Kabanata: 04

413 14 2
                                    

Photo Feed: Meet Benjo

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Photo Feed: Meet Benjo

*****

Just because a person smiles does not mean he/she is happy. Sometimes, the smile is a symbol of hope and strength.

*****

Benjo's POV

"Beshy, hindi ka pa ba matutulog? Tingnan mo ang oras, gabing-gabi na. Maaga pa ang pasok mo bukas, 'di ba? May exam pa kayo," paalala ni Shane na nakadungaw mula sa taas nitong double-deck na kama namin.

"Matutulog na rin ako, besh. Huwag ka na mag-alala. Bibilangin ko lang itong ibabayad ko sa renta bukas," wika ko.

"Sige, besh. Huwag ka nang magtatagal, ha? Bawal magpuyat," paalala niya.

Tumango na lamang ako bilang tugon kaya naman nahiga na siyang muli.

Binilang kong maigi ang lahat ng naipon ko at ang mga natitira ko pang pera upang makabuo ng ipambabayad ko sa renta rito sa boarding house. Nasimot ko na ang lahat ng barya sa bulsa at pitaka ko ngunit kulang na kulang pa rin ito. Bukas ay kailangan ko nang magbayad dahil noong nakaraan ay hindi ko rin nagawang magkapagbayad sa upa. Masungit pa naman ang kahera namin dito at pihadong mapapaalis na niya ako kapag hindi ako muling makababayad.

Nang mailigpit ko na ang mga gamit ko ay biglang nag-vibrate ang cellphone ko. Dinampot ko ito at saka ko sinagot ang tawag.

"Hello, Benjo?" sabi sa kabilang linya.

"Ate Maricar? Ikaw ba 'yan?" tanong ko dahil natunugan kong boses iyon ng kapatid ko.

"Oo, ako nga 'to. Nakitawag lang ako sa kapitbahay," sagot niya. "Natutulog ka na ba? Pasensiya ka na kung naistorbo kita."

"Hindi po. Matutulog pa lang ako," saad ko. "Bakit ka nga pala napatawag, ate? May kailangan ka ba?"

"Gano'n na nga, Benjo. Nakakahiya man sa 'yo pero kakapalan ko na ang mukha ko. Eh kasi, manghihiram sana ako sa 'yo ng pera. Wala kasi akong pambili ng gatas ni Marjon," paliwanag niya.

"Iyon lang ba? Oh sige, ate. Hayaan mo, bukas na bukas ay magpapadala ako riyan," sabi ko.

"Nako, Benjo. Maraming salamat ha. Pasensiya ka na talaga. Ako itong ate mo pero ako pa itong nanghihingi sa 'yo," sambit niya.

"Wala 'yon, ate. Gano'n talaga ang magkakapatid, dapat nagtutulungan," tugon ko. "Oh, sige na po, ate. Matutulog na po ako."

"Okay, sige. Salamat ulit. Mag-ingat ka riyan, ha?" paalala niya.

"Opo," sagot ko saka ko ibinaba ang tawag niya.

Hindi maaaring wala akong gawin. Kulang na nga ang pera ko tapos ay nangangailangan pa ang kapatid ko. Kailangan kong mag-isip, kailangan kong kumilos, kailangan kong maging matatag, at kailangan kong lumaban.

Natulog agad ako at maaga rin akong gumising kinabukasan. Hindi ako nagpatinag kahit halos tatlong oras lang ang tulog ko. Agad akong nagpunta sa pinakamalapit na supermarket at namili ng mga kakailanganin ko para sa paggawa ko ng yema. Nang mabili ko na ang mga rekado ay nagbalik agad ako sa boarding house at nagsimulang gumawa ng napakaraming yema.

Pinauna ko nang umalis si Shane nang siya ay magising dahil hindi pa ako tapos sa aking ginagawa. Naisin ko mang humiram ng pera sa kanya ay hindi ko magawa dahil pareho lang kaming umaasa sa suweldo namin sa coffee shop. Hindi ko naman magawang humingi ng advance na suweldo kay Boss Darwin dahil inilalaan ko talaga ang suweldo ko roon para sa pag-aaral ko. Kaya naman ito ang naisip kong paraan kung papaano ako kikita nang malaki.

Pagkaraan ay nagmadali akong balutin ang mga ginawa kong yema at dali-dali rin akong nagtungo sa LRT Station dahil ilang oras na lang ay magsisimula na ang klase ko.

Iboy's POV

Pagkarating ng train na ito sa istasyon ng Legarda ay bumukas ang pinto nito para magsakay ng iba pang pasahero. Natuwa naman ako nang masipat ng mga mata ko ang isang pamilyar na mukha. Ang tinutukoy ko ay iyong seatmate ko sa classroom. Naisin ko mang lumapit at magpakita sa kanya ay hindi ko na lang ginawa dahil ayaw kong sirain ang napakagandang ngiting nakaukit sa labi niya. Ewan ko ba kung bakit parang lagi siyang bad trip sa akin, hindi ko maunawaan kung bakit at ano ang rason ngunit hinahayaan ko na lang.

Matapos ang ilang sandali ay muling nagsara ang pintuan ng sasakyang ito bago ito muling nagpatuloy sa pag-andar. Habang nasa kalagitnaan ng biyahe ay hindi ko maiwasang titigan ang mukha ng pinakamasungit na taong nakilala ko. Ewan ko ba pero parang may kakaiba sa kanya kaya madalas akong napapatitig nang ganito sa kanya, hindi ko matukoy exactly kung ano. At isa pa, sobrang lakas ng dating niya.

Nagdaan pa ang ilang minuto bago muling nagbukas ang pinto. Nasa istayon na ito ng Pureza kaya naman bumaba na ako. Pagbaba ay hindi ko naman naiwasang hanapin kung nasaan na ang taong iyon. Nang makita ko siya ay nakita kong bitbit niya ang isang malaking plastic bag na hindi ko alam kung para saan at ano ang laman. Nagsimula na siyang maglakad sa puntong iyon at hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit ko siya palihim na sinusundan.

*****

You're My R Square Pi (r2π)
Written by EsonVitug
https://www.facebook.com/EsonVitug

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 18, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

You're My R Squared Pi (r2π) [ONGOING SERIES]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon