Photo Feed: Meet Benjo
*****
Sabi ng marami, nakapasarap magmahal. Nakapasarap umibig at napakasarap ding ibiging pabalik. Ngunit paano magiging masarap ito kung balang araw, ang taong nagpapasaya nang lubos sa iyo ay siya namang magpapaluha nang husto sa iyo? Masasabi mo pa rin bang masarap talaga ang magmahal kung sa bandang huli ay masasaktan ka lang din pala?
*****
Benjo's POV
ANIM na buwan na ang nagdaan ngunit hindi ko pa rin siya magawang kalimutan. Lahat na nga ng mga bagay na nagpapaalala sa akin tungkol sa kanya ay itinapon, binura at sinunog ko na pero wala, heto at naaalala ko pa rin siya. Kung maaari nga lang palitan itong puso't isip ko ay matagal ko nang ginawa upang ganap na makalimutan ang nakaraan, subalit imposibleng mangyari iyon. Kaya naman hindi ko pa rin maiwasang maasar dahil patuloy ko pa rin siyang naaalala kahit pa sinaktan niya ako nang lubusan.
Naiinis din ako kasi akala ko, siya na ang lalaking inilaan para sa akin subalit hindi pala. Hindi pala siya ang right guy na hinihintay ko. Hindi pala siya ang knight in shining armor na magliligtas sa akin sa mundong ito na napakagulo. Hindi pala siya ang aking prinsipe na magdadala sa akin sa kanyang kastilyo. At hindi pala siya ang lalaking magmamahal sa akin buong buhay ko.
"Anak, puwede ba kitang kausapin?" tanong ni Inay na nasa tabi ko na pala. Hindi ko man lang napansin ang pagdating ng mahal kong ina. Sobrang nadala yata ako nitong nobelang binabasa ko kaya hindi ko namalayan ang pagsulpot niya sa tabi ko.
Nang sabihin iyon ni Inay ay ibinaba ko muna pansamantala ang aklat kung saan nakatala ang istoryang kinahuhumalingan ko. Paglapag ko niyon ay saka ko itinuon ang atensyon ko sa kanya.
"Syempre naman po," nakangiti kong sagot sa kanya.
Umupo siya sa tabi ko pagkatapos kong sabihin iyon. Ilang sandali pa ang lumipas bago siya nagsalita.
"Anak, ilang araw na lang ay aalis ka na, aalis na kayo ni Shane," wika niya sa seryosong tono.
"Nay, ano ba? Ang drama mo naman. Ano, teleserye lang ang peg? Napakaluma ah," pagbibiro ko naman dahil ayaw ko nang ganitong uri ng usapan. Gusto ko ay palaging masaya lang hangga't maaari.
Nagtagumpay naman ako sa puntong iyon dahil nakita ko ang ngiti sa labi ng aking mahal na ina.
"Basta anak, iingatan mo ang sarili mo roon ha? Alam mo naman ang Maynila, ibang iba sa probinsya kaya dapat mag-ingat kayo nang husto. At saka, maghanap kayo nang maayos at ligtas na matutuluyan pagdating ninyo roon, okay?" paalala ni inay.
"Opo, 'nay. Mag-iingat po kami," sagot ko naman.
Nang sabihin ko iyon ay bakas pa rin sa mukha ng mahal kong ina ang matinding pag-aalala kaya naman nagsalita akong muli para pawiin ang lungkot na naka-ukit sa mga mata niya.
"Nay, huwag na po kayong mag-alala dahil pagdating na pagdating ko po roon ay maghahanap po agad ako ng part-time na trabaho para kahit papaano, magka-pera po ako at kapag may sobra, ipapadala ko po rito. Sana nga po ay bigyan ako ni Lord ng maayos na trabaho roon," wika ko.
Nang sabihin ko iyon ay biglang ipinatong ni inay ang kamay niya sa balikat ko.
"Anak, 'wag mo na muna kaming alalahanin dahil nandito naman ako. Kayang-kaya ko pang alagaan ang mga kapatid at pamangkin mo. Ang dapat mong isipin ay ang sarili mo," saad niya.
Sa puntong iyon ay inalis ko ang kamay niya sa balikat ko at hinawakan ko ito nang napakahigpit saka ako nagsalita.
"Nay, gusto ko po kayong tulungan. Kaya nga po ako mag-aaral ng kolehiyo sa Maynila dahil gusto kong makapagtapos. Gusto kong maghanap ng magandang trabaho at gusto kong umasenso. Gusto ko po kayong iahon sa kahirapan, kayo at ang mga kapatid ko. Pangako ko po sa inyo, hindi po muna ako maghahanap ng makakasama sa buhay hangga't may nag-aaral pa sa mga kapatid ko," sabi ko habang hinahaplos ang kanyang palad.
"Mabuti iyan, anak. Huwag mo nang tularan ang pagkakamaling nagawa ng Ate Maricar mo. Alam naman nating hindi siya sinuwerte sa pag-aasawa. Ano bang magagawa natin gayong nagpakasal siya sa isang walang kuwentang lalaki?" sabi ni inay na bahagya kong ikinangiti dahil bakas na bakas sa kanyang mukha ang pagkainis sa mga lalaki.
"Basta, anak iingatan mo ang sarili mo roon, ha? Huwag kang magpapagutom," dagdag pa niya.
"Pangako po, inay. Hindi po magpapagutom ang anak ninyong barbie," sabi ko sa kanya kaya naman napangiti siya nang husto.
"Patingin nga. Nako, ang ganda-ganda naman ng anak ko. Manang-mana sa ina niya," sabi niya habang nakahawak sa mukha ko."Walang duda riyan, 'nay!" natatawang sagot ko at saka ko siya niyakap nang napakahigpit.
Pabor sa akin ang pagpunta ko ng Maynila dahil bukod sa makakapag-aral ako sa isang maayos na unibersidad na daan sa pagtulong at pag-ahon ko sa aking pamilya mula sa kahirapan ay makakatulong din ito upang ganap na makalimutang ang nakaraang nagbibigay-kirot sa puso ko hanggang ngayon. Sana nga ay talagang makatulong ito dahil pagod na ako, pagod na ang puso kong umiyak at pagod na pagod na akong masaktan.
Limang araw pa ang nagdaan ay lumuwas na nga kami sa Maynila ni Shane, kababata at pinakamatalik kong kaibigan. Malaking pananalig sa Maykapal at lakas ng loob lamang ang sandata naming dala papunta roon kalakip ang kakaunti naming ipon. Pagdating doon ay pinalad naman kaming makahanap ng isang maayos at murang boarding house. Noong araw din na iyon ay wala kaming sinayang na oras ni Shane dahil gumawa agad kami ng napakaraming resume at pumunta sa mga opisina't kumpanyang naghahanap ng mga part timers.
Matapos ang dalawang araw nang paghahanap ay sinuwerte kaming makapasok sa isang maliit ngunit napakagandang coffee shop. Nag-train kami nang sandali kasabay ng pagsa-submit ng requirements. Napakasaya naming nang pumirma na kami ng kontrata dahil ang ibig sabihin niyon ay makakapagpatuloy na talaga kami sa aming pag-aaral. Senyales na talagang matutulungan at maiaahon ko na ang pamilya kong nakahandusay sa sahig ng kahirapan.
*****
You're My R Square Pi (r2π)
Written by EsonVitug
https://www.facebook.com/EsonVitug
BINABASA MO ANG
You're My R Squared Pi (r2π) [ONGOING SERIES]
Romance"Benjo, mahal mo ba ako?" - Iboy "You're my r square pi." - Benjo "Tangina! Ano 'yon?" - Iboy 2020 © EsonVitug Duration: Jun 22, 2023 - Ongoing Do not judge this book by its title. Every book deserves to be read before being judged. http://www.faceb...