V

1.2K 22 2
                                    

Yoseff...
Ilang beses na napalingon ang isang matangkad na binata dahil sa pagtawag ng isang malamyos na tinig sa kanyang pangalan.
Halika rito, Yoseff...
"Nasa'n ka? Magpakita ka sa 'kin..."
Hindi siya sinagot nito kaya nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad sa isang madilim na daan kung saan tanging ilang kandilang nakalutang sa ere ang nagbibigay ng liwanag.
Aking Yoseff, hanapin mo ako...
"Sino ka ba? Ano'ng gusto mong sabihin sa 'kin?"
Bigla siyang napahinto nang maaninag niya ang isang babaeng nakaupo sa sahig at nakatalikod pa sa kanyang gawi. Kapansin-pansin din ang napakahaba nitong itim na buhok, na nakalatag nang paikot sa katawan nito.
"Ikaw ba 'yong tumatawag sa 'kin?" usisa niya rito subalit hindi pa rin siya sinagot nito.
Akma sana niyang ihahakbang ang kanyang mga paa palapit sa babae subalit may kung anong puwersa ang pumigil sa kanyang buong katawan. Ilang saglit pa ay hindi na rin siya makapagsalita man lang.
Ano bang nangyayari sa 'kin? Sino ka ba? Ano'ng koneksyon mo sa buhay ko? Sunod-sunod niyang tanong sa kanyang sarili habang matama pa rin niyang pinagmamasdan ang dahan-dahan nitong pagtayo at pagharap sa kanya. Akala niya malalantad na ang mukha nito subalit naikubli pa rin iyon nang mahaba nitong buhok.
"Ikaw ay aking obra, Yoseff. Hinding-hindi ko hahayaang maangkin ka ng iba..." giit pa nito habang unti-unting lumalapit sa kanya.
Ano'ng ibig mong sabihin?
Huminto ito sa paglalakad hanggang sa halos isang metro na lamang ang kanilang pagitan. 
"AKIN KA LANG, YOSEFF!" bigla nitong sigaw kasabay nang mabilis na pagpulupot nang mahaba nitong buhok sa kanyang buong katawan.
Unti-unti siyang nanghina dahil sa mahigpit na pagpiga nito sa kanya subalit isang tinig ang kanyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay.
Anak, babalikan kita...

"SALAMAT sa Diyos, nagising ka na, Hijo," giit ng isang matandang babae nang unti-unting imulat ni Yoseff ang kanyang mga mata. "Kanina ka pa binabangungot e," paliwanag pa nito.
Nakahinga siya nang maluwag dahil masamang panaginip lamang pala ang kanyang naranasan. Kasalukuyan pa rin siyang lulan ng isang bus patungo sa Maynila.
"Maraming salamat po," aniya habang inaayos ang kanyang pagkakaupo. "Nasa'n na po pala tayo ngayon?"
"Malapit na tayo sa Cubao," sagot nito kaya agad napalitan ng kasabikan ang nararamdaman niyang pagtataka tungkol sa kanyang panaginip.
Mabilis pa niyang kinuha ang kanyang pitaka at matamang pinagmasdan ang larawan nilang mag-ina, na kuha noong siya ay walong taong gulang pa lamang.
Malapit na po tayong magkita uli, 'Nay, maluha-luha niyang bulong sa kanyang sarili.
"Hijo, tiga-sa'n ka nga pala?" Napabaling siya sa kanyang katabi nang muli siyang kausapin nito.
"Ako po si Yoseff," pagpapakilala muna niya rito.
"Tawagin mo na lang akong Nanay Saling," sagot naman nito.
"Galing pa po ako ng Marinduque, 'Nay Saling. Sa Dasmariñas Cavite naman po ang punta ko ngayon," paliwanag pa niya.
"Pareho lang pala tayo ng ruta, Yoseff. Sabay na tayong dalawa, tutal sa Bacoor naman ang punta ko."
"Sige po, 'Nay Saling."
"Mabuti naman may makakasama pa rin ako sa biyahe," nakangiti nitong sagot kaya napangiti na rin siya.
Mabilis na napalagay ang loob niya kay Nanay Saling dahil naaalala niya rito ang kanyang ina, na matagal na niyang gustong makapiling.

PAREHONG napaiyak sa labis na kaligayahan ang mag-inang Amelia at Yoseff nang muli silang magkita makalipas ang mahigit sampung taong pagkakalayo. Mahigpit pa silang nagyakapan dahil sa pananabik na makapiling ang isa't isa.
"Miss na miss ko po kayo, 'Nay," ani Yoseff saka humalik sa noo ng kanyang ina.
"Ilang taon din akong nangulila sa 'yo. Pero 'wag kang mag-alala, Yoseff dahil hinding-hindi na tayo magkakalayo pa," naiiyak namang sagot ni Amelia.
"Salamat po," ani Yoseff habang marahang pinupunasan ang kanyang mga luha.
Mula nang manilbihan siya sa pamilya Avila bilang katiwala ay ihinabilin na niya ang pagpapalaki at pangangalaga kay Yoseff sa kanyang inang si Alicia, na yumao kamakailan lamang. Kaya napagpasyahan niyang isama na ito sa mansyon ng mga Avila upang makabawi sa kanyang mga pagkukulang dito.
"Binatang-binata ka na talaga, anak. Ang tangkad mo na't napakakisig," nakangiti niyang papuri rito sapagkat nang huli niyang makita ang kanyang anak ay payat pa ito dahil sa pagiging sakitin.
"G'wapo pa rin naman po dahil mana sa inyo ni Tatay," natatawa ring sagot ni Yoseff.
"Wala ka bang naiwang kasintahan sa Marinduque?" bigla niyang tanong dahil sa edad nito, sigurado siyang may kasintahan na ito.
"Wala po. Maraming nagpapalipad-hangin pero alam n'yo namang pag-aaral muna ang importante sa akin," paliwanag nito.
"Mabuti naman, anak. O siya, ihahatid na kita sa magiging k'warto mo," aya na niya rito. 
"Sobrang laki po talaga ng mansyon," ani Yoseff na manghang-mangha habang inililibot ang mga mata sa kanilang buong paligid.
"Oo, anak. Kaya baka maligaw ka rito kapag gumala-gala ka nang mag-isa," paliwanag niya.
Sa kabila ng kalakihan nito, anim na tao lamang ang kasalukuyang naninirahan dito. Silang mag-ina, dalawa pang katulong, isang guwardiya at ang kanilang amo.
"Si Nanay talaga, palabiro pa rin," natatawang sagot ng kanyang anak habang nakasunod sa kanya.
Ipinaalam na niya sa kanilang amo ang paninirahan ni Yoseff kaya pinayagan sila nitong magsama sa iisang kuwarto. Inilipat na lamang ng kuwarto ang dalawa pang katulong na sina Grace at Mary Ann.

Koleksiyon Series 1: Victoria AvilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon