Part 1

3 0 0
                                    

Sa isang malayong probinsiya sila nakatira ng Papa niya. Nahiwalay siya sa mga kapatid nang pinili niyang sumama sa Papa niya kaysa sa Mama nila noong maghiwalay ang mga ito. Hindi dahil sa paborito niya o mas mahal ang ama kundi dahil na rin naaawa siya rito. Siyam silang magkakapatid ngunit wala man lang isa sa mga kapatid niya ang pumili sa Papa nila. Pang walo siya sa kanila at ang bunso nila ay napakabata pa upang maintindihan ang mga pangyayari. Alam niya kung bakit ayaw ng mga kapatid niya sa Papa nila. Wala na kasi itong pera. Ito rin ang dahilan kung bakit humantong sa hiwalayan ang 19 anyos na pagsasama nila ng kanyang ina. Sadyang malaki pala talaga ang nagagawa ng pera sa relasyon ng mag-asawa. Kahit pa matagal na ang pagsasama at marami nang naging anak ay nagiging dahilan pa rin iyon ng tuluyang pagkawasak ng kanilang tahanan.

Nanginginig sa takot si Vincent ng gabing iyon. Wala pa ang kanyang ama at mag-isa lamang siya sa payak nilang tahanan. Yari iyon sa pinaghalong semento at kahoy. Yero ang bubong nila at may dalawang palapag iyon. Sa probinsiya nila, maituturing nang pang-mayaman ang bahay na meron sila. Subalit para sa isang tulad niyang lumaki sa karangyaan sa Maynila ay hindi sapat ang kanilang tinitirhan. Subalit siya ang taong marunong makuntento at magpasalamat sa kung ano ang meron sila. Araw-araw ay sumasama siya sa Papa niya sa paglalako ng mga natirang alahas galing sa nalugi nilang Jewelry shop na ibinukod noon ng Papa nila at ipadala ng pasekreto sa bahay na ito. Marami ang nakakaalam sa probinsya nila na tunay ang mga alahas na nilalako nila ng kanyang ama at alam niya, hindi sapat ang sampung talampakang pader na nakapaligid sa buong kalupaang sakop nila upang maging panatag siya lalo na at siya lang ngayon ang mag-isa na nandirito. Umalis ang Papa niya kaninang hapon. Nagpaalam itong may kikitaing kliyente na sa wari niya ay may kinalaman sa negosyo. CPA ang Papa niya. Pwede itong mag-freelance. At iyon sa ngayon ang pingakakaabalahan nito habang hindi pa nauubos ang mga nakatago nilang mga alahas sa basement.

Matalino ang Papa niya. Ang basement nila ay hindi man lang mahalatang naroroon. Hindi basta-basta natutuklasan ang lagusan patungo roon. Maging siya noong una ay walang malay na may basement pala ang bahay na iyon. Bahay bakasyunan lang naman kasi nila iyon dati. Na ngayon ay nagsisilbing kanlungan na nilang mag-ama.

Sumidhi ang takot na nararamdaman niya ng biglang may kumalabog na mula sa may terasa. Alam na niya ang gagawin. Hindi siya papayag na may makuha ang mga pangahas na nilalang na iyon mula sa tahanan nila. Hindi hangga't naririto siya.

Tumayo siya at dahan-dahang tinungo ang dingding kung saan nakasabit ang mga koleksiyon ng armas ng Papa niya. Nanginginig ang mga kamay na pinili niya ang 45 calibre pistol na siyang tanging alam niya kung paano mamanipulahin. Ito pa lang kasi ang naituturo ng ama niya sa kanya simula ng mauwi sila rito sa probinsiya.

Bitbit ang nasabing armas ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na lumabas mula sa study room. Tinawid niya ang pasilyong nagdudugtong sa study room patungong terasa. Nadadaanan niya ang mga kwartong dati ay inuukupa ng mga kapatid niya. Bawat pinto ay tumitigil siya upang silipin ang loob niyon upang masigurong wala pang nakakapasok sa mga pangahas na nilalang.

Isa

Dalawa

Tatlo

Narating na niya ang dulo ng pasilyo. Magkakatapat kasi ang anim na mga pinto ng mga kwarto ng mga lalaki niyang kapatid sa bahaging iyon. Ang silid tulugan naman na nakalaan para sa kanilang tatlong mga babae ay nasa bandang kaliwa ng study, patungo naman iyon sa Master's bedroom. Bale ang kwarto niya ay literal na katabi ng Master's bedroom.

Nakita niyang unti-unting pinipihit pabukas ang door knob ng dahon ng pinto palabas ng terasa. May dead bolt ang mga pinto nila kabilang na ang pinto ng terasa. Matagal pa bago nila magawang buksan iyon. Umikot siya at pumasok sa isa sa mga kwartong nasa dulo ng pasilyo. Balak niyang mula sa bintana roon ay silipin ang mga nilalang na nasa labas. Ang bintana sa bawat kwarto nila ay napapalibutan din ng grills bago ang bintana nila na yari lang naman sa kapis at kahoy. Mahilig lang talaga sa grills ang Mama nila na siyang sa ngayon ay ipinagpapsalamat niya.

Sinadya niyang hindi buksan ang ilaw. Ayaw niyang magkaroon ng ideya ang mga pangahas na nilalang na iyon natunugan niya na ang balak na panloloob ng mga ito. Dahan-dahan siyang lumapit sa bintana at saka sumilip mula sa maliit na siwang niyon. Kita niya ang apat na lalaking pawang nangagkatakip ng mga mukha gamit ang telang itim at tanging mata lamang ang nakikita. Ang isa sa mga iyon ay my hawak na sa wari niya ay sandata na may matulis na dulo na siyang pilit nitong ipinapasok mula sa maliit na awang ng pinto na sa ngayon ay dead bolt na lang ang tanging proteksiyon.

Dahan-dahan niyang ikinabit ang silencer sa dulo ng baril na hawak niya. Dahan-dahan at kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin ay tumimbuwang ang lalaking may hawak na sandata na siyang nagmamaniubrang mabuksan ang pintuan ng bahay nila mula sa terasa. Nagulat ang mga kasamahan nito at agad na lumapit sa kanya upang sumaklolo. Ikinasa niyang muli ang kwarenta y singko. Sa pagkakataong ito ay lumingon na sa gawi niya ang isa sa tatlong natitira. Kinalabit niyang muli ang gatilyo. Hindi niya matuloy kung saan niya natamaan ang pangalawa. Basta't ang alam niya, ang unang binaril niya ay tinamaan sa punong balikat, sa puno ng leeg nito.

Nakita niyang napaupo ang pangalawang lalaki at napahawak sa braso nito. Muli niyang ikinasa ang baril ngunit biglang nagsikubli ang dalawa pa at alam niyang patungo ang mga iyon sa ilalim na bahagi ng bintanang kinatatayuan niya. Humakbang siya paatras at nagmamadaling umikot pakabilang silid. Kailangan niyang masigurong walang matitira sa kanila. Hindi na baleng hindi matuluyan, ang masugatan niya lang ang mga iyon ay malaking bagay na. Muli ay tinungo niya ang bintana, sa pagkakataong iyon ay mula naman sa katapat na silid na kinaroroonan niya kanina. Nasa kanang bahagi paharap sa terasa. Inulit niya ang istratehiya. Sinilip niya mula sa siwang ng bintana ang mga kalaban. Sumalubong sa kanya ang isang matulis na bagay na siyang bumaon sa kanyang dibdib. Kasabay ng muli niyang pagpitik ng gatilyo na nakatuon sa mukha ng pangahas na kawatan ay ang pagkawala ng kanyang malay.

VincentWhere stories live. Discover now