Pero ayaw makinig ni Dominic, kinabukasan ay natagpuan niya ang sarili na muling nagbalik sa Baryo Masilip. Palinga-linga habang sakay ng kanyang kotse, sinasala nang tingin ang mga nakakasalubong.
Umaasang makikita na ang babaeng hinahanap.
Pero hanggang gumabi na ay bigo pa rin siya.
Sa isang fastfood na malapit sa plaza na lang kumain ang binata nang makaramdam ng gutom. Nakakahiya naman kasing makipiyesta sa mga tagaroon kahit pa open sa lahat ang bahay ng mga may handa.
Mukhang masaya talaga ang fiesta rito, ah. Ang ganda ng ayos ng stage. Mukhang magaganda ang kandidata nila.
At hindi alam ni Dominic kung bakit natagpuan niya ang sarili na nakiupo sa mga manonood na naghihintay sa gaganaping beauty pageant.
Wala naman akong gagawin sa bahay, hindi rin ako makakatulog agad. Sasakit lang ang ulo ko kapag pinilit kong matulog. Hindi bale, babalik na lang ako sa lungsod sa makalawa. Walang mangyayari sa akin dito. Nagsasayang lang ako ng oras at nagmumukha akong tanga.
“KINAKABAHAN ako.”
“Ano ka ba? Ano bang pagkakaiba ng paligsahang ito sa mga sinalihan mong beauty pageant sa school natin noon?”
“Fresh pa ang beauty ko noon, ano? Hindi pa ako namamalakaya sa dagat kaya -”
“Gaga! Nakita mo bang sarili mo kanina sa salamin, ha? Ang ganda-ganda ng ayos mo. Ang cute mo, ano? Pati make-up mo ay bagay sa iyo. Mahusay yata si Michelle. At bagay na bagay sa iyo ang gown na pahiram ni Mayor. And take note, talagang sa tingin ko, ikaw ang pinakamaganda sa kanila, ano?”
“Oo na, kaibigan nga kita.” Napairap siya rito, pero ang totoo, nadagdagan ang kumpiyansiya niya sa sarili, lalo pa at nakita nga rin niya ang mga kalabang kandidata.
Sa tingin niya, mas maganda siya sa mga ito.
Mayamaya pa, nagsalita na ang emcee magsisimula na raw ang paligsahan. Pinahihilera na sa backstage ang mg kandidata para makarampa sa stage kapag tinawag na ang pangalan nila.
Kinakabahan man, nilakasan na ni Jackie ang loob. Kunwari, walang ibang tao sa paligid, kunwari, mga isda sa dagat ang mga kalaban niya na kayang-kaya niyang hulihin.
“At ngayon naman, tatawagin na natin ang Mutya ng Baryo Masilip. Miss Jackielyn Hernandez!”
Napalunok siya nang marinig ang pagtawag ng emcee sa kanyang pangalan, pagkuwa’y nagtaas siya ng noo, saka nagsimulang humakbang palabas sa kurtinang tumatabing sa backstage.
Madalas na siyang masali noon sa mga patimpalak sa school nila, naturuan na siya ng PE teacher nila noon kung paano ang tamang kilos at lakad kapag nasa stage.
Iyon ang i-a-apply niya sa sarili ngayon.
Aral ang lakad ni Jackie nang rumampa sa stage, animo tunay na modelo, o tunay na kandidata sa Miss Philippines ang kanyang sinasalihan, kaytamis nang ngiti sa kanyang mga labi na iniukol sa mga judges, partikular sa pinakabatang hurado na may itsura rin naman.
Kumindat pa ito sa kanya.
Natatawa na lang na nagbawi siya nang tingin, pagkuwa’y nangingislap ang mga matang sumusulyap siya sa mga manonood.
Hiyawan ang mga kabinataan nang mapagtuunan niya nang tingin.
Mas matamis ang ngiting ipinukol niya sa mga ito.
Ilang sandali pa, nakihilera na rin siya sa mga nauna na ng kandidata na rumampa sa stage. Hindi napupuknat ang ngiti sa kanyang mga labi.
Pero mayamaya, ang ngiting iyon ay tila gustong mapalis. May nahagip kasi ang kanyang mga mata sa kulumpon ng mga manonood na nakamasid sa kanila na sukat nagpakabog sa kanyang dibdib.