Sa isang baryo sa bayan ng Malinis ay may isang batang isinilang na kawangis ang balat ng isang daga. Nang siya ay iluwal ng kanyang inang si Rubi, nagulat ito sa kanyang hitsura maging ang babaeng nagpaanak sa kanya ay hindi kinaya ang baho at kapangitan ng bata.
"Mahal kong kaibigan, kung mamarapatin mo, nakiki-usap akong huwag mo na lamang ipagsabi ang hitsura ng aking anak," wika ni Rubi.
"Ma-Makakaasa ka, Rubi. Tayong dalawa lang ang makakaalam," sagot naman ng babaeng nagpaanak kay Rubi.
Lumipas ang ilang taon, lumaki ang batang mabait at magalang sa kanyang ina. Kahit ilang beses pa siyang paliguan at naliligo sa isang araw, hindi pa rin matanggal-tanggal ang baho at dumi sa kanyang katawan. Sa halip na pandirihan ito ni Rubi, mas lalo niya pa itong minahal. Pinangalanan niya itong Dodi.
Nang magkaisip si Dodi, palagi niyang itinatanong sa kanyang ina kung bakit ganoon ang kanyang hitsura. Ngunit walang narinig na sagot ito sa kanya. Kahit ang kanyang ina ay hindi alam kung bakit ganoon ang kanyang hitsura. Ang sabi lang sa kanya, laging basura ang kanyang kasama sa tuwing nangangalakal siya upang may pangtustos sa kanyang sarili noon.
Biktima daw ang kanyang ina ng pang-aabuso at siya ang naging bunga ng nakaraan nito. Inintindi na lamang ni Dodi ang kinuwento sa kanya. Tinutulungan na lamang niya ang kanyang ina sa gawaing bahay. Pinagbabawalan kasi siyang pumunta sa bayan. Simula nang siya ay isinilang, sa kagubatang malayo sa mapangmatang tao na lamang sila tumira.
Mahigpit siyang pinagbawalang huwag gagala at pupunta sa bayan. Sinunod naman ito ni Dodi. Ngunit isang araw, nang pumunta sa bayan si Rubi upang bumili ng lulutuing ulam nila sa buong araw, hindi na ito nakabalik. Hatinggabing naghintay si Dodi pero hindi pa rin bumabalik ang ina. Labingwalong taong gulang na si Dodi nang magpasya siyang dumayo sa bayan upang hanapin ang ina.
Kinabukasan, gumayak si Dodi. Balot na balot ang kanyang buong katawan ng damit mula ulo hanggang paa. Wala siyang ibang inisip kung hindi ang makita ang kanyang ina. Dalawang oras na paglalakad din ang inabot niya bago nakarating sa tahimik at maliit na bayan ng Malinis. Hindi man nakapag-aral si Dodi ay tinuruan naman siya ng kanyang ina na magbasa at magsulat.
Nang marating ang bayang Malinis, isa-isa niyang napansing panay ang takip ng ilong ng mga taong nadadaanan niya. sa tuwing magtatangka siyang magtanong ay sinisita siya. Kaya ginawa na lamang niya ang makakaya upang hanapin ang kanyang ina. Subalit, kinuyog siya ng mga tao.
Pinagbabato, pinandirihan, at tinataboy.
"Ang baho mo. Lumayas ka sa lugar namin!"
"Salot! Salot! Salot!"
"Eww, kadiri ka! Lumayo ka nga sa akin!"
Nang mga sandaling iyon, napadaan si Rubi sa mga nagkukumpulang tao at sinipat kung ano ang nangyayari. Laking gulat niya nang makitang ang anak niyang si Dodi pala ang pinagbabato.
"Huwag ang anak ko! Tama na! Anong kasalanan ng anak ko ha?" Sigaw ni Rubi.
"Anak, Dodi, bakit ka pumunta rito? Hindi ba kabilin-bilinan kong huwag mo akong pupuntahan?" nag-aalalang wika ni Rubi.
"Hindi ka tao! Halimaw ka! Mukhang halimaw! Ang bagay sa 'yo, binubugbog, at pinapatay! Isa kang salot sa lugar namin." sabat ng isang lalaking panay ang tapon ng mga gulay at prutas sa mag-ina. Kasabay niyon ay ang paghablot niya sa braso ni Rubi at hiniwalay ito kay Dodi.
"Huwag! Ako na lang po! Huwag ninyo pong idadamay ang nanay ko. Huwag!"
"Parang awa na po ninyo! Pakawalan po ninyo ako. Hindi po ako masamang tao." pagmamakaawa ni Dodi.
"Huwag ninyong sasaktan ang anak ko! Parang awa niyo na!" Nagpupumiglas naman si Rubi sa lalaki pero hindi siya makaalis. Nang kagatin ni Rubi sa kamay ang lalaki, napahiyaw ito pero hindi siya nakaligtas sa lalaki dahil isang patalim pala ang hawak niya sa kabilang kamay at agad na tinurok iyon sa likuran ni Rubi. Saktong tumagos ito sa kanyang puso.
"Inay!" nilapitan ni Dodi ang kanyang inang napaluhod at unti-unting pumikit hanggang sa bawian ito ng buhay. Patuloy pa rin ang pagkuyog ng mga tao sa mag-ina. Si Dodi naman ngayon ang pinagsisipa, pinagtatadyak, at pinagpapalo. Suntok sa bibig, sa mukha, tadyak sa tagiliran, sipa sa tiyan, at tinalian pa siya sa leeg at kinaladkad palabas sa bayang Malinis.
"'Yan ang nararapat sa iyo! Salot ka! Magkasakit pa ang buong bayan namin dito dahil sa 'yo! Pwe!"
"Patayin na natin siya!"
At hindi nga nakontento ang mga taga-Malinis at isa-isang pinagsasaksak si Dodi hanggang sa bumulwak ang mga dugo sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Nang hindi na kinaya ni Dodi, bumigay na rin ito. Ilang sandali pa, biglang kumulog at kumidlat. Bumuhos ang ulan at isa-isang nagsitakbuhan pabalik sa kani-kanilang bahay ang mga taga-Malinis. Naiwang nakahandusay sa lupa at putik ang katawan ng mag-inang Rubi at Dodi.
Nang mga oras na iyon, isang nilalang ang lumitaw sa patay na katawan ni Dodi. Hinila niya ito sa isang lugar na tanging siya lamang ang nakakaalam.
BINABASA MO ANG
A-Ba-Ka-Da #Wattys2016
HorrorIba't ibang uri ng pagpatay. Kakaibang nilalang na pumapatay. Limang alpabetong Pilipinong binigyan ng buhay. Paghihiganti at kamatayan ang mahuhukay.