His POV

22 0 0
                                    

Ano? Nakatulala ka na naman?
Sus, laging ganyan. Kapag kinakausap kita kunyari nakikinig ka sa akin tapos bigla ka nalang tatahimik at mawawala sa sarili. Minsan naiinis na din ako sayo, puro ako dada dito, pilit kang pinapangiti, pilit inaalis yang lungkot na unti-unti na namang nabubuo sa mukha mo. Tapos mamaya di mo namamalayan, may mamasa-masa nang likidong unti-unting gumagapang pababa sa mukha mo. Ayan, tulad ngayon, patuloy na ang pag-agos ng luha mula sa mata mo at 'yang simpleng pigil na pigil mong hikbi ay nagiging parang panaghoy na sa gabi.

Wala naman akong magagawa eh, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, lagi kong pinagdarasal na sana, sana ako nalang yung nakakaramdam ng sakit na nararamdaman mo ngayon. Na sana kaya kitang pangitiin na hindi ko kailangan lumusot sa butas ng karayom para magawa yun. Na sana hindi ko na makita yang mga luhang umaagos dyan sa napakalungkot mong mga mata.

Ang hirap kasing magmahal no? Yung tipong akala mo walang hanggan ang kasiyahan, walang katapusan ang pag-ibig, walang lungkot, walang pagsubok. Minsan akala natin para lang siyang larong langit-lupa, o sawsaw-suka. Kapag ayaw mo, ayaw mo na; walang sakit, walang luha. Wala. Wala.

Pero hindi, hindi ganun yun. Mula noong makilala ko siya, hindi na ganun yun. Hindi na siya isang laro na kapag sawa kana aayaw kana. Hindi na siya isang damit na kapag nagamit mo na agad mo nang papalitan. Hindi na siya isang panis na pagkain na wala nang halaga. Hindi. Malabo. Hindi maipaliwanag...

Naalala ko yung mga araw na ang saya-saya mo pa. Yung mga araw na hindi kailangang makibaka para pangitiin ka. Kahit sa maliit na bagay lang mabilis kang mapangiti. Naalala ko nga nung mga panahong wala kang takot maligo sa ulan at lagi mo akong hinahatak sa ilalim ng buhos nito, ako yung sakitin e pero sabi mo 'paano mo mararamdaman yung saya sa pagtatampisaw sa ulan kung puro ka takot?'
Kaya wala akong nagawa, hinayaan kong mabasa tayong dalawa. Unti-unti nawawala yung takot ko, unti-unti nararamdaman ko yung saya na sinasabi mo. Hindi dahil sa ulan, kundi dahil sa kasama kita, hawak ko yung kamay mo. Noong araw na yun, napagtanto ko nalang na kaya ko palang harapin ang takot ko basta nandyan ka, nasa tabi ko, napapasaya ko kahit sa huli ako yung makakaramdam ng sakit.

Pero ngayon hindi ko alam e, sa araw-araw na magkasama tayo, hindi ko malaman kung paano ko ulit ibabalik yung mga ngiti sa labi mo, yung mga pangarap na sabay nating ginawa, yung pag-asa sa mga mata mo.

Hindi ko alam kung paano ko iyon ibabalik, kung maibabalik ko pa ba o maisasalba pa ba kita. Naisip ko na ding sumuko, hindi dahil pagod na ako, kundi dahil alam ko sa sarili ko na wala akong magagawa. Wala. Napakakumplikado kasi.

Sabi nga nila hindi natin kailangan ipilit kung hindi talaga. Masyado lang kasi kitang mahal e. Masyadong mahal na hindi kita kayang iwan. Hindi ko kayang sumuko. Bakit ko gagawin yun? Mahal kita, sobra, bakit ako susuko? Kahit tabunan pa ako ng milyong-milyon na dahilan para sumuko hangga't may isang matibay pa akong dahilan para manatiling nakatayo hindi ako titiklop.
Para saakin sapat na yung dahilang mahal kita para ipaglaban ka.

Naalala ko lang yung panahon na akala ko wala na akong pag-asang mabuhay. Andun na tayo sa puntong sinabi ng doktor na may taning na ang buhay ko. Sumuko na ako noon e, sumuko na din ang mga magulang ko. Pero ikaw? Hindi.

Ikaw yung nag-iisang tao na nagsabing "Bakit ako susuko? Bakit tayo susuko? Hangga't humihinga ka, hangga't kaya mo pa, walang susuko. Hangga't mahal kita hindi ako susuko. Hindi tayo binigyan ng Diyos ng kakayang huminga para lang sumuko. Dito lang ako sa tabi mo, hinding-hindi kita iiwan. Etong pagmamahal na 'to ang bubuhay sayo..."

Nangingilid pa din ang luha ko kapag naalala ko ang bawat salitang binitawan mo noon. Doon ko naramdaman na hindi talaga ako mamamatay. At makalipas ang isang taon? Naglaho bigla ang sakit ko na para bang isang malaking joke. Lahat ng tao noon na nakasaksi sa huling resulta ng assessment ko ay halos mawalan ng ulirat. Cancer free na ako noon, at sa lahat ng taong nakapalibot sa akin ng araw na yun, ikaw ang pinakamasaya. Yung isang taon na yun hindi ko naramdaman na may sakit ako. Sa bawat sakit ng chemo sessions ko noon ay nandun ka, hindi mo ako iniwan. Sa bawat sakit na tiniis ko noon ay tripleng sakit ang nararamdaman mo. Kahit nakangiti ka kapag kaharap mo ako, alam kong umiiyak ka kapag hindi ako nakatingin. Mahal kita at ramdam ko lahat ng nararamdaman mo.

Lumipas ang taon, andito pa din tayo. Ikaw pa rin at ako. Walang mag-aakalang aabot tayo dito. Walong taon? Walong taon ng hirap, iyak, sakit, saya, pagmamahal. Pero walang sumuko.

Naalala ko kung gaano ka katapang. Walang maniniwala na kakalabanin mo yung mga holdaper sa kanto. Sila na may balisong at alam mong mapapatay ka at ikaw na earphones at iPhone lang ang dala. Napakahalaga kasi niyan sayo. Diyan nakalagay lahat ng litrato sa bawat kabanata ng buhay nating dalawa at nandiyan yung mga kantang mahalaga sayo.
Hindi ko nga alam kung paano mo napatumba yung holdaper na tatlo matapos kang masaksak sa tagiliran. Nagawa mo pang dalhin ang sarili mo sa hospital, hawak-hawak ang iPhone at earphones mong duguan. Nagawa mo pa kaming tawagan habang nasa E.R. ka bago mawalan ng malay. Nakakatawa nga e, magkaibang pares ng tsinelas ang nadala ko noon at baliktad pa yung T-shirt ko nang makarating ako sa hospital. Tinatawanan ako ng Mama at Papa mo habang may luha sila sa kanilang pisngi. Atleast napatawa ko sila kahit nasa ganoong kalagayan ka noon. Pero wala akong pakealam. Ang gusto ko buhay kang lalabas ng Emergency Room.

Sabi ng doktor, malakas daw ang loob mo dahil sa lalim ng sugat mo at dami ng dugong nawala sayo ay dapat patay ka na bago ka pa makarating ng hospital. Nagawa mo pang awayin yung isang nurse dahil masyado siyang mabagal kumilos.

Kita mo kung gaano ka katatag? Andito na naman ako, parang sirang plaka na paulit-ulit na ipinapaalala sayo ang lahat.

Naalala mo ba yung ex mo dati? Yung sobra mong minahal bago ako? Nagkita ulit kayo noong nakaraang taon, sabi niya mahal ka pa at gusto kang balikan. Hinatak mo ako, sabi mo "Nakikita mo ba to? Bigyan mo ako ng mabigat na dahilan para iwan ko to at babalik ako sayo. Kung kaya mong maging siya at higitan siya, sige." Yan ang sarkastikong sagot mo sakanya noon.
Syempre mahihiya siya, niloko ka niya e. Iniwan ka sa ere tapos para siyang gago ngayon na babalik sayo? Pero maiintindihan ko kung binalikan mo sana siya. Pero hindi ibig sabihin non, hindi na kita ipaglalaban. Mahal kita diba? Kaya ko nga ginagawa to sayo ngayon. Hindi ako sumusuko dahil naniniwala akong babalik tayo sa dati, maayos tayo.

Sabi ko sayo hindi kita sasaktan, tinupad ko yun. Naging masaya tayo, walang araw na malungkot tayo. Ang bawat problema noon sabay nating nilalabanan, sabay nating inaayos. Walang iwanan diba?

Hanggang sa dumating etong punto na to. Bigla na lang tayong natigil. Yung oras, yung araw, yung walang hanggang saya, yung mga pangarap, mga ngiti, yung pagpitik ng oras natigil.

Hindi ko alam kung bakit, hindi ko alam. Isang araw nagising nalang ako na ganito na tayo. Na malungkot kana. Na parang wala na akong halaga sayo...

A Love That Lasts ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon