"GAANO KAHALAGA ANG ISANG MINUTO?"
Isang araw ay naisipan kong maglakad-lakad. Madalang kong gawin ang bagay na iyon nang mag-isa lamang. Pero, nong mismong oras at araw na 'yon... ay parang may kung anong pwersa na humihikayat sa akin. Kung kaya, suot ang paborito kong 't-shirt' at pantalong maong... ay nagmadali akong bumaba; sakbit ang 'kyut' na bag na regalo sa akin ng mahal kong kabiyak noong nakaraan kong kaarawan. At sa 'kyut' kong bag na 'yon ay ipinaloob ko ang isang maliit na puting tuwalya na 'pinapusitan' ko ng paborito kong 'pabango.' Tag-init noon, kaya di ko din nakalimutang isuot ang malambot kong gomang sapatos... na binagayan ng paborito kong sumbrero.
Sa parkeng malapit lang sa aming bahay na tinitirhan... doon ako dinala ng aking mga paa. May mangilan-ngilan na ding tao doon nang ako'y dumating. At ako'y nagpalinga-linga ... nagbaka-sakaling may makikitang kakilala; ngunit wala. Kaya mas pinili kong ipagpatuloy ang aking paglalakad. Pataas na nang pataas ang posisyon ng Haring Araw, patindi na din nang patindi ang dulot n'yang init. Pinagpapawisan na ako, kung kaya mula sa sakbit na bag ay inilabas ko ang mabango kong tuwalya... at pinunasan ang malasutla kong balat (sa puntong ito ay nililibang ko lamang ang aking sarili). Ang katotohanan non ay parang may kung anong kilabot na unti-unting bumabalot sa aking buong katawan... nong mga sandaling iyon. Gusto ko nang bumalik; pero parang may tinig akong narinig na nagsasabi sa akin na ako ay magpatuloy sa paglalakad.
At nagpatuloy nga ako... hanggang sa ako'y makarating sa kinaroroonan ng isang matarik na bangin. Kinakabahan man ay dumukwang ako; at mula sa aking kinatatayuan ay nakita ko ang isang 'takot na takot' na batang lalaki na naka-ukyabit sa baging... nag-aalalang humulagpos ang kanyang maliliit na mga kamay sa pagkakahawak na yaon. Pawisan ang nanginginig kong mga kamay... ay kagyat kong inilabas ang mabango kong tuwalya para ipansapin sa baging na aking hihilahing pa-itaas, dala ang naka-ukyabit na musmos na batang iyon. Galing sa 'midnight shift' ay nanghihina ako; pero inubos ko ang lahat ng natitira kong lakas para sa pagkakataong iyon.
At ngayon nga'y isa nang matagumpay na dalubhasang manggagamot si Mico... ang musmos na bata na noong 'ISANG MINUTO' na iyon ay muntik nang mapagkaitan ng tadhana ng magandang kapalaran; noong ISANG MINUTO na 'yon... na kung mas pinili kong pahalagahan ang aking pag-aagam-agam ay tuluyan na sanang naglaho kasama ng kanyang mga pangarap. Ngayon, matanong ko kayo: GAANO KAHALAGA ANG INYONG ISANG MINUTO? At ang aking sagot: "MINE IS PRICELESS!"************************************************************************
©2016 Nancy M.Y. All Rights Reserved

BINABASA MO ANG
TAGALOG SHORT STORY COLLECTION
Storie breviPaminsan-minsan, dulot ng kasalukuyan nating sitwasyon o lugar na kinaroroonan... tayo ay nakakaramdam ng kakaibang uri ng 'kahungkagan' at/o matinding kalungkutan; dahilan marahil kung kaya tayong mga pasyonista sa pagsusulat ay nakaka-isip na gami...