“Adik talaga ang mga lukaret na ‘to. May papatay-patay pa ng ilaw na nalalaman. Ayan tuloy, ang dilim dito sa labas.” Natatawang wika ni Alionah sa kanyang sarili.
Inayos niya ang pagkakaparada ng kanyang kotse sa tapat ng lumang bahay na sinabi sa kanya ng kanyang kabarkadang si Lora. Dating bahay nito iyon na kasalukuyan ng abandonado dahil nakabili na ito ng bahay sa Bulacan kasama ng pamilya. Barkada at kaklase niya ito simula kolehiyo at ngayong may sariling karera na ang bawat isa sa kanila ay bihira nalang silang magkita. Nang magka-ideya ang kaibigan na gumawa ng bridal shower para sa kanya para sa nalalapit niyang kasal ay agad na pumayag ang apat pa nilang barkadang sina Mharian, Camille, Colin at Claire upang kahit papaano’y magkakatipon-tipon silang anim. Malamig na hanging panggabi ang sumalubong sa kanyang mukha na siyang nakapagpanindig ng kanyang mga balahibo eksaktong pagbaba niya sa kanyang sasakyan ngunit pilit lang iyong binalewala ng dalaga dahil hindi siya likas na matatakutin. Lumikha ng ingay ang ginawa niyang pagbukas sa lumang gate na naroon at ng makapasok ay nilakad niya ang di-kalayuang distansiya mula doon papasok sa lumang bahay nina Lora. Walang malay ang dalaga na may dalawang pares ng mga matang nanlilisik na nakatingin sa kanya buhat sa isang madilim na bahagi ng looban. Pinihit niya ang seradura ng naturang bahay upang mabuksan iyon.
“Surprise!”
Muntik ng matapilok si Alionah ng sabay-sabay na sigaw ang mga nasa loob na walang iba kundi ang kanyang limang barkada saka bumaha ang ilaw sa salas ng bahay. Sumabog din ang tila confetti sa kanyang harapan mula sa party poppers na pumutok.
“Kayo talagang lima, muntik na talaga akong maniwala na inokray niyo lang ako. May papatay-patay ng ilaw pa kayong nalalaman. Buti nalang hindi ko naisipang umuwi.” Natatawa habang napapailing na saad niya sa mga ito.
“Asus! Nag-drama ka pa talaga sa lagay na ‘yan, Alionah ha. ‘Di ba sabi ko sa’yo, dito sa lumang bahay namin. Ito lang naman ang lumang bahay namin ah.” Pahayag ni Lora.
“Aba, malay ko ba na totoo pala ‘yong itinawag mo sa akin. Pero infairness, na-surprise niyo talaga ako, girls! Thank you ha. Touch naman ako.” Aniya saka umakto pang tila naiiyak habang nakangiti naman.
“Naku wala ‘yon, girl. So kumusta na ang bride-to-be? Totoo ba ang sinasabi nilang wedding jitters?” Pakli ni Colin.
Bitbit nito ang dalawang malalaking plato na may lamang pagkaing inihanda ng mga ito para sa gabing iyon. Sumunod dito sina Mharian, Camille at Claire. Nang maayos na ang mga pagkain sa may kalaparang center table ay umupo ang mga ito sa sahig na gawa sa tiles na nalalapagan ng kulay navy blue na alpombra.
“Heto, inlove pa rin kay Ryan. Hindi wedding jitters itong nararamdaman ko girls kundi excitement! Huwag na nga kayo, hindi ko ma-explain eh. Try niyo nalang para maka-relate kayo.” Aniya sabay hagikhik.
“Eh kung may makilala akong kasing gwapo, kasing bait at kasing yaman ni Ryan, why not? Pero mukhang endangered species na yata ang mga tulad niya.” Si Mharian.
“Kaya alert ka na girl para hindi ka mahuli. Ang sarap kayang ma-inlove.” Ani Camille na nakatingin dito.
“Malaking check! Agree ako diyan, girl.” Segunda ni Claire.
“O siya, bago pa maubos ang mga laway natin, simulan na natin ang mga foods na hinanda natin kasi gutom na ako.” Wika ni Lora.
Kanya-kanyang dampot na sila ng plato na nasa center table at nilagyan iyon ng mga pagkain na panay finger foods lahat. Pumapailanlang sa kabuuan ng bahaging iyon ng bahay ang ingay sanhi ng kanilang usapan habang sila’y kumakain gayundin ang kanilang tilian ng biglang may kumatok. Makasabay silang natahimik at gumuhit sa kani-kanilang mga mukha ang labis na pagkalito.