NANG PAALISIN siya ni Carl, nagsuspetsa agad si Aela na pag-uusapan ng dalawa ang tungkol sa lihim na bumabalot sa bahay na iyon. Dahil sadyang curious, pinakinggan niya ang pinag-uusapan nila.
Natural na matalas ang pandinig niya kaya kahit nasa kusina siya at pabulong ang pag-uusap ng dalawa, malinaw pa rin niyang naririnig ang lahat.
Sinabi ni Carl na hindi normal ang lalaking tinulungan nila. Sinang-ayunan iyon ni Lola Maria. Isa raw taong lobo ang binata?
Ha? Paano nangyari iyon?
Narinig niyang papagalingin daw ni Lola Maria ang binata. Kaya naman, sumilip siya at napasinghap siya nang magliwanag ang kamay ng matanda!
Paanong-- bakit--? Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Masyadong matindi ang hiwaga na nasaksihan niya.
Maya-maya, inalis ni Lola Maria ang kamay sa katawan ng binata. Hawak na nito ang bala ng baril.
"Kumuha ka ng dahon ng bayabas at pakuluan mo para ipang-disinfect," utos ng abuela.
Agad na umalis si Aela at nagkubli.
Gulung-gulo pa rin siya nasaksihan. Masyado siyang maraming hindi nauunawaan.
Biglang sumagi sa isip niya ang panaginip noong unang beses siyang natulog doon.
Hindi siguro panaginip iyon! Totoo iyon. Inatake ako nung halimaw at ginamot lang ako ni Lola Maria kaya wala akong sugat. At 'yung lalaki, siguro may trchnique silang ginagawa para malaman na werewolf iyon kaya nila nalaman.
Natigilan na lamang siya nang makita si Carl na may hawak na murang dahon ng bayabas.
Sinamantala niya ang pagkakataon para magtanong. Ang kaso, naging mailap ito sa kanya kaya napaluha na lamang siya at nag-walkout. Nagkulong siya sa kwarto at umiyak.
Pero mabilis lang din siyang tumahan. Pilit na lang niyang inintindi na may dahilan sila kaya naglilihim sa kanya.
Siguro, ayaw nilang matakot ako o kaya e baka pinoprotektahan lang nila ang reputasyon ng baryo nila kaya ayaw nilang sabihin. Mahal na mahal din kasi ni Lola Maria ang Baryo Masinloc e.
Kaya tumunghay na lamang siya sa bintana at nagpahangin. Kung hindi pa siya kakatukin ni Rio at yayaing kumain, hindi siya lalabas ng kwarto.
Pagdating sa baba, may nakahain na ang mesa. Nakaupo na rin sina Lola Maria, Carl at Andrea at mukhang hinihintay talaga siya.
"Tara game na!" masayang yaya ni Andrea nang makaupo siya. Tapos, nagsandok ito ng kanin. "Jusko, kakapagod ngayon sa center. Daming ginagawa. Buti na lang, masarap na adobong baboy ang ulam. Mapapakain ako ng marami ngayon." Inabot nito ang mangkok ng ulam.
"Magpasalamat ka kay Aela. Siya ang namili ng karne kaya masarap ulam natin ngayon," sabi naman ni Lola Maria.
Hinarap siya ni Andrea. "Nako, girl, thank you! Ilang buwan na rin akong di nakakatikim ng karne, jusko. Buti na lang, galante ka." Tapos, kinamay na nito ang pagkain. Para nga itong patay-gutom kung makadakma ng kanin.
Natawa na lang siya. "Ate, pakabusog kayo! Don't worry, habang nandito ako, madalas karne ulam natin."
"Ay nako, girl, nakakahiya naman pero bakit nga ba hindi?"
Muli siyang natawa. Nagustuhan niya ang pagiging pranka ng dalaga.
Aabutin na sana niya ang bandehado ng kanin pero inunahan siya ni Carl.
Seryosong nakatingin sa kanya ang binata, at pinili niyang huwag iyong salubungin. Kahit nang ang binata na mismo ang naglagay ng kanin sa plato niya, hindi niya ito inimik.
BINABASA MO ANG
Statistical Probability of Dying (Revising)
Fantasy(STATUS: Currently revising) Ni minsan sa buhay niya ay hindi niya ito pinangarap. Ang intensyon lang naman kasi niya ay basahin ang librong iyon para malibang. Nang mapuno si Aela sa ugali ng kanyang ama, nagdesisyon siyang magtungo sa liblib na Ba...