OCTOBER 26, 2013
“Pare, pasabay ha,” nakangiting sabi ni Alberto sabay mabilis na sumakay sa harapan ng jeep ni Kris.
“O, pare. Wala ka bang biyahe?”
“Coding ako ngayon. Heto pupunta lang ako sa talyer ni Manny. Kukunin ko yung pina-vulcanize ko.”
Mag-aalas tres na ngunit tirik pa rin ang araw sa kalangitan. Dahil dito ay kakaunti lamang ang mga taong nasa labas. Kakaunti rin lamang ang pasahero ni Kris. Limang tao lamang ang nakasakay sa kanyang jeep na labing-dalawahan.
“Kamusta naman si Misis? Okay lang ba kayo dun sa tinitirhan niyo?” tanong ni Kris.
“Ayos naman, pare. Salamat sa’yo at nakalipat kami dito. Salamat din at nakakuha ako ng prangkisa dito.”
Ilang minutong kuwentuhan ang lumipas ng mapansin ni Alberto ang isang lalaking tumatalon-talon sa di kalayuan. Mahaba ang gulu-gulong buhok nito at marungis ang kasuotan. Ang kanyang mukha, mga braso, at mga binti at paa ay nangingitim sa dumi.
Isang taong grasa.
Nang papalapit na sila ay biglang humarap ang taong grasa sa kanila. Itinaas nito ang kanan kamay, na tila pinapara ang jeep. Bigla namang bumagal ang sasakyan at huminto sa harapan ng taong grasa. Napatingin si Alberto sa kaibigan, ang mga noo’y nakakunot. Hindi naman umimik si Kris.
Sumakay ang taong grasa sa jeep. Umupo ito malapit sa estribo. Ang limang pasahero naman ay mabilis ngunit tahimik na umusog palapit sa harapan, nagsiksikan sa likod nila Kris at Alberto. Pagkatapos ay umarangkada ng muli ang jeepney.
Bahagyang pumihit si Alberto at sinilip ang mga pasahero sa likuran. Ang taong grasa ay nakatingin sa labas, tumatawa habang tinuturo ang kung anong bagay. Ang limang pasahero naman ay pawang nakatakip ng mga ilong. Hindi maiwasan ni Alberto na magtaka kung bakit walang isa man lang pasahero na nagreklamo sa drayber.
Muling tiningnan ni Alberto ang kaibigan. Bahagya siyang nilingon nito at nagkibit-balikat, pagkatapos ay bumalik na sa pagmamaneho.
Isa-isang nagbabaan ang mga pasahero. Hanggang isang malakas na tinig ang kanilang narinig.
“Para. Para. Para.”
Itinabi ni Kris ang jeepney at patalong bumaba ang taong grasa. Sinundan ito ng tingin ni Alberto hanggang sa makita niyang pumasok ito sa isang eskinita.
“Pambihira ka naman, pare. Bakit mo naman isinakay yung taong grasa,” sabi ni Alberto ng umandar ng muli ang jeep. “Hindi mo ba nakita yung mga pasahero mo. Buti walang nagalit.”
“N-Naku, wala yon,” sagot ni Kris sabay tawa.
“Anong wala yon?”
“H-Ha? Eh, taga-rito talaga yun.”
“Talaga? Eh, bakit mo nga sinakay pa?” patuloy na pangungulit ni Alberto.
“Eh, basta.”
“Anong basta?” Napansin ni Alberto na parang hindi mapakali ang kanyang kaibigan.
“B-Basta. Kaugalian na dito na isakay yung lalaking yun.”
Biglang napaisip ni Alberto. “Teka, huwag mong sabihing galing sa mayamang pamilya yun?”
“H-Ha?
“Yung taong-grasa? Galing ba sa mayamang pamilya yun kaya sinasakay niyo?”
“A-Ah, oo. Tama. Tama ka!” sagot ni Kris sabay muling tawa. “Mayaman nga ang pamilya nun. Pinapabayaan lang nilang mag-gala gala.”
Parang hindi kumbinsido si Alberto ngunit naisip niyang hayaan na lamang.
“Basta pare,” biglang dugtong ni Kris, “kapag pinara ka nun, siguraduhin mong isasakay mo ha.”
“Ano? Bakit ko naman gagawin yun?”
“Basta!” nanlalaki ang mga matang sabi ni Kris. “Ipangako mo, pare!”
“O-Oo na. Sige, sabi mo, eh.”
