Si Josephine Ann "Joey" dela Cruz ay isang determinadong dalaga. Puno siya ng mga pangarap para sa kanyang pamilya. Positibo ang kanyang pananaw sa buhay. Naniniwala siya na balang araw makapagpapatayo siya ng bahay at maliit na restaurant café. Isa rin sa pangarap niya ay ang mapagtapos ang nakababatang kapatid na si Jacqueline Ann o mas kilala sa tawag na Jack.
Maagang iniwan ng ina sina Joey at Jack. Isang nurse ang kanilang nanay sa ibang bansa at nagkaroon ito ng malubhang karamdaman na agad nitong ikinasawi. Sila ay naiwan sa pangangalaga ng kanilang ama na si Julio dela Cruz. Si Mang Julio ang tumayong ina at ama nina Joey at Jack. Ang lahat nang ipinapadala dati ng kanyang asawang si Anna ay kanyang ginamit bilang puhunan sa maliit na ihaw-ihaw sa tabi ng kanilang munting tahanan. Kasama ni Mang Julio ang nanay ng kanyang asawa. Nag-iisang anak lang si Anna kaya naman kasama nina Mang Julio si Nana Bechay.
Masaya si Joey sa piling ng kanyang pamilya. Kahit ba madalas magbangayan ang kanyang Nana Bechay at ang kanyang tatay ayos lang dahil agad namang nagkakabati ang mga ito. Kahit na maaga silang naulila sa pagmamahal ng isang ina ramdam pa rin ni Joey na buong-buo pa rin ang kanyang pagkatao. Gayunpaman, lumaki man siyang kumpletong pagmamahal ang nararamdaman di maikakaila ang pagiging masungit nito. Si Joey kasi ang tipo ng tao na hindi mababali ang prinsipyo. Hindi rin siya ang unang hihingi ng paumanhin lalo na kung nasa tama siya, lalong lalo na kung talagang alam niyang tama siya. Maraming nagsasabing mapagmataas siya dahil sa ganitong pag-uugali pero para kay Joey kung wala siyang inaagrabyado at tama siya bakit niya kailangan magpakumbaba. Isa pang di mapagkakailang ugali niya ay ang pagiging mapagtanim ng sama ng loob. Madalas kinikimkim niya lahat ito. Ngunit kahit ganyan ang kanyang pag-uugali, mahal na mahal pa rin si Joey ng kanyang pamilya dahil na rin sa pagpupursige nitong mapabuti ang kalagayan ng pamilya. Napahanga rin ni Joey ang kanilang mga kapit-bahay sapagkat si Joey pa lamang ang makapagtatapos ng kolehiyo sa kanilang lugar.
Si Andrew Pierre "Drew" Lagdameo ay ang nag-iisang anak nina Dr. Lucas Lagdameo at Dr. Agnes Samonte. Isang cardiologist ang kanyang ama samatalang isang diabetologist naman ang kanyang ina. Hiwalay na ang mga magulang ni Drew. Si Drew ay nakatira kasama ng kanyang ina samantalang ang kanyang ama ay kasama naman na ang bago nitong pamilya, si Dr. Sylvia Lagdameo at ang mga anak nitong si Levi at Lara. Pamilya ng mga doktor ang mga Lagdameo at Samonte at dahil dito inaasahang siya ay susunod sa yapak ng mga magulang. Ngunit hindi ito ang nais ni Drew. Nais ni Drew maging isang architect. Mahilig sa pagguhit si Drew at kahit isang beses ay hindi siya nagkaroon ng gusto sa pagiging doktor pero hindi niya maaaring labagin ang kagustuhan ng mga magulang.
Ang ina ni Drew na si Agnes ay ang may labis na kagustuhang siya ay maging doktor ito ay para maipakita sa pamilya ng dating asawa na mas hamak na magaling si Drew at mas naaangkop na mapasama sa Board of Directors ng isang hospital na kasosyo ang pamilya Lagdameo. Para sa ina ni Drew isang kumpetensiya ito sa anak nina Lucas at Sylvia na si Levi na nasa high school pa lamang. Laging nais ni Agnes na nasa mataas na rank si Drew. Pero kahit ganoon pa man, mahal na mahal ni Drew ang ina at ni isang beses hindi nito sinubok suwayin ang nais nito. Sa madaling salita, uhaw sa pagmamahal at oras ng pagkalinga si Drew sa mga magulang at para sa kanya makukuha lamang niya ito kung magagawa niya ang nais ng mga magulang.
Dalawang taong hinahangad ang tunay na kaligayahan sa piling ng kanilang pamilya, matagpuan kaya nila ito sa piling ng isa't isa? Magawa kaya nilang harapin ang nararamdaman ang patuloy pa ring sasabihin hindi ako inlove at hindi ako maiinlove?
BINABASA MO ANG
Kuwento ng Hindi Inlove
ChickLitNasabi mo na bang hindi ka inlove at hinding hindi ka maiinlove?