“OY, IKAW NGA muna ang pumalaot, Jackie. Tinatamad ako, eh. Masakit din ang ulo ko. Para akong lalagnatin,” wika ni Mang Joseph.
“Eh, paano naman kasi, want-to-sawa ang ginawa ninyong pag-inom kahapon. Kung makalaklak kayo ng tuba, para bang wala ng bukas!” nakasimangot na wika ni Jackie.
“Oy, magtigil ka nga riyan! Birthday kahapon ni Pareng Islaw, minsan lang mapainom iyong tao, hindi ko pa ba sasamantalahin?” angil ng matanda.
“Kuh! Ang sabihin ninyo, sugapa kayo sa alak!” pabulong na lang niyang sabi bagama’t may kalakasan pa rin.
“Ano kamo?” kaya naman narinig pa rin nito.
“Wala ho!” nagdadabog na nagpusod ng buhok si Jackie, pagkuwa’y kinuha ang bonnet at isinuot. Lumabas na siya ng dalawang balangkas ng bahay nila na gawa sa pawid at sawali.
Walang anumang pinasan niya ang lambat na may pinong butas at kinuha ang sagwan.
“Oy, Jackie, doon ka gumawi sa bandang hilaga, ha? Marami kang mahuhuling pusit doon. Dalhin mo sa rest house na binabantayan ni Mang Rico mo, darating daw ang amo niya kaya tiyak na papakyawin ang huli mo!” pahabol na salita ni Mang Joseph na dumungaw na lang sa bintana.
“Oho!” bubulong-bulong pa rin na humakbang na siya patungo sa dalampasigan kung saan nakadaong ang bangka nilang may katig.
Ilang sandali pa, pumapalaot na siya sa karagatan gamit ang sagwan para makarating sa lugar na pinagkukumpulan ng mga pusit.
Hmp! Kaya hanggang ngayon ay hindi man lang kami makabili ng motor para sa bangkang ito, wala kasing inatupag ang matandang iyon kundi maglasing. Nakakainis talaga! Kung hindi lang naiisip ko na baka walang kakainin sina Inay, hindi ako magtitiyagang sumagwan papalaot, ha? Ano bang akala sa akin ni Tatang, lalaki na walang anuman na makasasagwan patungo sa laot? Kuh!
Nakakainis talaga! Kailan kaya ako makakakuha ng mayamang lalaki na matanda at madaling mamatay para naman makaahon kami sa hirap? Kaya lang, paano naman ako makakakuha ng ganoon? Hindi naman ako nakakaalis sa baryo namin. Isa pa, nasisira na sa sikat ng araw ang balat ko. Hindi kagaya noong nag-aaral ako sa high school na nagiging muse pa ako. Hay, hirap talagang mabuhay, oo!
Kaya naiinis man sa buhay na pinagsadlakan sa kanya ng mga magulang, nagpatuloy lang siya sa pagsagwan patungo sa laot.
Hanggang sa wakas ay nakarating siya sa nais patunguhan. Inihagis niya ang malaking lambat sa tubig, naghintay ng mahabang oras.
Pagkaraan ng ilang oras, kalat na ang liwanag, patungo na siya sa pampang kung saan nakatirik ang malaki at magarang rest house na binabantayan ni Mang Rico.
“Tao po! Tao po!” tawag niya nang makababa na ng bangka habang bitbit ang bakol na kinalalagyan ng mga huli niyang pusit.
Malalaki ang kanyang huli, sariwang-sariwa pa kaya sigurado siya na magugustuhan iyon ng may-ari ng rest house.
“Tao po! Tao po! Pusit po!” muli niyang sigaw nang walang sumagot.
Pero wala pa ring sumagot sa kanya.
Wala yatang tao, ah!
Gumala sa paligid ang kanyang paningin. Nasulyapan niya ang maganda at mamahaling BMW na nakaparada sa gilid ng rest house.
Wow! Ang ganda naman ng car!
Nangingislap ang mga matang tinakbo niya ang sasakyan at sinipat-sipat. Inilapag pa ang dalang bakol ng pusit para haplusin ang makintab na hood nito.
Wow! Ang ganda talaga! Mukhang ang sarap maupo sa loob. Ang lamig siguro ng aircon, saka tiyak na ang lambot ng upuan. Kailan kaya ako masasakay sa ganitong sasakyan?