I Love You, Tay

4.2K 126 14
                                    

Sa aming baryo dito sa probinsya ng Laguna maririnig tuwing hapon ang maiingay na hiyawan, kantahan, at tawanan ng mga tulad kong kabataan habang masasayang naglalaro ng mga larong kalsada tulad ng piko, patintero at taya-tayaan. Sa edad kong labing-isang taong gulang ay normal lang na kasama ako sa mga batang iyon, ngunit ang alam ko lang na hindi normal ay ang nararamdaman kong kakaiba para sa sarili ko.

"Sasara ang bulaklak, bubuka ang bulaklak, papasok ang reyna at sasayaw ng chacha."


Pa-rampa akong pumasok sa loob ng gitna ng bilog na ginawa ng mga kalaro kong mga babae at buong indayog na iginiling ko ang aking balakang at beywang na para bang isa akong tunay na babae. Naghiyawan at nagtawanan silang lahat.

Hindi ko alam, pero kapag ginagawa ko 'to nakakaramdam ako ng kaligayahan para sa sarili ko, pakiramdam ko isa akong ibon na malayang nakakalipad sa himpapawid. Ngunit sa paglipad kong 'yon ay alam kong meron at meron pa ring dahilan para bumagsak.

"Arthuro Miguel! Hayop ka talagang bata ka! Nakikipaglaro ka na naman sa mga babae! Hindi ka na talaga nagtino! Halika dito, malilintikan ka na naman sakin!"

Hindi pa 'ko nakakapagsalita upang magpaliwanag ay bigla na lang akong kinaladkad ni tatay papasok sa bahay. Katulad dati, binugbog at sinaktan niya na naman ako. Halos maging kulay violet ang mga binti at braso ko dahil sa mga pasa dulot ng paghahampas niya sakin ng mga matitigas na bagay. Wala akong nagawa kundi umiyak ng umiyak dahil sa sobrang sakit na iniinda ng katawan ko.

Lagi niya 'tong ginagawa sakin sa tuwing nakikita at nadadatnan niya akong nakikipaglaro sa mga babae. Sabi nila, ginagawa lang naman daw 'yun ni tatay para magtino ako at magbago pero eto na talaga ako eh, ramdam kong hindi na ako magbabago pa tulad ng gusto ng tatay ko.

Hanggang sa tumuntong ako sa edad na disi-sais. Katulad ng hindi ko pagbabago ay kasabay rin ng parahas na parahas na pananakit at pamamahiya ng tatay ko sakin.


Minsang sumali ako sa isang gay pageant sa plaza ng baryo ay buong pagpapahiya na kinaladkad niya 'ko pababa sa stage, pinagtawanan at kinantiyawan ako ng lahat ng mga manonood. Hindi lang 'yon, nung minsan na ginabi ako ng uwi dahil sa ginawang group project namin ay harap-harapan niya 'kong sinampiga sa harap mismo ng kaklase kong lalaki na siyang naghatid sakin pauwi.Gano kasakit 'yun para sakin. Ok lang sana na bugbugin niya 'ko, matatanggap ko pa sana, ang kaso ginawa niya 'yun sa harap ng ibang tao.

Isang gabi, umuwi ako galing sa school nadatnan ko si tatay na sinasaktan si nanay habang inaawat siya ng dalawang kapatid kong babae. Wala siguro siyang mahinging pera kaya si nanay ang pinagdidiskitahan niya. Dala marahil ng pagkaawa at pagkagalit ay nabitawan ko lahat ng dala-dala kong gamit at lumapit sa kanila. Inilayo ko si nanay mula kay tatay at puwesto ako sa harap niya para harangan siya.

"Tay tama na! Tumigil ka na, tay! Hinahayaan ko kayo na saktan ako, pero sa oras na si nanay ang agrabyaduhin niyo, kahit tatay kita, lalabanan kita!"
pananagot ko sa sa tatay ko. Ito ang unang pagkakataon na sinagot ko siya.

"Anak, 'wag ka ng magsalita, tama na anak." pangamba ni nanay habang awat-awat niya ko.

Nanlisik ang mga mata ni tatay.

"Ikaw ang tumigil hudas ka! Ikaw ang salot sa pamilyang 'tong bakla ka! Kahihiyan ka satin!"

I Love You, TayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon