CHAPTER ONE

3.7K 61 1
                                    

"AYOKO NA! Gusto ko nang maglaslas! Bakit hindi ako makapagsulat?"

"Hoy, tumahimik ka na nga diyan. May iba pang nagsusulat ng matiwasay dito! Maglaslas ka na lang sa ibang lugar."

"Love life lang ang kailangan mo, girl para magkaroon ng spice ang buhay mo."

"Mahilig ka naman sa kung anik-anik diyan, maghanap ka na lang ng inspirasyon mo. Hindi na iyon mahirap gawin ngayon. Malas mo nga lang kung ang lalaking magugustuhan mo ay lalaki din ang gusto."

"Oo nga. Puwede ka na din magbayad ng lalaki ngayon para maging boyfriend mo kahit ilang araw lang. Para naman hindi tigang na tigang ang buhay pag-ibig mo."

Marahas na bumuga ng hangin si Lia bago malakas na isinandal ang ulo sa salamin na dingding ng writer's lounge na kinaroroonan niya. Isa siyang part-time romance writer sa Heart Bound Publishing Company at bawat isa sa kanila ay binibigyan ng deadline para makatapos ng isang nobela. Kung minsan naman ay sila-sila lang ang gumagawa ng sarili nilang deadline at minsan ay nagpupustahan pa. Kung sino ang huling makatapos ay manlilibre ng kape sa Starbucks na matatagpuan sa labas ng building.

Bago na ang building ng HB, pinalakihan na iyon ng CEO nila at nilagyan pa nga ng writer's lounge para kung sakali daw na mahirapan silang magsulat sa kanya-kanyang bahay at sa kung saan-saang lugar ay welcome na welcome sila doon. Anytime.

Ang writer's lounge nila ay animo opisina na may mga cubicle. Pero kadalasan ay hindi din nagagamit dahil karamihan sa kanila ay sa sahig lang umuupo. Dinaig pa nga nila ang mga NPA as in No Permanent Address at lumikas sa kanya-kanyang bahay kapag nagtipon-tipon sila doon. Lumalabas din ang pagiging abnormal sila kapag nandoon sila sa lugar na iyon dahil ang iba sa kanila... kabilang na siya ay lumulusot pa sa ilalim ng mesa sa cubicle at doon nagsusulat.

Mas maayos naman ang naging pagsusulat niya mula nang tumatambay na siya sa lounge. Kung minsan nga ay doon lang siya maghapon at bigla na lang siyang nakakatapos ng trabaho. Bukod sa pagiging romance novel writer ay isa siyang part-time script writer. Freelance pero hindi siya nababakante dahil nagugustuhan ng mga kilalang direktor at producers ang mga gawa niya.

Sa kasalukuyan ay tatlong script na niya ang nagagamit para gawing pelikula at proud siya dahil bumenta naman iyon sa mga tao. Ang lahat ng iyon ay romantic comedy ang genre kaya siguro madaling mahalin ng masa. Iyon din kasi ang safe zone niya. Hindi pa siya kailanman nakakapag-sulat ng drama, mapa-light man o heavy o erotic. Pakiramdam kasi niya ay hindi pa siya handang umalis sa comfort zone niya.

Masaya naman siya sa ginagawa niya at nabubuhay siya sa mga trabaho niya kaya kuntento na siya sa buhay. Kahit minsan ay hindi siya tinamaan ng sakit na 'writer's block' kaya nga feeling blessed ang pakiramdam niya. Kaya hindi niya maintindihan ngayon kung bakit hindi siya makapagsulat. Kahit isang pangungusap lang ay hindi niya matipa sa kanyang laptop.

Kahit isang word nga, hindi ko maisulat dahil wala talagang pumapasok sa kukote ko.

Dalawang linggo na siyang ganoon at hindi maaari iyon. Bukod sa tinatapos niyang manuscript ay kailangan niyang makatapos ng kahit tatlong scene sa bagong script na sinusulat niya. Isang buwan na lang at kailangan na niyang ipasa iyon sa direktor na kumuha sa kanya kaya hindi siya maaaring tatamad-tamad.

"Para sa mga katulad kong binubuhay ang sarili, hindi madali ang makahanap ng inspirasyon o love life. Hindi naman kasi importante iyon, mas mahalaga pa ang pera kaysa sa mga lalaki. At alam n'yo naman na KPOP lang ang kaligayahan ko sa buhay." wika niya. Napalabi siya at ipinikit ang mga mata. Hindi puwedeng magtagal ang pagmi-missing in action ng utak niya dahil siguradong masisira ang kinabukasan niya.

Unexpected Love (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon