Si Samuel
Kaharap ko si Samuel, naka-upo kami, inukupahan namin ang isang mesa sa isang maliit na karinderya. Inilabas niya ang maliit na libro. Pag-buklat niya'y naroroon ang mga salitang, marahil ay sulat-kamay niya.
"Isa ka sa mga napili Gino.", pagkatapos ay muli siyang nagbuklat ng isang pahina sa aklat niyang hawak-hawak. Naroon ang isang larawang iginuhit. Isang mukha, at tatlong segundo pa bago ko makilala kung sino iyun.
"Napapanaginipan kita Gino.", nasabi ni Samuel habang nakaturo sa larawan, sa larawan na walang iba kundi ang aking mukha. "Isa ka sa mga tao na kailangan kong mahanap."
"Mahanap? Para saan?", pagtataka ko.
"Para matupad ang isang propesiya.", nasabi niya, habang ang mga mata ay madiin na nakatingin sa aking mga mata.
"May tatlo ka pang kasama, kailangan ko rin silang makita.", dagdag pa ni Samuel, pagkatapos ay binuksan pa ang ilang pahina para sa iba pang mga mukha na kanya ring iginuhit.
Sa sandaling iyun, sa aking loob ay nanaig na ang pagdududa. Alam kong ako ang may sakit sa utak, subalit si Samuel yata ay mas malaki ang sira sa pag-iisip. Paano kung ang lahat nang kanyang sinasabi ay pawang gawa-gawa lamang, at baka kaya niya ako nakilala ay dahil nakita na niya ako sa ospital kung saan marahil ay nagpapakonsulta rin siya dahil sa nawawala na niyang bait.
Natawa na lang ako nang bahagya, habang siya naman ay seryoso pa rin ang mukha.
"Hindi ka naniniwala sakin.", nasabi nito.
"Hindi naman sa ganon, pero--
"Hindi mo kailangang magpaliwanag, nauunawaan ko.", pantay ang boses na sinabi ni Samuel, pagkatapos ay ibinulsa na ang kanyang maliit na libro, tumayo at saka muli nagsalita. "Ganitong-ganito ang nangyari sa aking panaginip. Hindi ka rin naniwala.", nakangiti ito.
Naglakad siya papalayo, hindi na lumingon sa akin. Naiwan na lang akong balisa sa mga pangyayari. Patayo na rin sana ako nang mapansin kong may isang pahina na iniwan si Samuel sa ibabaw ng lamesa. At doon ay mayroon siyang isinulat:
'Kung hindi ka naniniwala sa'kin. Tayaan mo ang mga numerong ito. 8-24-28-33-15-22.'
Nang sumunod na araw, umaga, habang hawak-hawak ko pa ang baso ng kape ay lumabas ako sa aking tinutuluyan na apartment, tumawid papunta sa tindahan sa may kanto. Nasa isip ko ang sinabi ni Samuel tungkol sa pagtaya ng mga numero, at nais kong pabulaanan ang kanyang mga sinabi kaya nagawa kong bumili ng dyaryo, bagay na hindi ko naman talaga ginagawa. Humigop muna ako sa hawak kong inumin, saka lamang tiningnan ang mga numerong nanalo sa lotto sa araw na iyun. Muntikan ko nang maidura dahil sa pagkabigla, nang makita kong tumama nga ang hula ni Samuel! Jackpot!
"Ano?! Naniniwala ka na?!", biglang tanong sa akin ng isang lalaki sa banda kong likuran, at sa aking pagkagulat ay naidura ko nga ng tuluyan ang kapeng kanina ko pa dapat nalunok.
Si Samuel. Nakangiti siya saken. "Sayang no? Hindi mo tinayaan?"
At pati ang tungkol sa hindi ko pagtaya ay alam din niya?
"Paano mo nalamang hindi ko rin tinayaan? Napanaginipan mo rin yun?"
"Hindi. Hindi naman kailangan ng kakaibang kapangyarihan upang malaman kung ilan ang nanalo sa lotto 'di ba? At kung babasahin mo yung dyaryo, sinasabi d'yan na bokya o! Kung tumaya ka, edi sana may isang panalo!", parang may halong pang-aasar na paliwanag nito.
Panghihinayang at pagkamangha ang naghalo sa aking damdamin sa sandaling iyun, ni hindi ako makapagsalita.
"Tingin ko naniniwala ka na ngayon Gino. Sapat na ang naipamalas ko sayo.", masayang binigkas ni Samuel.
"Kung ganun, hawakan mo ito.", ini-abot niya sa akin ang isang papel. "Nakasulat diyan ang lugar kung saan ka pupunta. Sa makalawa, kailangan mong magpakita." nasabi ni Samuel, pagkatapos ay naglakad na muli papalayo. Hindi na lumingon, palatandaan nang kanyang pagkasigurado na pupunta nga ako.
Binuklat ko ang papel na inabot niya sa akin. Nakasulat doon ang adres ng isang gusali.
BINABASA MO ANG
DisAbility
FantasyNaaalala ko pa ang lahat na parang kahapon lamang. Nang una tayong magkita, ang iyong balat na mamula-mula dahil sa pagkakababad sa sikat ng araw. At ang aking noo na tagaktak na ang pawis sa init ng panahon. Nakabilad tayo sa itaas ng isang gusali...