Ang Gusali sa Binondo
Nagising ako ng may matinding pagkirot sa sakit ng ulo, napabalikwas ako sa pagkakahiga at mabilis na tumakbo sa lababo, pagkatapos ay doon nagsimulang magsuka. Araw ng Biyernes iyun, ang araw na itinakda ni Samuel na magkita kami sa isang gusali.
Dahil na rin sa ipinakita niyang tila taglay na kapanghyarihang mahulaan ang ilang bagay sa hinaharap, at ang sakit kong patuloy na sa paglubha, napagdesisyunan ko na ring puntahan ang adres na iniwan sa akin ng estrangherong iyun.
Sa Binondo, sa bahagi kung saan hindi ganoon karami ang tao ay may isang lumang gusali. Sa sobrang kalumaan na wala na yatang nagmamay-ari sa lugar. Kahit ala-una na ng tanghali, sa loob noon ay may kadiliman sapagkat wala nga yatang elektrisidad. Habang papa-akyat ako sa ika-apat na palapag, kung saan tatagpuin ko si Samuel, ay may ilang beses na akong nakasalubong nang mga nagbabangayang mga dagang halos kasing laki na ng mga barakong pusa.
Pawisan ako nang marating ang harap nang silid na may ilaw. Ang lugar kung nasasaan marahil si Samuel. Kakatok sana ako, nang marinig ko ang boses mula sa loob ng kwarto, boses ng tao na aking kakatagpuin, tila may kausap, hindi pala siya nag-iisa. Ilalapat ko sana ang aking kanang pisngi sa kahoy na pinto upang mas mapakinggan ng maigi kung tungkol saan ang sinasabi nito, subalit papadikit pa lamang ang aking taenga nang biglang mag-salita si Samuel sa malakas na paraan upang tiyak na maririnig ko siya mula sa labas ng silid. "Gino ano ang iniintay mo d'yan sa labas, dito ka na sa loob."
Marahang bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Samuel at ang dalawa pang lalaki na kanyang kausap.
"Mabuti at nakarating ka.", pag-bati nito sa akin. Ngumiti lang ako ng bahagya, sapagkat naramdaman ko ang pagiging seryoso sa mukha ng tatlo.
"John, Nathan, si Gino, katulad ninyo ay isa rin siya sa mga napili.", pagpapakilala sa akin.
Nakipagkamay agad ang pala-ngiti na si John. Samantalang si Nathan naman ay tumango lamang, madilim ang mga mata nito.
"Isa na lang ang ating iniintay, pagkatapos ay maaari na tayong magsimula.", wika ni Samuel, naglakad papalayo, pagkatapos ay kinuha ang kanyang telepono upang tawagan marahil ang isa pa sa apat na napili.
"So, ano ang sakit mo?", masaya ang mukhang naitanong sakin ni John. Napansin niyang nagtaka ako sa kanyang direktang tanong. Hindi agad ako naka-sagot, hindi ako nakapaghanda sapagkat hindi ko inakala na ikwekwento agad ni Samuel sa kanila na mayroon akong karamdaman.
"Paano mo nalamang may sakit ako?", naitanong ko na lang.
"Dahil sa pagkaka-alam ko tayong apat na napili ay may kanya-kanyang karamdaman.", paliwanag ni John. "Si Nathan, ay may sobrang hinang immune system. Ako naman, wala nang kakayahan ang aking katawan na makapag-pagaling ng sugat, isang napaka-bihirang sakit sa dugo."
Doon ko lang naunawaan kung bakit niya naitanong ang tungkol sa aking karamdaman. Akala ko ako lang ang natatangi, subalit ganoon din pala sila. At sa sandaling iyun, hindi ko maipaliwanag subalit gumaan na ang aking pakiramdam. Ang takot dahil sa lumang gusali, ang sakit dahil sa maya't-mayang pagkirot ng aking ulo at ang pagdududa sa mga nangyayari ngayon ay tila nabawasan. Siguro ganoon talaga ang tao, mas nagiging mabuti ang kanilang pagtingin sa buhay kapag alam nilang hindi lang sila ang miserable, hindi sila nag-iisa.
"May kanser ako sa utak.", nasabi ko. Sa unang pagkakataon nasabi ko ito ng may ngiti sa labi. Lumapit naman sa akin si John, at tinapik ang aking balikat, para bang sinasabi niya na magiging maayos din ang lahat, samantalang si Nathan naman ay yumuko lamang.
"Mabuti naman at nagiging magkakaibigan na kayo.", pagputol ni Samuel, matapos niyang makipag-usap sa telepono. "Mukhang kinakailangan na nating umakyat, matatagalan pa ang isa niyong kasama, doon na natin siya iintayin sa itaas."
Apat na palapag pa ang aming inakyat bago marating ang tuktok ng gusali. Isang napaka-init na tanghali ang araw na iyun, kaya naman parang naligo na kami sa pawis nang marating namin ang itaas.
"Narito tayo ngayon sa iisang misyon.", seryosong pagbigkas ni Samuel sa aming tatlo. "Ang misyon upang tuparin ang propesiya. Ang propesiya na magliligtas sa sangkatauhan.", at muli ay isa na namang sorpresa ang binitawan ni Samuel. Magliligtas sa sangkatauhan?
"Paanong?--", magtatanong sana ako kung papaanong mangyayari na kami ang magliligtas sa sangkatauhan gayung ang mga sarili nga namin ay hindi namin mailigtas sa taglay naming mga karamdaman?! Subalit mabilis na sumenyas si Samuel upang pigilan muna ako sa aking pagsasalita. Ayaw niyang maabala sa kanyang mga ibinabahagi sa amin sa sandaling iyun.
"Tandaan niyo ang araw na ito. Sapagkat ito'y magiging isa sa mga araw na pinaka-mahalaga sa inyo. Ito ang araw ng pag-asa, pag-asa hindi lamang para sa inyong mga sarili, kundi pag-asa ng buong mundo!", at nang sabihin ito ni Samuel ay nakaramdam ako ng kilabot, tila nag-iba ang kanyang boses na para bang dalawang tao ang sabay na nagsasalita mula sa kanyang bibig. Ang isa ay boses niya, at may isa pa na mas malagong, mas mabigat. Pagkatapos ay bigla siyang nawalan ng malay.
Mabilis kaming lumapit sa kanya, at tinapik-tapik ni John ang kanyang pisngi. Nahimasmasan ito, at mabilis na bumangon. Marahan niyang kinuha ang kanyang maliit na libro sa bulsa at isang lapis. Tinanong namin kung ayos lang ba siya, subalit parang hindi niya kami napapansin. Patuloy lamang siya sa pagsusulat. Nang huminto, ay saka lamang niya kami nilingon.
"Tanggapin niyo ang papel na ito.", iniabot sa amin ang papel na may sulat niya.
"Sa pagpatak ng alas tres, sabay-sabay niyong bibigkasin ang mga nakasulat sa papel na yan. Sa pamamagitan lamang ng dasal na iyan magsisimula ang lahat!"
Kung hindi ako nagkakamali ay salitang latin ang naroroon sa papel. Nadagdagan na naman ang aking pangingilabot, sapagkat pakiramdam ko ay isang dasal ng kulto ang pinabibigkas sa amin ni Samuel. Napapa-isip na sana akong umayaw nang mga oras na iyun, subalit tila nagbago ang lahat nang biglang bumukas ang pintong nasa aming tagiliran, at doon ay lumabas ang isang babae.
"Pasensya na at nahuli ako.", paghingi niya ng paumanhin habang nakayuko. Pagkatapos ay humarap siya muli at ngumiti. At sa ngiti niya ay napawi lahat ng aking pangamba.
"John, Nathan, Gino, siya nga pala si Dana, ang pang-apat sa mga napili.", pagpapakilala sa kanya ni Samuel. "Bueno, ngayong kompleto na kayong apat, simulan na natin ang orasyon."
Lalapitan ko sana ang magandang binibini, subalit mas mabilis ang pagkilos ni John, at iniabot sa kanya ang papel kung saan nakasulat ang aming idadasal.
"Magkapit-kapit kayo at gumawa ng isang bilog.", pag-utos ni Samuel, at dahil nga katabi na ni Dana si John, ay siya na agad ang nakahawak sa kanan niyang kamay, samantalang sa kaliwa niya naman ay ang tahimik na si Nathan. Ako naman ay ang kanyang kaharap.
Hindi ko alam kung bakit ako nagkaganito nang sandaling nakita ko siya. Tila nawala lahat nang nasa-isip ko at napalitan lang ng kanyang mukha. Para bang muli niyang pinatibok ang puso kong nalulugmok na sa kalungkutan.
Napatigtig rin siya sa akin, mukhang nagtataka. Samantalang ako naman ay nagpipigil sa pag-ngiti, subalit ang kilay at ang aking mga mata ay halatang masaya.
Sinabi ni Samuel kanina na ang araw na ito ay magiging isa sa pinaka-mahalaga para sa amin. At kung hula na naman iyun, muli ay hindi na naman siya nagkakamali, sapagkat para sa akin, ang araw na una ko siyang nakita ang pinaka mahalaga sa lahat ng mga araw.
Pumatak na ang alas tres. Sabay-sabay na naming binigkas ang dasal galing kay Samuel. At mula doon ay mababago na ang lahat.
Ang lahat-lahat.
BINABASA MO ANG
DisAbility
FantasyNaaalala ko pa ang lahat na parang kahapon lamang. Nang una tayong magkita, ang iyong balat na mamula-mula dahil sa pagkakababad sa sikat ng araw. At ang aking noo na tagaktak na ang pawis sa init ng panahon. Nakabilad tayo sa itaas ng isang gusali...