Blankong Upuan

15 0 1
                                    

Mag-uumpisa ako sa simula,
Sa simulang hindi pa kita nakikilala,
Sa simulang hindi pa kita nakakasama,
Noong sanay pa akong maging mag-isa.

Marunong akong makuntento sa kung ano'ng meron ako.
Kailanman ay hindi ko hinangad ang mundo,
Ngunit pati ito ay nagbago
Nang tayong dalawa'y nagkatagpo.

Tayo'y mas nagkakilala sa paglipas ng oras.
'Di nagtagal ay hinahanap na kita sa bawat minutong lumilipas.
Sa aking mga mata, makikita ang bakas,
Ang bakas ng aking sirang bukas.

Ginagawa ang lahat matanggal lang ang pagkabagot.
Bawat tawag, sinasagot.
Bawat pag-aya, sinisipot.
Pero bakit ngayon ni anino walang umabot?

Inaabangan ko ang iyong pagdating.
'Di ko tuloy maiwasang umiling,
Dahil nagpagtanto kong 'di ka na darating
At mawawala ka na sa aking piling.

Babalik ako muli sa simula.
Sa simulang hindi pa kita nakikilala,
Sa simulang hindi pa kita nakakasama,
Noong sanay pa akong maging mag-isa.

'Wag kang mag-alala,
Sanay na akong maghintay sa wala.
Sanay na akong umasa.
Sanay na akong magmukhang ewan para sa iba.

Sa susunod, alam ko na ang gagawin ko
Nang hindi muling mawasak ang puso
Sa oras na maging blanko
Muli ang upuang katabi ko.

Nais kong muling magsimula,
Nang damdamin ay mabura.
Babalik ako muli sa simula,
Nang lahat ay tuluyan nang mawala.






Written: July 19, 2016

Inked ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon