Unang Yugto
"Ako si Tirisa"
Dear Ate Charot,
Itago mo na lang ako sa pangalang Ma. Tirisa Cristina Femingca y Mendosas Kwerto Pulko Piryud. Tirisa por short. Normal lang ang aking buhay—isang ulirang ina na may pagmamalasakit sa kanyang mga anak. Tahimik at maayos ang makina ng aking buhay hanggang sa kinalikot ito ni Arnulfo.
Nagkakilala kami ni Arnulfo sa isang punerarya habang kasalukuyan akong lumuluha at lubos na nagdadalamhati sa yumao kong kaibigan na anak ng syota nung tambay sa kanto na kerida ng kumpare nung manikurista ng kasamahan sa trabaho nung dati kong textmate. Tumabi kasi siya sa akin at humagulgol din. Sa una ay umuungol lang siya hanggang sa sinisigaw na niya yung lyrics nung kantang Paglisan. Natigilan, nairita, ngunit namangha ako sa kanya.
Tinanong ko siya noon kung kaano-ano niya ang namatay. Sabi niya ay nanay daw niya iyon. Nagulantang ako sa aking narinig dahil napakabata naman ata ng kaibigan kong ito para magkaanak. Pitong taon gulang palang may anak na? Itinanong ko kung sigurado siyang tama ang kanyang napuntahang burol ngunit ibinalik lamang niya sa akin ang tanong pero ibinalik ko ulit sa kanya at ibinalik niya ulit sa akin at binalik ko ulit sa kanya. Mga isang oras kaming nagbabalikan. Ako ang unang bumigay at sinabing kalaro ko sa tumbang-preso ang nanay niya.
Habang abala ako sa pagsasalita at ibinubuhos ang naipong inis, bigla niyang pinutol ang aking dila. Baka ako raw ang nagkakamali. Kahit duguan ang bunganga, nakuha ko pang tignan ang kwadradong kahon na hinihigaan ng wala ng buhay na katawan. Tumambad sa akin ang pangalang hindi ko pa naririnig at ang mukha ng isang babaeng hindi ko pa nakikilala.
Wari’y sumabay sa mga aleng nakikain lang ng kornik at papaalis na ng burol, ang aking mga sasabihin. Hindi ko malaman ang aking gagawin. Maya-maya’y humingi ako ng banayad na paumanhin at saka dali-daling tumakbo papalayo sa punenaryang iyon. Papalayo sa bagong tuklas na katukayo—papalayo kay Arnulfo.
Nuong ding araw na yon, naisip kong magtungo sa Ali Mall at magmuni-muni sa nangyari kanina. Bumili ako ng kalahating galon ng sorbetes para sa namamanhid kong dila. Mag-isa ko ‘tong naubos.
Patuloy ang tahimik na paglalim ng gabi. Wala akong nasilayang lifeguard, kaya nagpasya na akong umuwi. Sa pagsisid ng kamay sa aking bulsa, hindi perlas kundi lukot-lukot na tupi ng mga papel ang nakapa ko. Ang alam ko’y may nakapa din akong gamit na sanitary napkin. First day ko nga pala nung araw na ‘yon.
Naubos ang pera ko sa sor-letse!
Wala na akong ibang maisip kundi ang sumabit sa jeep pero wala ng jeep nung oras na yon. So paano ako makakasabit Ate Charot? Isipin mo nga yan. Napaka*&#%$@ mo pala eh!
Umaapaw ang emosyon ko sa tuwing maaalala ko ang pangyayaring ito sa buhay ko. Ang natatandaan ko’y nakisabay na lang ako sa napadaang trak ng basura. Inihabilin ko muna sa mga lata ng sardinas ang tinatagong hiya, basta makauwi lang sa aking munting tahanan at makapagpa-body spa.
Pumasok ako ng buong-buo at habang nakikita ko ang nakaismid na nguso at gusot na mukha ng aking mga anak, pakiramdam ko’y unti-unti akong nauubos.
“Ang baho mo! Ang baho, baho mo! Lumayo ka dito dahil wala akong ina na mas mabaho pa sa burak na namuo sa pusod ng taong grasa!” Iyan ang mga katagang lumabas sa bibig ng sarili kong anak. Ang anak na inalagaan ko ng dalampu’t tatlong taon.
Luhaan akong nagtungo sa banyo at naligo na tila may pasan na kabayo sa aking kalooban. Nagplantsa kasi ko bago maligo. Iniisip ko sa kaduluduluhan ng utak na meron ako: kung mas mabaho pa ko sa pusod ng taong grasa, edi mabaho din siya dahil nanggaling siya sa pusod ko…?
Belat. Belat. Hindi niya panigurado naisip yon.
(Ipagpapatuloy…)
BINABASA MO ANG
The Ate Charot Chronicles: Ako si Tirisa by Sobee12
HumorIsang paghamon sa kakayahang gumamit ng matatalinhagang salita sa paglalahad ng kabalbalang kwento Unang Yugto: "Ako si Tirisa" Dear Ate Charot, Itago mo na lang ako sa pangalang Ma. Tirisa Cristina Femingca y Mendosas Kwerto Pulko Piryud. Tirisa po...