Ahas - Ang Huling Pahina

633 26 5
                                    

"Senyorita! Senyorita, Tina! Ano pong nangyayari sa inyo?"

Katok nang katok si Yaya Rina sa labas ng pintuan ng banyo ng dalaga pero hindi ito sumasagot. Kaya, naisipan niyang lumabas ng kwarto at agad na tinungo ang kwarto niya upang hanapin ang duplicate key.

Samantala, sa loob ng banyo. Hinimatay si Serpentina dahil sa repleksyong nakita niya sa salamin - ang sarili niyang naging isang makamandag na ahas.

Ilang minuto ang nakalipas bumalik si Rina sa kwarto ng alaga bitbit ang susi. Natatarantang binuksan niya iyon. Nang mabuksan ay tumambad sa kanyang harapan ang walang malay na si Serpentina.

"Dyusko! Senyorita! Senyorita, gising!" niyugyog nang niyugyug at marahang sinampal-sampal nito ang mukha ng dalaga upang magising. Nang mahimasmasan ay gulat na gulat ang mukha ng dalaga.

"Anong nangyari?" tanong ni Serpentina.

"Senyorita, tumayo po muna kayo. Aalalayan ko po kayong bumalik muna sa kama ninyo," sagot ng yaya.

"Bakit ako nakahiga sa sahig ng banyo?" urirat ni Serpentina.

"Hindi ko rin po alam, senyorita. Narinig ko lang po kayong sumigaw tapos..."

Hindi na tinapos ni Yaya Rina ang sasabihin dahil bigla na lamang namilipit sa sakit ang tiyan ni Serpentina. Pansamantala siyang napaatras nang maiupo ito sa kanyang kama. Mulagat ang mata ng kasambahay nang makitang nangangati ang buong katawan ni Serpentina. Lumabas ang iba't ibang uri ng pasa sa kanyang braso na kalauna'y naging isang kaliskis na maihahalintulad sa isang... ahas.

Aaaaaahhhh... Hissss...

Halos lumuwa ang mata ni Yaya Rina nang mapagtantong unti-unting napupunit ang damit ng dalaga hanggang sa tuluyan na ngang nagbago ang anyo ng kalahating katawan nito. Naging isang taong ahas si Serpentina.

Ang kanyang paa'y naging isang mahabang buntot. Ang buhok ay naging mahaba na nagsilbing takip sa kanyang dibdib. Ang mata nito'y kulay berde at asul. Litaw na litaw din ang mga kaliskis na makinis sa kanyang mukha at kamay. Panay na ang labas ng dila nito. Tinitigan niya nang matalim si Yaya Rina. Titig na gutom na gutom.

"Halimawwww!" Sigaw ni Rina. Agad niyang tinungo ang pintuan palabas sa kwarto ng dalaga pero bigla siyang nakaramdam na may pumulupot sa kanyang katawan. Mula sa mahina hanggang sa naging mahigpit na mahigpit na ito.

Hindi makagalaw ang buong katawan ng kasambahay. Mangiyak-ngiyak na rin siyang nagdadasal na sana ay hindi siya kainin ng taong ahas na ito.

"Tina, Senyorita. Maawa ka sa akin. Pakawalan mo ako. Aaaah!" nakiusap ang kasambahay pero isang matalim na tingin lamang ang iginawad ni Serpentina. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakapulupot sa katawan ni Rina hanggang sa umangat ang ulo ni Serpentina at agad na tinuklaw ang kasambahay.

Ilang beses niyang ginawa iyon. Nang hindi na gumalaw ang katawan ni Yaya Rina, ibinuka niya ang kanyang bunganga at unti-unting nilalamon nang buo ang katawan nito. Pagkapasok sa tiyan nito ay doon nakaramdam ng kabusugan si Serpentina.

Ilang minuto pa ang nakalipas, napadikhay ang dalaga. Lumiit na rin ang kanyang tiyan. Busog na busog siya. Nang mahimasmasan, doon lamang bumalik sa wisyo ang kanyang isipan. Duguan ang sahig. Tinuklaw at kinain niya ang yaya niyang ilang taon rin nagpalaki sa kanya. Sinipat niya ang mukha sa salamin at doon nalaman niyang nag-iba na ang kanyang hitsura.

"Ang buong akala ko ay matagal pa bago ka maging isang ganap na ahas. Ngunit, sadyang mahiwaga ang dugong nananalaytay sa iyong katawan," boses ng isang pamilyar na nilalang.

"Nasaan ka? Magpakita ka? Ikaw ang may kasalanan nito!" Sigaw nang sigaw at hinahanap ng kanyang tingin ang boses pero walang mahagilap si Serpentina.

"Tinuklaw lang kita ng isang beses sa kaliwang braso mo pero hindi ako ang may kagagawan kung bakit biglaan ang iyong pagbabagong anyo, Serpentina. Marahil, mas malakas lang talaga ang selos, inis, galit, at kasakimang laman ng iyong kalooban kaya, naging ganap ka ng isang taong ahas! Bwa-haha! Bwa-hahaha!"

Hindi na nakaimik pa si Serpentina. Ramdam niya ang init sa buong katawan. Ang kanyang mata'y matatalim na handa na namang pumaslang. Pinakinggan niyang muli ang boses na nakausap niya pero wala na ito.

Hindi na rin niya alam kung makakabalik pa siya sa dati niyang anyo. "Wala ng pag-asang makakabalik ka pa sa dati, Serpentina. Isa ka ng ahas." Isang bulong ang kanyang narinig pero wala naman siyang nakikita.

Sinubukan niyang pagalawin ang kanyang buntot upang lumabas ng kwarto nang bigla niyang marinig ang busina ng sasakyan sa labas. Dumungaw siya sa bintana at nakita ang kotse. Bumaba rito ang kanyang ina na binuksan ang gate. Nang ma-ipark sa garahe ang kotse, bumaba ang kanyang ama. Nagsalubong ang labi ng dalawa.

Nang makitang hinahalik-halikan, niyayakap, kinikiliti, at nilalambing ng kanyang ama ang kanyang ina, nakaramdam siya ng galit. Nag-iba na namang ang timpla ng kanyang sikmura. Nagugutom na siya. At dahil alam niyang sa kwarto niya deretsong pupunta ang kanyang magulang, bumalik siya sa pagkakahiga.

Ilang saglit pa, may kumatok sa labas ng pintuan ng kanyang kwarto. Bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang magulang. Nang makapasok ang mga ito ay napatakip silang pareho sa ilong. Amoy na amoy nila ang masangsang pero sariwa pang... dugo.

"Tina! Tina, anak. Anong nangyari rito?" agad na nilapitan ng kanyang ina si Serpentina sa kanyang kama. Nang hahawakan ng ina sa mukha ang dalaga, mabilis niyang tinapik iyon.

"Tina! Anong ginawa mo?" tumaas ang boses ng kanyang ama. Nilapitan niya ang mahal na asawa at inalo ito.

"Ok lang ako, hon. Baka nanaginip lang ang anak natin," wika ng ina ni Serpentina.

Hindi na naitago ni Serpentina ang selos sa kanyang puso. Tinanggal niya ang kumot. Na-sorpresa ang mag-asawa sa anyo ng kanilang kaisa-isang anak.

"Nagulat ko ba kayo? Haha," humahalakhak na tanong ni Serpentina.

Hindi nakapagsalita ang kanyang ama at ina sa nakikitang anyo ng kanilang anak. Hindi nila inakalang ang pangalang ibinigay nila sa kanya ay literal na mangangahulugan ng pagiging isang ahas. Napaatras ang mag-asawa. Ngunit, nahawaka ni Serpentina ang kanyang ina. Itinaas niya pa ito.

"Serpentina! Bitiwan mo ang iyong ina!" paki-usap ng ama nito.

"T-tina, a-nak," nasasakal na wika ng kanyang ina.

"Ikaw ang dahilan kung bakit nawawala na ng panahon sa akin ang aking ama. Lagi mo na lamang siyang nilalandi, nilalambing, at kung ano-ano pa!" Asik ni Serpentina sa kanyang ina.

"Ano bang nangyayari sayo anak! Sa iyong ina ka nanggaling. Siyam na buwan ka niyang iningatan sa kanyang sinapupunan hanggang sa ikaw ay lumabas sa kanyang tiyan. Huwag mong gawin ito. Mahal na mahal ka namin anak!" nagmamakaawa na ang kanyang ama pero hindi nakikinig si Serpentina.

Binalot na ng kadiliman ang kanyang isipan. Sinakal niya nang sinakal ang ina. Hindi naman magawang iligtas ng asawa ang kanyang kabiyak dahil maging siya ay malapit na ring mawalan ng hininga. Ang buntot kasi nito ay panay ang tuklaw sa kanya.

"Ngayon, katapusan niyo na dahil kakainin ko kayong buhay!"

Hindi nga nagkamali ang mag-asawa dahil unang nilamon ni Serpentina ang ina. Pagkatapos no'n ay ang kanyang ama. Nang pareho niyang nilunok ang kanyang pagkain, nakaramdam siya ng pagkabusog.

Isa ng makamandag na hayop si Serpentina. Nilalang na maghahasik ng lagim sa taong katulad niyang... Ahas.

*****WAKAS******

A-Ba-Ka-Da #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon