Filipino: Wika ng Karunungan

2.5K 15 1
                                    

Magandang araw sa ating lahat mga kapwa kong Pilipino. Muli na naman tayong ipinagbuklod sa isang masigarbong araw na ito, ang araw sa anwal na selebrasyon ng buwan ng wika, na may temang; "Filipino: Wika ng Karunungan."

Hindi na lingid sa ating kaalaman na halos mga wikang banyaga na ang nagmamanipula nitong ating bansa. Hindi lang wikang Ingles, kundi pati na rin Koriyan, Nihonggo o Hapones, Espanyol, at kung ano pa na nanghimasok na rin sa araw-araw nating pakikipanayam sa mga taong ating kinakahalubilo. Hindi ba't totoo? Tuwing nakakasalubong natin ating mga kakilala, may nalalaman pa tayong "Yo, sup dude?" "Annyeonghaseyo!" "Konnichiwa minna-san!" "Hola mi amigo?" at kung anu-ano pa.

Ayaw kong magpaka-hipokrito, kaya naman aaminin kung mga wikang banyaga'y sumanib na rin sa akin. Ano pa ba ating magagawa? Ang paglaganap ng mga wikang dayuhan ay mas mabilis pa kaysa pagkalat ng mga salitang Filipino sa ating mga dila. Sa kasulukuyang henerasyon, hindi na nakakagulat ang kaalamang ito, makikita at maririnig nyo naman mula sa mga kabataan sa ating lipunan, na mas hasa sa mga wikang banyaga. Higit pa rito, ang kadalasang itinuturo rin ng mga magulang sa kanilang maliliit na mga anak ay ang wikang Ingles.

Tanong: Bakit ba nangyayari ito? Anong nangyari sa bansang dati'y mayaman sa mga Pilipinong bihasa sa sariling wika?

Iisa lamang ang sagot diyan. Ito ay sapagkat sa pag-iisip nating mga Pilipino, ang paggamit ng wikang banyaga o ang mga dalubhasa sa ibang wika o lengguwahe ay sukatan sa pagiging intelihente o pagkamatalino ng isang tao. Nakarinig ka lang ng taong nagsasalita ng wikang Ingles doon, kusa nang tatatak sa utak mo na, "Ay, matalino 'yun."

Nagpapatunay lamang ito na wala pa talaga tayong kamuwang-muwang sa mga bagay-bagay sa ating bansa.

Dahil lamang ba may kaalaman tayo sa ibang wika, ay matatawag na tayong henyo? Mali iyan mga kapwa kong Pilipino. Hindi nyo ba alam na mas higit pa sa pagkakamit ng wikang banyaga ang pagtatangi ng wikang sarili? Ang wikang Filipino. Sapagka't ito ang ating wikang kinalakhan. Sapagka't ito ang pambansang wika nitong ating bansang sinilangan.

Ayon nga sa tema ngayong taon, ang wikang Filipino daw ay wika ng karunungan. Sa anong paraan?

Kapagka ikaw ay isinilang, lumaki, nagkamuwang, at tumanda dito sa Pilipinas, walang duda na ikaw ay ganap na Pilipino. Kung sa gayon, nararapat lamang na wikang sarili din ang iyong dapat pagtuunan ng pansin. Ang tunay na marunong, ay yaong mga Pilipinong eksperto sa sariling wika higit pa sa kanyang kaalaman sa wikang iba. Ang karunungan ay higit nating natatamo sa wikang Filipino.

Bakit kamo?

Tunay nga na halos wikang banyaga na ang nagpapatakbo nitong bansang sinakupan, subali't 'di maikakaila na lamang pa rin ang lawak ng mga salitang Filipino ang abot sa ating kaalaman kawangis sa ibang wika. Kung kaya't mas nakakakuha tayo ng impormasyon gamit ang wikang Filipino bilang midyum sa pakikipanayam, lalo na sa mga taong napag-iwanan ng bagong kalakaran kagaya ng ating mga magulang, mga lolo't lola. Sa Kabila pa niyan, mas nauunawaan ng karamihan ang mga wikang dayuhan kapagka ito'y isinalin sa sariling wika. Isa sa patunay na higit na nakakakuha tayo ng impormasyon, balita, o kaalaman salamat sa wikang pambansa.

Ang wikang Filipino ay isang mahalagang salik sa karunungan ng bawat mamamayan sa ating lipunan. Mga kapwa ko Pilipino, wikang pambansa ay ating wikang sarili. Kung nakalimuta'y alalahanin. Kung nakaimbak, gamitin. Kung inaapak-apaka'y pansinin. Kung kinulang, payabungin. Alalahanin natin, mas matatawag natin ating mga sarili na henyo kung sariling wika'y ipagmalaki't idugtong sa pang-araw-araw na kalakaran, sapagka't ito ang tunay na karunungan.

Kung nawa'y wikang Filipino ang ginagamit ng bawat isa, lahat magkakaintindihan, lahat magkakaisa. Lahat magtatamo ng kaalaman at karunungan, lahat uunlad. Hindi sa lahat ng bagay, pawis at dugo ang kinakailangan sa pagyari ng kaunlaran nitong bansang kinalakhan. Sapat na ang laway bilang pundasyon sa pagsasalita sa wikang Filipino upang lahat ay magkaintindihan, magkaalaman, tungo sa kaunlaran nitong ating bayang tinubuan.

Filipino: Wika ng KarununganTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon