ANG PALALO

790 2 2
                                    

ANG PALALO

Sa kalaliman ng gabi... ay bigla akong nagulantang sa malakas na tunog na iyon na nanggagaling sa teleponong nasa aking ulunan. Atubili man... ay akin 'yong dinampot at itinanong kung sino ang nasa kabilang linya. Tonong banyaga ang nagsalita, kaya kung sino s'ya ay hindi ko mahinuha. Dati ko daw s'yang kamag-aaral. Sa madaling salita ay kami'y magkababayan... at kami ay nagtapos sa parehong paaralan. Kung pwede daw ba kaming magkita; iyon ang tanong n'ya... na kaagad ko namang sinang-ayunan.

Kinabukasan, sa isang 'shopping mall' na parehong madali naming mapuntahan, doon namin napagkasunduang magkita. Sa kung anong kadahilanan ay hindi ko maintindihan ang aking pakiramdam. Dapat sana ay matuwa ako, dahil isang kababayan at dating kamag-aaral ang muli kong makikita... pero, sa naging tono ng kanyang pananalita noong gabing maka-usap ko s'ya ay ibang damdamin ang namahay sa akin. At ang pakiramdam kong iyon ay pinagtibay... nang sa di kalayuan ay may isang pamilyar na anino akong naaninag. Ang dating simpleng katauhan ay Ibang-iba na kung manamit at umasta. Ganunpama'y isang matamis na ngiti mula sa aking mga labi ang aking pinakawalan... habang s'ya ay papalapit na kumakaway.

Sa napili kong mesa, sa gawing likuran ng napakatamis na nag-uusap na magsing-irog... doon kami naupo. Nang kami'y magka-daupang palad na, sa kung anong kadahilanan... ay nawari kong s'ya ayparang atubili. Minabuti kong umoder muna ng donut at kape upang mapagaan ang mga sandaling iyon. Sa kinalakihan naming wika at tono ng salita... doon ko s'ya kina-usap; ngunit sa wika at tonong banyaga pa din ang kanyang pagka-usap sa akin. Sa loob-loob ko'y ano ba nama't nabaluktot na kaagad ang kanyang dila'y hindi pa naman s'ya gaanong natatagalan sa lupaing banyagang kasalukuyan naming kinaroroonan. Lumipas ang ilang sandali... at ako'y nagparamdam na gusto ko nang magpaalam. May isang pagpupulong pa akong pupuntahan. Panauhing tagapag-salita ako sa isang pagtitipong dadaluhan ng ilang kilalang personalidad ng isang malaking kompanyang aking kinabibilangan. At napilitan na n'yang sabihin sa akin ang tunay na dahilan kung bakit s'ya napatawag ng gabing iyon. Ang kanyang pakay pala ay pinans'yal na bagay. At hindi nga ako nagkamali sa aking hinuha. Ang bihis na bihis na personalidad na iyon... na nasa aking harapan; s'ya pala ngayon ay kasalukuyang nakabaon sa utang! Ah! Lubhang nakalulungkot ang kabalintunaan na aking namasdan... ang nandidilat na larawan ng isang malaking kapalaluan!


************************************************************************

©2016 Nancy M.Y. All Rights Reserved    

TAGALOG SHORT STORY COLLECTIONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon