Part 2

0 0 0
                                    

"Hindi malayong abutin ang pangarap. Nagiging mahirap lang para sa isang taong abutin iyon kapag mahina ang loob upang tuparin ang kanyang pangarap."

Nakakasilaw na liwanag ang bumulaga sa kanya nang siya'y magising. Muli muna siyang pumikit at pinakiramdaman ang paligid bago niya muling idinilat ang mga mata. Agad niyang hinanap ng paningin ang kanyang ama. Napahinga siya ng maluwag nang makita niya itong natutulog sa mahabang sofa sa tabi mg bintana. Kahit hindi pa man siya nakakapunta ng ospital ay alam niyang naroon siya ng mga oras na iyon. Ganitong ganito kasi ang hitsura ng hospital rooms na nakikita niya sa tv. Naalala niyang nasaksak siya ng kung anumang bagay nang gabing may sumubok manloob sa bahay nila. Napangiwi siya nang makapa ang sariling dibdib. Mukhang iyon ang pinanggagalingan ng kirot na nararamdaman niya kaya siya nagising.

Niyuko niya ang ulo upang mapagmasdan ang sarili. May suot siyang hospital gown na noon ay karaniwan lang niyang makita sa mga drama soap. Lalo siyang napangiwi nang makita ang bahid ng natuyong dugo sa bandang dibdib. Kahit natatakpan ng damit pang ospital ay batid niyang may bendaheng nakapaikot mula sa likod hanggang dibdib niya upang maampat ang pagdurugo ng sugat roon. Baka nga tinahi pa iyon habang wala siyang malay-tao. Sa naisip ay nais niyang umiyak. Muntik na siya. Mabuti na lang at malakas yata siya sa Itaas kaya hindi pa siya Nito kinuha.

"Oh, gising ka na pala. Kumusta ang pakiramdam mo?" Napatingin siya sa lalaking nasa may pinto. Nakasuot ito ng asul na scrubsuit na pinatungan ng lab coat na kulay puti. Naisip niyang ito yata ang doktor.

"Masakit ang sugat ko saka pakiramdam ko, dumudugo pa rin." Wala sa loob na sagot niya nang maramdamang may likidong dumadaloy mula sa kanyang sugat patungo sa ngayo'y mas naging sensitibo niyang balat. Kahit hindi niya nakikita ay alam niyang malagkit ang likidong iyon kaya naisip niyang dugo nga iyon.

"Wala pang bente kwatro oras simula nang masugatan ka kaya normal lang na magdudugo pa rin iyon. Pero sige, titignan ko ang sugat mo kung maayos ba ang pagkakatahi o hindi." Paliwanag ng lalaki na hindi pa rin niya sigurado kung doktor o hindi. Lumapit ito sa kamang kinahihigaan niya. Napasulyap siya sa kanyang ama. Hindi pa rin ito nagigising. Mukhang pagod na pagod ito kaya siguro hindi man lang nakaramdam na may taong pumasok sa silid na iyon.

"Itaas mo nang kaunti ang katawan mo mula sa kama para mabuksan ko ang damit mo. Huwag kang mahihiya at sanay akong makakita ng katawan." Malumanay nitong saad. Ramdam niya ang pagkaunawa nito sa sitwasyon. Babae pa rin kasi siya at nasa kasibulan pa habang ito ay lalaki. Bagaman propesyunal itong maituturing ay iba pa rin ang pakiramdam.

"Doc, ako na lang po ang mag-i-expose ng sugat. Excuse po." Agaw ng babaeng nurse na nasa likod nito. Napahinga siya ng maluwang. Lumapit ang nurse sa kanya at kinumutan muna siya abot hanggang dibdib bago mula sa ilalim ay hinila pataas ang suot niyang hospital gown. Muli nitong hinila pababa ang kumot, iyong makikita lang ang dressing ng sugat niya. Napangiti ang doktor saka tumango sa nurse bilang pasasalamat. Tumabi ang nurse upang bigyang daan ang lalaking doktor. Sinipat nitong maigi ang gasang nakatakip sa sugat niya. Mula sa pagkakayuko ay nakita niya rin ang nkikita nito. Hindi pala dugo ang akala niyang tumutulo galing sa sugat kungdi manilaw-nilaw na likido.

"Hmmn by the looks of it, nasa healing process na ang sugat mo." Napapatango pang sabi nito.

"Hindi ko na bubuksan ang dressing at baka maantala pa ang pagsasarado ng sugat. Alam mo kasi, basa pa siya. So may tendency na mabuksan ang blood clots na siyang tumutulong upang mapadali ang paghilom ng sugat mo. Kaya hihintayin na lang nating matuyo ito, okey ba?" Napatango na lamang siya. Gusto niyang mangiti sa paraan ng pagsasalita ng doktor. Pakiramdam niya tuloy ay isa siyang batang paslit na pilit pinapaliwanagan kung ano ang nangyayari sa kanyang sugat.

"Babalik ako after three days. In the meantime, kapag nakita nang nurse na tuyo na siya within 24 hours, kahit sila na lang ang magpalit ng dressing at maglinis ng sugat mo. Magpagaling ka." Nakangiti nitong dugtong.

"Siyanga pala, pwede ka nang kumain ng mga lugaw at mainit na sabaw." Saka ito humarap sa nurse at ibinilin ang mga gamot na maaring ibigay sa kanya. Napansin niyang nakaupo na pala ang papa niya sa sofa at matamang nakikinig habang tila hindi pa rin tuluyang nagising ang diwa nito.

"Oh, sir, good morning po. Ako nga po pala si Dr. Sy. Ako ho 'yong nag-opera sa anak niyo kaninang madaling-araw. So far, okey naman na po ang sugat niya at mukhang mabilis naman ang response niya sa gamot. Pwede niyo na po siyang pakainin ng lugaw mamaya at pahigupin ng mainit na sabaw." Baling ng manggamot sa kanyang ama. Dire-diretso lang ito sa pagsasalita na tila kabisado na ang bawat linyang bibitawan. Ilang pasyente na kaya ang nadaanan nito upang kumustahin sa araw na ito? Ah, marahil marami na. Mukhang ni-recite na lang kasi niya yung mga sinabi niya.

Napatango tango lang ang kanyang ama sa sinabi ng doktor.

"Ah, dok, hindi naman po ba masama ang tama ng sugat niya? Saka wala naman po bang natamaang vital organs?" Nang halos paalis na ang doktor ay pahabol na tanong ng kanyang ama.

Napabalik sa harap nito ang doktor saka sumagot.

"Wala ho. Kamuntik na lang at naabot na sana ang atay pero maswerte po ang anak niyo at hindi iyon nangyari. Kung hindi siguro dahil sa suot niyang medalyon na may kalaparan din ay walang sagabal na naabot ng icepick ang puso at baga niya. Pero dahil sa medalyon, lumiko pababa ang pagkakatusok ng icepick at swerte pa ring hindi umabot sa atay." Natahimik bigla ang kanyang ama.

"Ang medalyon. Nasaan na po pala iyon?" Sa wari ay ngayon lamang nito muling naalala iyon.

"Tinanggal po kasi namin iyon kanina habang nasa operating table. Medyo lumubog din po kasi siya sa loob ng sugat kaya kinailangang hugutin ko siya mula sa loob. Kasalukuyan pa po'ng nasa sterilization area ang medalyon kasama ng mga instrumentong ginamit sa pag-oopera kanina sa sugat. Huwag po kayong mag alala at dadalhin lang po iyon dito sa inyo ng isa sa mga OR nurse." Mahabang sagot na naman ng doktor. Sa narinig ay kinapa na rin niya ang dibdib. Naalala niyang suot nga niya ang medalyon ng ama kagabi, sa paniniwalang hindi siya makakaramdam ng takot kapag suot niya iyon. Pakiramdam niya kasi ay nasa paligid lang niya ang ama kapag suot niya ang medalyon nito. Lagi na'y nakasabit lang kasi ito kasama ng mga sumbrero nito sa hamba ng pinto.

"Salamat po, dok. At marami pong salamat sa pagligtas niyo sa anak ko." Inabot ng kanyang ama ang kamay ng doktor at saka ito ginagap ng isa pa nitong kamay.

"Wala po'ng anuman iyon. Tungkulin po naming mga doktor ang gamutin ang lahat nang pasyenteng naririto sa abot ng aming makakaya at sa tulong ng Diyos."

"Malaki talaga ang tiwala ko sa inyo, doktor. Alam niyo po bang pinangarap ko rin noon ang maging isang katulad niyo? Dangan ho lamang at hindi ko naabot ang pangarap kong iyon. Malayo po kasing marating ng isang anak ng magsasaka ang ganoong katayog na pangarap." Dama niya ang panghihinayang sa boses ng ama.

"Hindi ho malayong abutin ang pangarap. Tulad niyo ho ay anak din ako ng isang magsasaka ngunit nagsikap ho ako upang maabot ang aking pangarap. Sabi po kasi minsan ng aking guro, nagiging mahirap lang para sa isang tao ang abutin ang kanyang pangarap dahil sa kahinaan ng loob at kawalan ng tiwalang maabot nito ang kanyang pangarap. Gayunpaman, nakikita ko namang matagumpay ka sa napili mong propesyon, sir." Saka ito tumango upang muling magpaalam. Naiwang walang imik sa kinatatayuan nito ang kanyang ama.

Kamu telah mencapai bab terakhir yang dipublikasikan.

⏰ Terakhir diperbarui: May 30, 2017 ⏰

Tambahkan cerita ini ke Perpustakaan untuk mendapatkan notifikasi saat ada bab baru!

VincentTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang