Masaya kong binabaybay ang daan patungong poultry farm. Nadaanan ko ang palayan na pag-aari ng aking pamilya. Hirap ako habang naglalakad sa pilapil pero pilit kong binabalanse ang katawan nang sa gayon ay hindi ako mahulog. Naririnig ko ang mga huni ng ibon, langitngit ng kawayan at ang mahinang agos ng tubig na tila musika sa aking pandinig.
Tuwang-tuwa ako nang marating ko ang ilog sa dulo ng palayan.
"Napakaganda talaga ng ilog na ito," bulong ko sa sarili. Noong mga bata pa kami lagi kaming naliligo dito. Sa gawing kanan makikita ang isang talon o falls. Umaagos ito pababa sa batis na hindi naman kalaliman ngunit napakalinaw ng tubig. Maaaninag mo ang iba't ibang klase ng mga isda na animo'y nagpapagalingan sa paglangoy. Sa bandang kaliwa naman ay makikita ang cottage na ginawa ng aking ama. May iba't iba ring hugis ng bato sa paligid na mayroong mga halamang bonsai.
Ilang minuto rin akong nanatili sa ilog na iyon at nagpatuloy na ako patungong poultry. Halos dalawang minuto ring lakaran nang marating ko ito.
Tuwang-tuwa kong pinagmamasdan ang mga manok nang dumating si Tiya Nancy.
"Mano po tiya."
"Kaawaan ka ng Diyos anak. Kumusta ka na, Jane? Kailan ka dumating?"
"Okey naman po ako. Kaninang madaling araw po ako dumating. Kayo po, tiya kumusta naman po kayo?"
"Okey naman kami Jane sa awa ng Diyos. Mukhang hiyang ka sa Maynila, ah. Lalo kang gumanda at ang kinis kinis ng kutis mo. Namiss kita, Jane", wika ni tiya at saka niya ako niyakap. Mabait si tiya Nancy at malambing. Parang ina na rin ang turing namin sa kanya. Masaya kaming nag uusap ni tiya habang nangunguha ng mga itlog ng manok.
"Ito ang isa sa mga bagay na namiss ko, tiya," wika ko nang mapuno ng itlog ang dala kong basket.
Nang matapos na kami sa pangunguha ng itlog inaya ako ni tiya sa bahay nila para makapagmiryenda. Nagluluto si tiya ng bananacue habang ako naman ay nasa balkonahe at nakatingin sa bahay namin. Mula kasi dito sa bahay nila tiya ay matatanaw mo ang bahay na tinitirhan namin dahil patag ang lupain dito. Tatlong palapag ang bahay na pinamana ng lola ko sa aking ina.
Hindi mawala ang agam-agam ko sa sarili habang nakatingin sa bahay na pinamana ni lola. May mga nagsasabi na mayroong kakaiba sa bahay na iyon.
Ayon sa aking ina, itinayo ang bahay taong 1964. Ito ang pinakamatandang bahay dito sa Sta. Ines. Ilang dekeda na rin ang nakakaraan pero nananatili pa rin itong matatag.
Napukaw ang aking atensiyon sa pagdating ni tiya dala ang tray na naglalaman ng bananaque.
"Magmiryenda ka muna, Jane. Paborito mo to, 'di ba?" aniya habang inilalapag ang tray sa mesa.
"Wow, ang sarap," wika ko habang ngumunguya.
"Hija, kanina napansin ko na nakatulala ka. May gumugulo ba sa isip mo?"
"Opo, tiya. 'Yung bahay po kasi."
"Bahay? Aling bahay?"
"Yung bahay po na tinitirhan namin. May mga naririnig po kasi akong usap-usapan na may nagmumulto raw do'n. Minsan daw po tanghaling tapat maririnig daw na parang may taong naglalakad sa hagdan na parang naghihila ng kadena. Tumira na rin po kayo do'n, 'di po ba, tiya? Totoo po ba y'un?"
"Hindi naman siguro 'yun totoo, hija. Tumira rin kami do'n ng ilang buwan pero wala naman kaming napapansin o naririnig. Baka imahinasyon lang nila 'yun."
Pagkasabi niyon ay biglang ibinaling ni tiya ang paningin sa malayo. Hindi man niya aminin, alam ko na may alam siya tungkol sa bahay na iyon. At desidido akong alamin kung ano man 'yun.
BINABASA MO ANG
Pag-ibig Sa Magkabilang Mundo ( Engkanto Love Story)
FantasíaSiya si Marcia Jane. Masayahin, mabait at maganda.Pantasya ng mga kalalakihan sa kanilang lugar. Siya naman si Dmitri. Sa kabila ng kanyang mapupungay na mga mata at angking kakisigan nagtatago ang isang malaking sikreto. Paano kung pagtagpuin sila...