Kabanata II

396 14 2
                                    

           Sa mga nababasa kong libro, madalas na pangunahing tauhan ang mga tao. May kakaiba silang talino kaysa sa aming mga hayop. Sila ang mas maalam, at ayon daw sa iba, sila ang superior. Sa panahon ngayon, taong 2653, ibang-iba na ang takbo ng mundo. Ang mga hayop na ang nasa itaas at ang mga tao na ang itinuturing na mga hayop. Napag-aralan namin noon sa History na ang mga tao nga raw talaga ang namumuno sa mundo noon. Sila ang nagpatakbo nito at kaming mga hayop ang mga alipin nila. Nagsisilbing mga pagkain sa kanila. May mga iba pa ngang tao na nagha-hunting. Pumapatay sila ng mga hayop para lang itanghal bilang dekorasyon. May mga kumukuha rin ng videos ng mga walang awa kinikitil na mga hayop para lang sa kasiyahan nila. Ang balat ng ibang hayop ay nagsisilbi ring damit sa kanila, lalo na sa mga kababaihan, para lang magmukha silang magaganda. Sabi ng aking guro, walang awa raw ang mga tao. Sarili lang nila ang kanilang iniisip. Hindi nila napagtanto na may mga pakiramdam din kaming mga hayop.

            Mas hayop pa raw ang mga tao kaysa sa amin kung maituturing.

            Maraming galit sa mga tao kaya nagka-isa ang mga hayop para patumbahin ang kanilang lahi. Kahit na sinasabi nilang sila ang may utak at sila ang mas nakakaalam, masyado nilang minaliit ang kakayahan naming mga hayop. Sa pagiging kampante nila, yo'n ang nagdulot sa kanila ng katangahan at hindi naglaon ay nagbigay daan sa kanilang pagbaksak.

            Naiintindihan ko na galit ang namamayani sa mga tao, pero hindi rin naman tama na gawin namin ang paghihiganti. Naniniwala ako na hindi lahat ng tao ay masama.

            Sigurado akong may kabutihan din ang mga tao. Sigurado akong hindi lahat sila ay katulad ng mga masasamang tao na binabanggit ng mga guro namin.

           "Bobot," wika ng kaklase ko. "Suotin mo na 'yong face mask mo. Mag-uumpisa na tayo ng dissection para sa Biology."

           Nakasuot kami ng mga lab gown at naglalakad na kami patungo sa laboratoryo ng paaralan. Unang beses kaming magda-dissect para sa klase na 'to. Maraming nasasabik ngunit hindi ako kasama ro'n.

            Binuksan na ng guro ang pinto at bumungad sa amin ang aming mga specimen.

            Speci-men. Mga lalaking nakahubo na nakahiga sa mesa. Nakatakip ang kanilang mga bibig at nakadilat ang kanilang mga matang nagmamakaawa. Gusto kong tumakbo pero hindi ako makalabas dahil nakabantay ang mga guro sa amin. Ipinaliwanag niya ang aming gagawin ngunit hindi ako nakikinig. Nakatayo ako malapit sa isang lalaking may katangkaran. Napatingin ako sa paligid at nang makita walang nakatingin, pasimple kong inalis ang tali sa mga kamay niya. Napatingin siya sa'kin no'ng una, mukhang nagtataka, ngunit binigyan ko siya ng tingin na nagsasabing mas mabuti kung mananahimik siya. Agad naman siyang bumangon at natuon ang atensyon ng lahat sa kanya.

              Sumigaw ang mga kaklase ko sa takot at nagsitakbuhan palayo sa taong 'yon. Ang guro naman namin na nasa pinakaharapan ay mukhang nababahag din ang buntot. Literal na gumagalaw ang buntot ng aso naming guro.

              "D'yan ka lang! 'Wag mo kaming sasaktan!" sigaw ng aming guro.

             Natanggal na ng lalaki ang tali sa kamay niya. Tinatanggal niya naman ang mga tali sa kanyang paa. Walang nagtangkang lumapit sa kanya. Lahat ay pinapanood lang siya.

             Tumayo siya mula sa mesa at naglakad palapit sa guro namin. Nanginginig na sa takot ang aming guro. Nakaharang kasi 'to sa pinto at malamang gustong lumabas ng lalaki upang makatakas.

             Mabilis ang mga pangyayari. Hindi ko alam kung saan nanggaling iyon, o kung sino ang may kagagawan no'n, pero bigla na lang may nanghagis ng scalpel sa likuran niya. Isang daplis lang ang kanyang natamo ngunit napasigaw siya sa sakit. Sa pagsigaw niyang 'yon ay lalo pang natakot ang lahat, ngunit sa kanilang takot ay nagkaroon sila ng kakaibang tapang. Hindi ko na napigilan pa ang mga sumunod na pangyayari. Pinanood ko na lamang ang lalaki na maligo sa sarili niyang dugo habang pinagsasaksak siya ng mga estudyanteng may hawak na scalpel. Kaunti na lang at makakatakas na sana siya. Makakalaya na ang nilalang na 'yon. Pero ngayon, nakahiga na siya sa lapag, walang buhay ang kanyang mga mata at ang kanyang dugo ay umaagos papunta sa akin.

2653 A.D.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon