Inalala ko ang mga araw na nakita ko siyang ganyan kasaya habang kasama ako. Iyon ang mga panahong sinasakyan ko ang mga trip niya at nakikisabay ako sa gusto niya. Gaya ng pagkain ng isaw sa kanto. Napakasimpleng bagay pero nagawa ko siyang pasiyahin ng ganyan.

Tila ba binabato ako ng mga ngiti niya. Naalala ko kung paano niya sabayan ang mga trip ko kahit na hindi naman talaga siya interesado. Kagaya na lang noong nagmovie marathon kami at noong sinama ko siyang manood ng tennis. Sinusubukan niyang sabayan ang mga gusto ko dahil alam niyang masaya ako doon. Bakit nga ba ngayon ko lang naappreciate iyon? Bakit hindi ko man lang naisip ang nararamdaman niya kapag pinipigilan ko siyang gawin ang mga gusto niya?

Mas nagustuhan niya iyong simpleng stuffed toy na pinaghirapang sungkitin kumpara sa mamahaling teddy bear na ibinigay ko. Kahit hindi niya sabihin iyon ay kitang-kita ko pa rin.

Effort. Tama, effort. Bakit ba hindi ko siya nakilala agad? Napakasimple niya lang kung tutuusin. Napakadali niyang pasayahin. Tamang effort at pagsabay sa mga bagay na nakakapagpasaya sa kanya ang tanging gusto niya. Siya ang tipo ng babaeng walang pakialam sa mamahaling bagay. Ang gusto niya lang ay maging masaya ka para sa kanya. Bakit ang gago ko? Napakaselfish ko pala. Sa kakaisip ko kung anong makakabuti sa kanya ay nakalimutan ko siyang tanungin kung masaya ba siya.

Masayang-masaya siyang lumapit sa akin nang matapos sila sa bumper cars. Tinitigan ko siya ng maigi at saka niyakap ng mahigpit. I love her so much that I am so afraid to lose her. Now I know.






Confession of a ManTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon