Tradisyon na ang isang gabing sayawan sa barangay ng San Claudio na ginaganap sa pag-uumpisa ng bakasyon taun-taon. Karaniwang dinadaluhan ng mga kabataan na nagsasaya matapos ang isang taong ginugol sa eskwelahan, pwedeng sa pag aaral, pagbubulakbol o kung anu-ano pa.
Kaya naman, sa isang maliit na barung-barong excited na tinatapos ng isang dise-sais anyos na sabihin na nating nagbibinata din naman kahit pano tulad ng mga kapanabayan niya, ang kanyang mga gawaing bahay para makapaghanda sa nasabing sayawan. Ang lagay lang eh, iba siya sa maraming kabataan sa kanilang lugar. Well, siguro dahil yun sa katutuhanang maaga siyang naulila sa ina, walang kinagisnang ama, at tanang buhay niya ay sa dalawang matatanda na kasama niya araw-araw umikot ang mundo niya.
"Polding apo, iwanan mo na yang mga sinisibak mo at mahuhuli ka na sa sayawan. Hayo na, maligo kana't magbihis", sabi ng lola Puring niya na nilabas pa siya ng kubo para kausapin.
"Sandali na lang po 'to 'la, para mas marami tayong maimbak na panggatong. Baka si lolo na naman ang magsibak nito, mapapagod na naman yun",sagot naman niya habang tinatapos na ang natitirang kahoy. "Tsaka pasado alas kwatro palang naman, alas sais naman po yung umpisa nun 'la kaya pasok na kayo at magpahinga na".
Si Paul o Polding para sa lolo at lola niya, ang batang lumaking mabait at magalang sa lahat sa kabila ng kahirapan sa buhay. Matalino ngunit madalas mapagkatuwaan sa eskwela, pero dahil ayaw nang gulo ay umiiwas na lang palagi.
Dumidilim na nang matapos niyang sakluban ng isang lumang tulda ang mga panggatong bilang pananggalang sakaling umulan, pumasok na siya sa kubo at nadatnan niyang magkatabing nakatulog pala ang lolo at lola niya. At dahil dumidilim na, sinindihan na muna niya ang lamparang gawa sa bote ng ketchup na siyang nagsisilbing ilaw nila. Tinignan niya muna ang mga ito saglit. Idol niya ang lolo at lola niya pagdating sa ngalan ng relasyon. Kayang lampasan ng dalwa ang lahat para sa isa't-isa. Minsan niyang hiniling na pag nakita niya ang babaeng pag aalayan niya ng pagmamahal, pangako niyang aalagaan nya ito tulad ng ginawa ng lolo niya sa lola niya. Tanda pa niya yung eksaktong sabi ng kanyang lolo noon, "Pag nagmamahal ka, araw-araw mong sasabihin na siya yung gusto mong kasama habang tumatanda, mula pag akyat ng araw hanggang sa paglubog nito".
Tiningnan niya ang kaisa-isang orasan sa kubo nila na dahil sa kalumaan ay kinakalawang na. Meron pa siyang kense minutos para maghanda. Mabilis siyang naligo at pinagkasya ang isang balde ng tubig na inigib niya kani-kanina sa balon na malapit lang sa kubo nila. Loyal siya at naniniwala sa sabong seyfgard na bukod sa mura na ay 99.9% patay ang germs pa! Shampoo ba kanyo? Eh syempre yung mumurahing sachet-sachet din, kahit ano lang basta bumubula sa ulo. Ang totoo, bihira lang syang magshampoo ng mga nabibili dahil mas madalas gogo ang gamit niya. Yun bang gata nang niyog o di kaya ay literal na dahon ng alovera, marami kasi nun sa paligid ng kubo nila courtesy of lola Puring.
Kinuha na niya ang isusuot niyang long sleeves na polo na medyo kupas narin at ang isusuot niyang slacks na kulay brown. Maayos niya itong tinupi at inipit sa ilalim ng kanyang unan dalawang araw bago ang sayawan para di masyadong gusot dahil wala naman silang plantsa at kahit na meron, eh wala naman silang kuryente. Naibenta narin kasi nila ang plantsang de uling kaya wala na silang magamit ngayon.
"Ayos! Sana maisayaw ko si Southlyn mamaya", ngiting-ngiti nyang bulong sa sarili habang tinatuck-in ang long sleeves polo niya at nananalamin sa isang side mirror ng habal-habal na nakapatong sa tokador nyang luma din. "Southlyn, pag ako nagustuhan mo hindi lang puso ko ang mapapasayo, pati pagkatao ko alipin mo", dagdag pa niyang bulong sa sarili.
Si Southlyn ang pamangkin ng kapitan ng barangay nila. Sa Maynila ito nakatira pero tuwing bakasyon ay sa San Claudio ito umuuwi. Maganda si Southlyn, laking syudad, maporma, mabait kahit minsan ay suplada din. Pero ang bottomline, magkaibigan sila ng dalaga, at crush niya ito pero wala siyang lakas ng loob para magsabi. At ngayong gabi, magkikita sila dahil dumating na si Southlyn nung isang araw at paniguradong dadalo ito sa taunang sayawan.

BINABASA MO ANG
Pangako, Babalik Ako
Fiksi RemajaThe SouthPaul Cliché. Ang kwento ng isang pangakong binitawan. Sana magustuhan ng ang ending ay maunawaan.