Napabuntong-hininga si Kris at pagkatapos ay ngumiti. “O, Pare. Heto na pala yung talyer ni Manny.
Bumaba si Alberto sa jeep, ang isipan ay naguguluhan pa rin.
###
Gabi na ngunit nasa kalsada pa si Alberto. Marami kasi silang bayarin kaya’t kailangan niyang kumayod ng doble. Kailangan niya ding maghulog sa inutang niya kay Bumbay. Ngunit mahina ang biyahe ngayon, kakaunti lamang ang mga taong nasa labas. Ngayon nga ay wala pa siyang sakay.
Isang bagay na gumagalaw ang nakakuha ng kanyang atensyon. Nang ibaling niya ang kanyang tingin, nakita niya ang isang maruming lalaki ang nasa tabi ng kalsada. Ikinakampay nito ang dalawang kamay, pinapara ang kanyang jeepney.
Itinodo ni Alberto ang pagkakatapak sa silinyador ng kanyang jeep. Malakas na umugong ang kanyang makina, at bumulusok ang kanyang jeepney na parang isang sasakyang pangarera. Nakangiting tiningnan niya ang taong grasa ng madaanan niya ito.
“Hindi kita isasakay, ulol! Babaho lang ang jeep ko sa’yo!” sigaw ni Alberto sabay tawa. Napailing lang si Alberto ng maalala niya ang sinabi ni Kris. Hindi niya maintindihan kung bakit hinahayaan lamang ng mga tao na pagala-gala ang taong grasang iyon. Dapat sa kanya ay dalhin sa mental hospital, o kaya’y ikulong. Baka makasakit lamang siya ng iba kapag patuloy na hinayaang malaya.
Iniangat ni Alberto ang kanyang kanang paa mula sa pagkakatapak sa silinyador, ngunit isang malamig na bagay ang kanyang naramadamang pumigil dito. Agad niya itong sinilip at nagulat sa kanyang nakita.
Isang kamay ang nakahawak sa kanyang paa, kamay na nangingitim sa putik. Mahahaba at madudumi ang kuko nito, na nararamdaman niyang bumabaon sa kanyang balat. Sinubukan niyang iaangat ang paa ngunit mahigpit ang pagkakakapit ng kamay dito.
Mabilis na napatingin si Alberto sa kalsada. Lalo siyang nahintakutan ng makita ang palikong kalsada. Agad niyang tinapakan ang preno ng sasakyan ngunit wala siyang naramdamang pwersa.
Wala siyang preno.
Muling sinilip ni Alberto ang kanyang paa. Sa pagkakataong iyon ay napasigaw siya sa kanyang nakita. Ang taong grasang nilagpasan niya kanina, ngayon ay nakangiting nakasilip sa kanyang paanan. Dahan-dahan itong gumagapang paakayat sa kanyang mga binti. Hanggang nakaakyat ito sa kanyang beywang, paakyat sa kanyang balikat.
Tinitigan siya nito sa mga mata. “Sabi ko para, eh.”
Hindi na nakita pa ni Alberto ng sumalpok ang minamanehong jeep sa poste ng kuryente.
###
“Grabe. Wasak na wasak yung jeep.”
“Oo nga. Siguradong walang mabubuhay diyan.”
Tahimik na pinagmasdan ni Kris ang nakataob na jeep ni Alberto. Kani-kanina lamang any isinakay sa ambulansya ang katawan ng kaibigan. Dinala rin sa ospital ang asawa ni Alberto dahil nawalan ito ng malay. Si Kris na tuloy ang kumilala sa bangkay.
Halos hindi na niya ito namukhaan. Nakumpirma lamang nila na si Alberto nga ang bangkay dahil sa driver’s licence nito. Ngunit ang lalong nakabahala kay Kris ay ng makita ang kanang paa ni Alberto.
Nangingitim ito sa dumi. Para bang lumusong siya sa putik.
“Sabi ko naman kasi sa’yo, eh,” bulong ni Kris sa sarili. “Isakay mo yun kapag pinara ka.”
WAKAS!!!
BINABASA MO ANG
HUWAG KALIMUTANG ISAKAY
HororNAKAKAKILABOT NA PANGYAYARI ANG MAGAGANAP SA KUWENTONG ITO.SINO O ANO ANG HUWAG KALIMUTANG ISAKAY?KUNG MAKALIMUTAN BANG ISAKAY ANO ANG MANGYAYARI? TUNGHAYAN PARA MALAMAN. ENJOY READING!!!