C

482 10 0
                                    

MAS lalo pang naging aktibo ang pagpapakasasa nina Yoseff at Victoria sa kanilang mga katawan dahil sa pagpayag ni Amelia sa kanilang relasyon. Kaya tila isang normal na tagpo na lamang iyon para sa mga tao sa buong mansyon. Maliban kay Amelia, na hindi pa rin matanggap ang mga nangyayari sa kanyang anak. Isang plano ang kanyang naisip upang masira ang kahibangan nito kay Victoria.
"Kung ano man ang matuklasan ko rito ay kailangang malaman agad ni Yoseff," giit niya habang dahan-dahang binubuksan ang pinto ng kuwarto ni Victoria. Sa pagkakaalam niya ay isinama nito si Yoseff papunta sa bayan kaya nakapuslit siya rito.
Bawat mga kagamitan sa loob nito ay sinuri niyang mabuti. Bawat bahagi ay hinalughog niya upang makahanap ng mga bagay na kanyang kailangan.
"Kailangang makahanap ako---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin nang malanghap niya ang isang kakaibang amoy na tila nagmumula sa pader kung saan nakasabit ang malaking painting ni Victoria.
"Wala naman akong naamoy kanina a," aniya habang matamang sinusuri ang bawat bahagi ng painting. Sa unang tingin ay wala siyang napansing kakaiba rito subalit nang bahagya niyang magalaw ang kuwadro nito ay bigla na lamang umikot ang sahig na kanyang kinatatayuan. Huli na upang makaalis siya roon kaya hindi na siya nakapagsalita pa nang sa isang iglap ay binalot ng kadiliman ang buong paligid.

"YOSEFF, huminahon ka. Gagawin natin ang lahat upang mahanap si Nanay Amelia."
Marahang napatango si Yoseff nang marinig niya ang mga sinabi ni Victoria. Mahigpit pa siyang niyakap nito kaya kahit paano ay gumaan ang kanyang kalooban.
Mahigit isang araw ng nawawala ang kanyang ina kaya labis na ang pag-aalala niya rito. Nakapag-report na sila sa mga pulis pero hindi pa rin siya mapakali sa paghintay sa mga impormasyong ibibigay ng mga ito.
"Ate Grace, wala bang nabanggit sa inyo si Nanay na posibleng puntahan niya?"
Umiling lamang si Grace saka bahagyang napatingin sa kasamahan niyang si Mary Ann.
"Baka naman, sa kamag-anak n'yo lang siya nagpunta," giit pa nito.
Siguro nga tama si Mary Ann pero bakit hindi man lang nagpaalam ang kanyang ina?
"Wala man lang ba siyang iniwang kahit sulat para malaman natin kung saan siya nagpunta," ani Victoria.
Sabay na napailing sina Mary Ann at Grace kaya muli siyang nanlumo.
"Sana nasa maayos na kalagayan si Nanay Amelia," malungkot pang sabi ni Victoria saka muli siyang niyakap nito.
"Sana nga, aking Victoria... Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyaring masama sa kanya."
"Huminahon ka lamang, aking Yoseff. 'Wag mong sisihin ang sarili mo. Hindi tayo pababayaan ng ating Panginoon," paliwanag pa ni Victoria kaya muling gumaan ang kanyang pakiramdam.
"Maraming salamat," aniya saka niya hinagkan ang mga labi ng kanyang pinakamamahal.

LUMIPAS pa ang ilang araw subalit hindi pa rin nagbabalik sa mansyon si Manang Amelia. Patuloy siyang hinahanap ng mga pulis kaya hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Yoseff na buhay ang kanyang ina. Sa kabila nito ay hindi pa rin maalis ang kanyang pagkabalisa dahil sa pag-aalala sa kalagayan nito.
Isang ideya ang naisip ni Victoria upang kahit paano ay hindi malugmok ang kanyang kasintahan. Ipinagluto niya si Yoseff ng paborito nitong ulam na sinigang na baboy, na masusi pa niyang pinag-aralan ang tamang pagluluto. Inasikaso't inalagaan niya rin ito bilang asawa, lalo pa't magkasama na sila sa iisang kuwarto mula nang mawala si Manang Amelia.
Araw-araw ay iba't ibang pagkain ang iniluluto ni Victoria para sa kanyang asawa kaya naman unti-unti nang nagiging payapa ang kalooban ni Yoseff.
"Ihain n'yo na ang mga pagkain, susunduin ko na ang Señorito n'yo," utos ni Victoria sa kanyang mga katulong nang matapos siya sa pagluluto ng adobong manok at baboy.
"Opo, Señorita Victoria," sabay na sagot nina Mary Ann at Grace habang sinusundan ng tingin ang kanilang amo.
"Saan kaya niya dinala si Manang Amelia?" sarkastikong sabi ni Mary Ann nang tuluyan na itong makalayo sa kanila.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Grace. Hindi kaya pareho sila ng iniisip tungkol sa totoong dahilan ng pagkawala ni Manang Amelia?
"Sigurado akong may kinalaman siya sa pagkawala ni Manang," giit pang muli ni Mary Ann.
"Sabi ko na nga ba. Siya lang naman ang higit na matutuwa sa mga nangyayari 'di ba?" sang-ayon niya rito.
"Oo nga," ani Mary Ann. Tumingin pa siya sa bandang pintuan ng kusina bago muling nagsalita, "Hindi kaya itinago niya lang si Manang Amelia sa kuwarto niya kaya ipinagbabawal niyang pumasok ang ibang tao ro'n," paliwanag pa niya ayon sa kanyang hinala.
"Kung naro'n siya, malamang buhay pa siya dahil may maaamoy naman siguro si Yoseff kung may bangkay nang nakatago ro'n," giit ni Grace.
"Tama ka. Tara na't magha---" Hindi na naituloy pa ni Mary Ann ang kanyang sasabihin nang pareho nilang marinig ang pagtawag ng kanilang amo. Mabilis silang kumilos upang hindi na uminit pa ang ulo nito sa kanila. Kahit mukha itong hindi makabasag-pinggan, nagiging tila dragon ito kapag nagagalit.

"AKING Yoseff, gusto kong ikasal tayo sa simbahan ng Sta. Clara," malambing na sabi ni Victoria habang marahang hinahaplos ang malapad na dibdib ni Yoseff, kung saan nakahilig ang kanyang ulo.
Hindi agad nakasagot si Yoseff dahil sa pagmumuni-muni sa isang bagay na ilang oras nang gumugulo sa kanyang isipan.
"Simpleng kasal lamang 'yon kaya mga kamag-anak at malalapit na kaibigan lang natin ang imbitado," ani Victoria na malungkot pang bumaling sa mukha ng kanyang asawa. Alam niyang malayo na naman ang isip nito kaya mabilis siyang bumangon at umayos nang pagkakahiga. "Kung mananahimik ka lang, mabuti pang matulog na 'ko," giit pa niya dahil sa inis saka niya ito tinalikuran.
"Sorry, aking Victoria---" Tila natauhan si Yoseff dahil sa pagtatampo ng kanyang asawa. "Iniisip ko lang na isang linggo nang nawawala si Nanay," malungkot na lamang niyang paliwanag subalit ang totoo ay isang impormasyon ang kailangan niyang ilihim dito.
Hindi pa rin siya kinibo ni Victoria kaya mahigpit niya itong niyakap upang aluin. "Sana bumalik na siya para makasama siya sa ating kasal," dagdag pa niya.
Lingid sa kaalaman nito, minsan niyang narinig ang pag-uusap nina Mary Ann at Grace. Gulat na gulat siya nang malaman niyang pinaghihinalaan ng mga ito si Victoria pero ayaw niyang paniwalaan iyon. Alam niyang hindi nito makakagawang saktan ang kanyang ina dahil siguradong masasaktan din siya.
Muli siyang hinarap ni Victoria. "Sorry. Naiintindihan ko naman ang pinagdadaanan mo," paliwanag pa nito at muli siyang niyakap nang mahigpit.
"Mahal na mahal kita, aking Victoria," aniya saka niya hinalikan ang mga labi nito.

MARAHAN niyang iminulat ang kanyang mga mata dahil sa pananakit nito. Hindi niya akalaing muli pa siyang magigising makalipas ang ilang araw niyang paghihirap. Halos igupo na siya ng sariling katawan dahil sa paghihina at pagkalam ng kanyang sikmura. Ilang araw na nga ba siyang nakakulong dito sa lugar na hindi niya akalaing kanyang mararating? Sa palagay niya ay mahigit na isang linggo na rin siyang nakagapos sa upuan na kanyang kinasasadlakan. Sumigaw man siya nang sumigaw upang humingi ng tulong ay tila walang makakarinig sa kanya dahil sa makakapal na mga pader dito. Sinubukan niyang kumawala pagkakagapos pero nabigo siya dahil sa higpit nito, kaya halos nagdurugo na ang kanyang mga kamay at paa.
Ang huli niyang naaalala ay sinalubong siya ng kadiliman nang bigla na lamang umikot ang sahig na kanyang kinatatayuan. Ilang segundo lamang ay tuluyan na siyang nawalan ng malay nang may pumalo sa kanyang ulo. May hinala na siya kung sino nga ba ang gumawa nito sa kanya kaya nag-alala siya para sa kanyang anak.
"Yoseff, sana makita mo pa akong buhay..." Hinahanap na kaya siya nito? O nakalimutan na siya nito dahil sa pagkabahibang sa isang babae? Unti-unting tumulo ang kanyang mga luha sapagkat tanging ito na lamang ang nagbibigay sa kanya ng pag-asang mabuhay.
Agad siyang napaangat ng ulo at naging alerto nang maulinigan niya ang unti-unting pag-igit ng pinto, na hindi siya sigurado kung nasaan dahil sa pangingibabaw ng kadiliman sa buong paligid.
"Sino ka? Bakit mo 'to ginagawa sa 'kin?" giit ni Amelia nang marinig niya ang ilang yabag ng mga paa. "Pakawalan mo na 'ko," pakiusap pa niya.
Hindi naman siya sinagot nito bagkus ay naramdaman na lamang niya na nasa harap na niya ito.
"Makakaalis ka lang dito kung susundin mo ang mga gusto ko," giit nito. Hindi man niya makilala ang boses nito, isang tao lamang ang pinagdududahan niyang kayang gawin iyon sa kanya.
"Bakit mo 'to ginagawa sa 'kin?"
Marahas nitong pinisil ang kanyang mga pisngi gamit ang isang kamay lamang. "Alam mo kung ano ang gusto ko, Amelia," sarkastiko pa nitong sagot, na kahit hindi niya malinaw na nakikita ang mukha nito, sigurado siyang galit na galit ito sa kanya.
"H-hindi mo maaangkin ang anak ko. Sisiguraduhin ko... Sa 'yong matatauhan din siya sa kahibangan niya," nanggigil niyang sabi kahit nahihirapan siyang magsalita.
Nangibabaw ang malakas na halakhak nito dahil sa kanyang mga sinabi. "Wala ka nang magagawa, Amelia dahil hinding-hindi ka na makakaalis dito. Malay mo, dito ka na pagpipiyestahan ng mga uod sa katawan mo," sarkastiko pa nitong sabi.
Muli siya nanlumo dahil posible ngang ikamamatay na niya ang pananatili roon. Hinding-hindi na siya makababawi sa mga pagkukulang niya kay Yoseff dahil hinding-hindi na sila magkikita pa nito.
"'Wag kang mag-alala, hangga't naibibigay ni Yoseff ang mga pangangailangan ko, mabubuhay siya..." makahulugang sabi nito bago siya binuhusan ng isang mabahong likido.
"Teka, ano'ng gagawin mo?!" natataranta niyang sigaw dahil gasolina pala ang bumasa sa kanyang buong katawan. "Maawa ka sa 'kin! Maawa ka..."
Hindi na siyang pinakinggan pa nito bagkus ay napansin na lamang niya ang pangingibabaw ng liwanag sa buong paligid dahil sa kapirasong apoy na mula sa isang posporong unti-unting lumalapit sa kanyang katawan.
Babalikan kita, Yoseff. Hinding-hindi ko hahayaang mapahamak ka...

Itutuloy...

©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
©Honorio 'Oreo' Santos | 13th_silvernitrate

Koleksiyon Series 1: Victoria AvilaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon