“B-BAKIT dito mo ako dinala?”
“Bakit? Dati ka namang nagpupunta rito, hindi ba?”
“O-oo, pero –”
“Pasok ka.” Hinila papasok ni Dominic sa braso ang dalaga at ini-lock ang pinto.
“B-bakit mo ini-lock?”
“Bakit, natatakot ka ba?”
“H-hindi! Bakit naman ako matatakot sa iyo!”
“Ewan ko sa iyo.”
“Hindi nga!”
“Then, have a seat. Ipaghahanda lang kita ng maiinom para maging maganda ang pag-uusap natin, okay?”
Tahimik na lang siyang sumunod.
Pumasok sa kumedor si Dominic, nang lumabas ay may dala ng dalawang baso ng iced tea na nagyeyelo sa lamig.
“O, mag-iced tea ka muna.”
“Ano ba talagang kailangan mo sa akin?” hindi niya pinansin ang iniaabot nitong baso.
“Jackie –”
“Anong kailangan mo sa akin?”
Natigilan si Dominic, pagkuwa’y inilapag nito ang baso sa center table.
“Okay, hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Marry me.”
“Ano?” nanlaki ang mga mata niya sa sinabi nito.
“Marry me, tutuparin ko ang pangarap mo na makasal sa isang guwapong mayaman na hindi agad mamamatay. And I’ll promise to you, hahanguin ko sa hirap ang pamilya mo. Hindi mo na kailangang mamalakaya sa dagat para may makain kayo. Hindi na iitim ang balat mo, hindi ka na mag-aamoy isda. Just marry me and I’ll give you the world.”
Lalong nanlaki ang mga mata ni Jackie, mayamaya ay napangiti siya, ngiting nauwi sa tahimik na pagtawa, hanggang maging malakas na halakhak.
“Ako, inaalok mo ng kasal? Nagpapatawa ka ba, ha? Aba, natatawa ako, ha?” saka halos mamula na siya sa katatawa.
“Jackie, anong problema mo? Anong nakakatawa sa alok ko, ha?” may galit ang tinig ni Dominic.
“Eh, kasi naman, sinong hindi matatawa sa iyo? Dati ay ganoon na lang kung insultuhin mo ako, na tila ba diring-diri ka sa akin, tinawag mo pa nga akong luka-luka, hindi ba? Tapos, nakita mo lang ako na kinoronahan, inaalok mo na ako ng kasal!” halos ay mahulog na sa sofa ang dalaga na hindi pa rin mapigil ang pagtawa.
“Stop it!”
“At bakit ako hihinto? Nakakatawa ka naman talaga, ah!”
“You witch!” gigil nitong hinawakan sa magkabilang balikat ang dalaga at sapilitang itinayo. “Nagtataka ka pa kung bakit nagkaganito ako? Nakalimutan mo na ba ang sumpa mo. Ha? Na hindi ka na mawawala sa sistema ko! Na kahit saan ko ibaling ang paningin ko, ikaw na ang makikita ko, na kahit saan ako makarating, tinig mo ang maririnig ko! At nagtagumpay ka, nasira na nga ang ulo ko sa kaiisip sa iyo. Ngayong inaalok kita ng kasal, pagtatawanan mo lang ako?”
“At bakit hindi ako matatawa? Nakita mo lang akong kinorohan –”
“Hindi totoo iyan! Kaya ako nagbalik dito, hinahanap kita! Ginulo na na kasi ang utak ko! Nagkataon lang na nakita kong kinoronohan ka ng gabing iyon! Pero kahit na hindi ka nanalo, kasal pa rin ang iaalok ko sa iyo. Alam mo kung bakit? Dahil mahal kita!”
Saglit na natigilan ang dalaga, pagkuwa’y naningkit ang mga mata niya.
“At gusto mong maniwala ako, ha?”
“Kung ayaw mong maniwala, wala akong magagawa. Pero gagawin ko ang pinakahuling paraan para maniwala ka na nagsasabi ako ng totoo!”
“A-anong–”
Bago pa natapos sa pagtatanong si Jackie, naging mabilis na ang sumunod na kilos ni Dominic, nakabig na nito sa batok ang dalaga at mariing siniil nang halik ang mga labi.
Nabigla man siya, saglit pa rin siyang nakapanlaban, tinangka niyang kumawala, manulak.
Ngunit kaytamis nang halik na ipinagkakaloob sa kanya ni Dominic, kay higpit ng yakap, kaybango ng hininga nito, para siyang nauupos, nanlalambot ang kanyang tuhod, gustong mapapikit ang mga mata niya.
At sinunod niya ang nais, napapikit siya, saka kusang napayakap dito.
Matagal ang halik na kanilang pinagsaluhan, hindi siya aware na hindi lang siya tumatanggap, tumutugon na rin.
Mayamaya ay pinalaya na nito ang mga labi niya.
“Jackie… hindi mo ba naramdaman… tumalab nga sa akin ang sumpa mo, hindi ka na maalis sa sistema ko, mahal na mahal na kita. Hindi ko na kakayaning mabuhay na wala ka. Please, marry me. Nakahanda akong gawin ang lahat, mapatunayan ko lang sa iyo na totoo ang sinasabi ko.”
Napatitig siya sa mukha nito, pagkuwa’y nalaglag ang luha sa kanyang mga mata…
~~~~~
EPILOGO
“JACKIE, tinatanggap mo bang maging asawa ang lalaking ito? Sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, hanggang kamatayan?”
Nagniningning ang mga matang sinulyapan niya ang lalaking katabi sa pagkakaluhod sa harap ng altar.
“Opo, Padre, ng buong puso.”
Napangiti ang lalaki sa naging sagot niya, waring nasiyahan.
“At ikaw Dominic, tinatanggap mo ba ang babaeng ito na maging asawa, sa hirap at ginhawa, sa sakit at karamdaman, hanggang kamatayan?”
Muling tumitig sa kanya ang lalaki, kaytamis pa rin nang ngiti sa mga labi nito, ang titig sa kanya ay tila punung-puno ng pagmamahal.
“Opo, Padre, ng buong puso at kaluluwa. Mahal na mahal ko po ang babaeng ito.”
“Kung ganoon, ipinahahayag ko sa lahat na kayo ay mag-asawa na. Maari mo nang halikan ang iyong maybahay.”
Nagpalakpakan ang mga tao, hinawakan naman ng groom ang kanyang belo at itinaas, pagkuwa’y dahan dahang inilapit ang mga labi sa mga labi niya.
Napapikit na lang siya, kasabay niyon ay umawang ang kanyang mga labi at hinintay ang halik na ipinagkakaloob nito.
Ah, kaytamis ng halik na iyon, para siyang naakyat sa langit.
WAKAS
Tnx for reading .. :)