Ikatlong Yugto: "Ang Paglalayas"
Dear Ate Charot,
Lubos ang bigat ng aking puso nung araw na 'yon, hindi na ako rinespeto ng mga anak ko. Hindi man lang nila inisip ang masasaya naming pagsasama-sama. Naiinis ako dahil sa ganong kaikling panahon biglang nabago ang pakikitungo ng mga anak ko sa 'kin. Ganon pala kababaw ang pagmamahal nila sa sarili nilang ina. Paano pakaya kung sa ibang ina? Dahil ba mabaho ako at amoy baktol? Hindi makatarungan ang ginawa nilang pag-alipusta sa akin. Kahit naman makapal ang libag, nakakaramdam pa rin ng sakit ang puso ko. Siguro nga hindi pa nila ako lubusang kilala, lalo na si Arnulfo. Akala ko pa naman siya ang makakaintindi sa akin, yun pala siya ang magiging dahilan ng lahat ng ito. Sa kabilang banda, naiintindihan ko naman sila sapagkat ako lang ang nakakakilala sa tunay kong pagkatao. Hindi ako marunong magpakilala kaya hindi nila ako maintindihan. Siguro kailangan ko munang lumayo para maibsan ang aking kalungkutan at para na din malaman nila kung gaano kasakit mabunutan ng bagang ng walang anesthesia.
Noong ding araw na 'yon, nagpasiya akong mag-alsa balutan at lisanin ang aking tahanan. Alam kong mahabang panahon akong makikipagsapalaran sa kalye kaya pinag-isipan kong mabuti ang mga dadalhin ko. Iniwan ko ang mga pampabigat na bagahe tulad ng damit, pagkain, tubig, kumot at sipilyo. Binitbit ko lang ang ilang piling gamit tulad ng swimsuit, Polly Pocket, lobo na hugis aso, smiley stress ball, Majinboo costume, My Precious Heart Romance pocket book, astringent no.4, chilimansi pancit canton flavored condom, at siyempre ang aking pabango. Ate Charot, that's "O"... "O" for "Owsome"!
Buong pagmamalaki kong inihanda ang mga pinakamakabuluhan kong gamit habang sila'y walang magawa kundi ang humikab at panoorin ako. Nagtataka siguro sila sa biglaang desisyon ko nang pag-alis at ngayo'y marahil iniisip na nila kung paano sila mabubuhay ng wala ako. Agad kong nabakas ang kani-kanilang pangamba. Si Jorgino, sino na lang ang bibili ng gel para sa kanya. Si Genok, ang bunso kong anak, sino na lang ang manunuod sa kanya habang naglalaro siya. Si Arnulfo, sino na lang ang kasama niyang umupo kapag naninigarilyo siya. Kapag nawala na ako'y malalaman na nila kung gaano ako kaimportante sa mga buhay nila. Kung trinato lang ba nila ko ng maganda edi hindi na sana umabot pa sa ganon.
Nang dahil dito'y lumakas ang loob at bumalik ang tiwala ko sa sarili. Naramdaman ko ulit na matalino ako, karespe-respeto at may silbi. Sa gabi'y hindi sila makakatulog nang kakaisip kung nasaan na ako. At mamaya siguradong maglulupasay, hahagulgol, kakapit sila sa aking leeg upang pigilan ako. Pero Ate Charot guguho lang lalo ang kanilang mga damdamin sapagkat buo na ang desisyon ko, lalayo ako para na din sa ikabubuti ng lahat. Maya-maya pa'y natapos ako sa pag-eempake. Mabagal akong naglakad patungo sa pinto at inantay ang pagsusumamo nila.
"Paalam Genok." Tumalikod siya at nanuod ng TV.
"Paalam Jorgino." Nag-isplit siya at nagkipag-usap sa telepono.
"Paalam Arnulfo." Tinawag niya si Genok at tinanong kung anung gusto nilang ulam.
"Paalam guys." Patuloy lang sila sa kanilang ginagawa.
Marahil ay nahihiya silang pigilan ako at nag-iipon lamang ng lakas ng loob kaya naisip kong maglinis muna ng bahay habang dala-dala ang mga bagahe ko. Linipat ko ng channel ang TV, hinugot at binalik ulit sa saksak ang kordon ng telepono, at pinasabog ko ang gas sa kusina para lang mapansin nila ko. Pero wala pa rin silang reaksyon. Mali pala ang aking hinala. Wala pala talaga silang pakialam kaya tuluyan na akong lumisan.
(Ipagpapatuloy...)
BINABASA MO ANG
The Ate Charot Chronicles: Ako si Tirisa by Sobee12
HumorIsang paghamon sa kakayahang gumamit ng matatalinhagang salita sa paglalahad ng kabalbalang kwento Unang Yugto: "Ako si Tirisa" Dear Ate Charot, Itago mo na lang ako sa pangalang Ma. Tirisa Cristina Femingca y Mendosas Kwerto Pulko Piryud. Tirisa po...