Chapter 3

3.9K 120 14
                                    

"EH, ba't 'di mo na lang kasi tawagan si Krissy? Sabihin mo yayain niyang lumabas. Bakit kailangan pa nating magde-deliver ng semento?"

Mula sa side mirror ng minamanehong Elf truck na may kargang apatnapung bag ng semento ay tinapunan ni Yael ng tingin si Gary. "Kailangan nga kasing mag-ingat," parang nagpapaliwanag sa bata na wika niya bago agad ding ibinaling ang tingin sa kalsada. Hindi pa siya sanay magmaneho ng truck, kahit pa sabihing hindi naman iyon kalakihan. Baka kung saan sila pulutin.

"Dahil?"

Humugot si Yael ng malalim na hininga. "Anak nga ni Mang Pete ang pinag-uusapan dito."

"O, eh, ano naman?"

"Hindi ka natatakot kay Mang Pete?"

Sa gilid ng mga mata ni Yael ay nakita niyang ikiniling ni Gary ang ulo nito na tila nag-iisip. "Sabagay," anito makaraan ang ilang sandali. "Malamang hindi ka tatantanan ng tatay niyan."

"Mismo," aniya. Mahal niya ang buhay niya. Marami pa siyang pangarap. At tapos siya kapag binangga niya si Mang Pete.

Pag-uwi ni Yael kagabi galing sa party ni Krissy, hindi siya nakatulog. Pinag-iisipan niya kung paano muling makikita si Jackie nang hindi masyadong obvious ang intensyon niya. Kaya ganoon na lang ang tuwa niya kanina nang makitang may delivery ng semento para sa kapitan ng Barangay Masagana. Maganda nang simula iyon habang nag-iisip siya ng ibang paraan kung paano makakalapit kay Jackie.Agad siyang nagprisinta para mag-deliver. Walang choice si Gary kundi sumama.

"O natotorpe ka?"

Akala pa naman ni Yael ay tapos na ang issue. "Ako?"

Humalaklak si Gary. "Puwede ka namang umamin, eh. Malay mo matulungan pa kita. I can always be your wingman, bro."

"Sira-ulo," aniya. "Sa tinagal-tagal na ng pagsasama natin, sabihin mo nga kung kailan ako natorpe?"

"Ngayon," anito.

"Diskarte ang tawag dito," aniya. "Diskarte."

Tumawa si Gary. "Diskarte mo, bulok. Diskarte ng torpe. Sisilay ka lang kailangan pa nating mag-disguise na driver at pahinate."

Hindi na niya pinatulan si Gary. Lalo lang hahaba ang usapan. Nang makita ni Yael ang marker ng Barangay Masagana ay nagsimula na siyang luminga-linga. Hindi niya alam kung saan ang eksaktong bahay nina Jackie.

"Alam mo ang bahay?"

Sinulyapan niya si Gary. "Madali lang naman sigurong hanapin." Puwede niyang ipagtanong. Sigurado siyang kilala ng lahat si Mang Pete. "Mas madali naman ito kaysa sa maghanap ng karayom sa dayami. Mas madali kaysa sa ginawa ng prinsipe sa Cinderella." Sa sandaling masabi niya iyon ay agad niyang pinagsisihan.

Lalo na nang tumawa si Gary. "Mukhang matindi nga yata ang tama natin, brother."

Hindi na lang siya umimik. Lalo lang siya nitong aasarin. Isa pa, totoo naman ang sinasabi nito. He was quite smitten with Jackie.

Nang matanaw ang covered court ng barangay ay itinabi niya ang truck.

Inabot ni Gary ang delivery receipt sa dashboard. "Tutulong din ba tayong magbaba?"

"Sila na ang bahala," wika niya.

"Hindi," angil ni Gary. "Nandito na rin lang tayo, lubus-lubusin na lang natin."

"Eh, 'di tumulong ka kung gusto mo," aniya. "Ako, hindi ako magbubuhat." Umibis siya. Luminga-linga. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa gitna ng Barangay Masagana ang covered court na kinatatayuan nila.

Sugar and Spice and Everything Nice (Jackie's Destiny)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon