T

421 11 0
                                    

YOSEFF, layuan mo siya... Layuan mo siya.
Paulit-ulit na narinig ni Yoseff ang pagmamakaawa ng kanyang ina kaya agad siyang nagising mula sa isang masamang panaginip.
Lord, sana po iligtas N'yo si Nanay. Gusto ko pa pong makabawi sa pangungulila namin sa isa't isa at iparamdam kung gaano ko siya kamahal, taimtim niyang panalangin dahil sa sobrang pag-aalala.
"Victoria?" aniya nang mapansing wala ito sa kanyang tabi. "Sa'n kaya siya nagpunta?"
Mabilis siyang bumangon mula sa kama upang hanapin ang kanyang asawa. Naisip niyang pumunta sa kusina sa pagbabasakaling naroon si Victoria.
"Masama pa rin kaya ang loob niya?" Sa palagay niya ay hindi pa rin matanggap ni Victoria ang pagpapaliban niya sa kanilang kasal ngayong taon. Iyon ang naging desisyon niya nang mapagtanto niyang kahit ano pang mangyari, kailangang makasama ang kanyang ina sa kanilang kasal.
Halos palapit na siya sa mahabang hagdan upang bumaba nang marinig niya ang muling pagbubukas ng pinto ng kanilang kuwarto.
"Yoseff? Aking Yoseff, nasa'n ka?" Tama ang kanyang hinala dahil sa pagtawag sa kanya ni Victoria.
Patakbo niya itong nilapitan dahil sa pagtataka kung saan ito posibleng nanggaling.
"Saan ka galing?" Halos magkasabay nilang tanong sa isa't isa.
"Akala ko nasa baba ka..." aniyang muli.
"Nasa loob lang ako ng banyo, Yoseff," sagot ni Victoria na inakay na siya papasok sa kanilang kuwarto. "Nakaramdam ako ng init kaya naisipan kong maligo," paliwanag pa nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Tila nangungusap ang mga mata ng kanyang asawa kaya alam na niya ang ibig sabihin nito. Kaya walang sabi-sabi, binuhat niya si Victoria upang dalhin sa kanilang kama. Sinibasib pa niya ito ng halik habang papunta sila roon.
Ilang sandali ay tila nag-aalab na ang kanilang kama dahil sa pagsasanib ng kanilang mga katawan.
"Aking ka lamang, Yoseff. Hinding-hindi ako makakapayag na maangkin ka ng iba..." ani Victoria habang pinaglalaruan nito ang kanyang malalapad na dibdib.
"Sa 'yo lamang ako---" Saglit siyang napahinto sa pagsasalita dahil sa sensasyong dulot nang unti-unti paglapat ng mainit nitong dila sa kanyang tiyan, pusod patungo sa kanyang pagkalalaki, "Akin lamang ang ari mo..."
"Sa 'yo lamang, aking Victoria," sagot niya kasunod ang malakas niyang pag-ungol.

NAALIMPUNGATAN si Yoseff nang marinig niya ang paulit-ulit na pagtawag ng kanyang ina. Agad siyang bumangon upang hanapin ito subalit sinalubong siya ng kadiliman ng kanyang paligid.
"'Nay, nasa'n ka? Bakit mo 'ko iniwan?"
Sa isang iglap ay may mga mumunting liwanag na lumitaw sa mahabang pasilyo na kasalukuyan pala niyang binabagtas.
"Layuan mo siya, Yoseff! Layuan mo si Victoria..." pagsusumamo ng tinig nito.
"Bakit po? Bakit ko iiwan ang babaeng mahal na mahal ko?" giit niya.
"Hindi mo pa siya lubusang kilala..."
"Kayo ang 'di ko na kilala. Akala ko ba, babawi kayo sa sampung taon n'yong pagkukulang sa 'kin? Bakit ngayon, ayaw n'yo 'kong maging masaya?" panunumbat niya rito.
Hindi na siya sinagot pa ng kanyang ina bagkus ay nagpakita ito sa kanyang harapan.
"Siya ang kaligayan ko, 'Nay. Sana maintindihan n'yo ako..." pagsusumamo niya habang umiiyak.
Mahigpit siyang niyakap ng kanyang ina at umiyak din sa kanyang balikat.
"Malalaman mo rin ang kanyang lihim," bulong nito bago niya napansing unti-unti itong lumayo sa kanya. "Halika, Yoseff..."
Tila may nag-udyok sa kanyang sundan ang kanyang ina kaya mabilis siyang tumakbo upang habulin ito. Subalit napahinto siya sa paglakakad nang maglaho ang kaluluwa nito sa harap ng malaking painting ni Victoria.

ILANG araw pang binulabog si Yoseff ng kanyang ina subalit hindi niya ikinuwento iyon sa kanyang asawa dahil alam niyang sasama ang loob nito.
"Bakit 'di ka pa rin matahimik, 'Nay?"
Ipinaubaya na niya sa Diyos ang buhay ng kanyang ina subalit hindi pa rin niya matanggap na hanggang kamatayan nito ay tutol pa rin ito sa kanilang relasyon ni Victoria.
Nang mapabaling siya sa malaking painting ni Victoria ay muli niyang naalala ang huling bahagi ng kanyang panaginip kaya mabilis siyang tumayo upang lapitan iyon.
"Ano pong gusto n'yong sabihin sa 'kin? Ano bang mayro'n dito sa painting?" sunod-sunod niyang tanong habang sinusuri ang bawat bahagi nito. Wala naman siyang napansing kakaiba rito maliban sa isang maliit na bagay na tila nakaangat mula sa canvas.
"Ano'ng ginagawa mo, Yoseff?"
Akma na sana niyang hahaplusin iyon subalit narinig niya ang tinig ni Victoria. Mabilis siyang nilapitan nito bago pa man siya makapagsalita. Kinuha pa nito ang kanyang kamay at mahigpit na hinawakan.
"May naisip lang ako kaya tinignan ko 'to," paliwanag niya. Napansin din niya ang pagbabago sa tinig ni Victoria kaya agad siyang umisip ng idadahilan upang hindi ito mag-usisa pa, "Gusto ko sanang ipalit dito ang obrang alay ko sa 'yo," giit niya.
"Yoseff, ang obrang 'yon ay espesyal kaya gusto ko 'yong nakasabit sa ibabaw ng ating kama," paliwanag ni Victoria habang nakatingin sa kanyang mga mata. Binitiwan pa nito ang kanyang kamay upang gamitin ang kamay nito sa paghaplos sa kanyang pisngi.
"Okay. Naiintindihan ko, aking Victoria," sagot niya. Niyakap pa niya ito upang muli niyang mapagmasdan ang bagay na muntik na niyang mahawakan kanina. Ano'ng lihim ang nakatago sa likod nito?, naitanong na lamang niya sa kanyang sarili.
"Halika ka na sa hapagkainan. Ipinagluto kita ng paborito mong ulam," aya na nito kaya nagkalas ang kanilang mga bisig.
Kung may itinatago man sa kanya si Victoria, kailangan niyang alamin iyon sa lalong madaling panahon.

NAPANSIN ni Victoria ang ilang pagbabago ni Yoseff mula nang mapansin nito ang lihim na pindutan upang mabuksan ng lagusan patungo sa kanyang sikretong santuwaryo. Alam niyang naghihinala na ito kaya lagi siyang nasa loob ng kanilang kuwarto upang magbantay sa pagtatangka nitong paglapit sa kanyang malaking painting.
"Aking Victoria, hindi ka ba sasama sa 'kin papunta sa bayan para sa fiesta?" ani Yoseff nang mapansing nakahiga pa rin siya sa kanilang kama.
Pinanatili niyang malungkot ang kanyang mukha bago umaktong nanghihina pa. "Masama pa rin ang pakiramdam ko, aking Yoseff," katwiran niya.
Mabilis siyang nilapitan ng kanyang asawa at sinuri ang kanyang leeg. Wala naman siyang lagnat kaya sasabihin na lamang niyang masakit ang kanyang ulo.
"Sige, 'di na ako aalis. Aalagaan na lang kita hanggang sa maging maayos ang pakiramdam mo," malambing na sabi ni Yoseff habang nakatitig sa kanyang mga mata.
"Mayamaya mawawala rin ang sakit ng ulo ko kaya puwede kang tumuloy sa bayan," katwiran niya. Gugustuhin niyang umalis ito upang muli siyang makapunta sa sikreto niyang kuwarto, "Gusto ko ng espesyal na kakaning tinda ni Mang George kaya ibili mo ako," malambing pa niyang pakiusap.
Nagtaka siya nang biglang manlaki ang mga mata ni Yoseff, "Ibig sabihin ba nito ay buntis ka at naglilihi na?" nakangiti nitong tanong sa kanya.
Marahan siyang tumango habang ngumingiti dahil sa reaksyon ng kanyang asawa. Naisip pa niyang gamitin ang kanyang pagbubuntis upang makontrol niya ito. Sigurado siyang hindi nito hahayaang masaktan o sumama man lang ang kanyang loob dahil makakaapekto iyon sa kanilang magiging anak.
"Yes! Magiging tatay na 'ko," masayang sabi ni Yoseff habang mahigpit siyang yakap, "Pangako, aalagaan ko kayong dalawa, aking Victoria. Gagawin ko ang lahat upang maging isang mabuting ama."
"Kaya bilisan mo na ang pagbili ng kakanin baka mainip ang baby natin," natatawa niyang sabi.
"Sige. Aalis na ako pero babalik ako agad."
"Tig-iisang bilao ang bilhin mo para mabigyan natin sina Mary Ann at Grace," habilin pa niya.
"Opo, aking Victoria," nakangiting sagot ni Yoseff bago tuluyang umalis sa kanilang kuwarto.
Makalipas ang ilang minuto, ikinandado niya ang pinto ng kanilang kuwarto. Humarap siya sa kanyang malaking painting at mabilis na diniinan ang pindutan patungo sa kanyang sikretong santuwaryo.

PANSAMANTALANG nakalimutan ni Yoseff ang tangka niyang pagsisiyasat sa misteryo nang malaking painting sa kanilang kuwarto ni Victoria mula nang malaman niyang nagdadalangtao ito. Ibinuhos niya ang kanyang atensyon sa magbibigay ng mga gusto ng kanyang asawa dahil sa paglilihi nito.
"Ano'ng gusto mong ipangalan sa ating magiging anak?" seryosong tanong ni Victoria habang marahan niyang hinahaplos ang tiyan nito.
Saglit siya nag-isip. "Kung babae siya, ang gusto kong ipangalan ay Amelia Victoria para sa alaala ni Nanay. Okay lang ba sa 'yo 'yon?"
Marahang tumango si Victoria bilang pagsang-ayon sa kanyang mga sinabi.
"Ybrahim Yoseff naman ang ipapangalan sa kanya kung magiging lalaki siya," pagpapatuloy niya.
"Kung kambal na babae at lalaki ang magiging anak natin, pareho nating magagamit ang mga pangalang gusto mo," nakangiting sabi ni Victoria, "Kung parehong babae, Elizabeth Victoria at Amelia Victoria," suhestyon pa nito.
"Ybarro Yoseff at Ybrahim Yoseff naman kung parehong lalaki," sabad niya.
"Tama. Ang gaganda ng magiging pangalan nila."
"Siyempre, magiging maganda at guwapo rin sila gaya natin," natatawa niyang sabi kaya muling napangiti ang kanyang asawa.
Sabik na sabik na siyang makita ang kanilang magiging anak dahil nangako siya sa kanyang sarili na magiging mabuti siyang ama. Hinding-hindi niya pababayaan ang mga ito dahil maaga siyang naulila sa kanyang ama.
"Kailan nga pala tayo pupunta sa doktor para makapagpa-check-up ka?"
"Sa susunod na linggo, papupuntahin ko rito ang doktor ng aming pamilya, si Dr. Bryant Veran," sagot ni Victoria. Napansin niya ang pagbabago sa mukha nito dahil sa kanyang naitanong pero binalewala na lamang niya iyon.
"Sige, kailangang masabihan na natin siya para malaman natin kung ilang buwan ka nang buntis."
"Sige, kakausapin ko na siya mamaya."
"Ano nga pa lang prutas ang gusto mong kainin?" pagbabago niya sa kanilang usapan nang mapabaling siya sa isang basket ng prutas na dala niya kanina.
"Gusto kong kumain ng mansanas, aking Yoseff," malambing na sagot ni Victoria.
"Sige, ipagbabalat kita," aniya saka siya tumayo upang gawin ang kahilingan nito.

Itutuloy...

©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
©Honorio 'Oreo' Santos | 13th_silvernitrate

Koleksiyon Series 1: Victoria AvilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon