Kabanata III

287 14 1
                                    

          Ilang araw na ang lumipas simula no'ng nag-umpisa ako sa aking kwento at ang dami ko nang naisusulat. Hindi ko nga mapigilan ang sarili ko kakasulat, e. Tuwing gabi, bago ako makatulog, dinadalaw ako ng mga ideya. Nakikita ko sa isipan ko ang mga posibleng eksena na ilalahad at ang mga pag-uusap ng mga tauhan na parang naririnig ko sila. Kahit saan ako magpunta, kahit nasa klase pa ako, laging lumilipad ang isipan ko patungo sa mundo ng kwentong iyon. Naging matalik na mga kaibigan ko ang mga papel at mga ballpen. Sila ang mga naging kasama ko sa oras na malungkot ako, at kahit hindi man sila nakakapagsalita ay nagagawa nilang pagaanin ang loob ko. Nakakamangha lamang dahil ang mga bagay na ito na walang buhay ay mas nagagawa pang bigyan ako ng kasiyahan kaysa sa mga nabubuhay.

          "Ano na naman 'yang sinusulat mo? Panigurado wala na namang kwenta 'yan," sabi ng kaklase ko nang makita niyang may sinusulat ako sa likuran ng notebook. Hindi ko kasi mapigilan ang sarili ko sa pagsusulat. Pakiramdam ko kasi, kapag hindi ko nagawang ilabas ang mga salita ay baka mawala rin sila sa isipan ko.

          Hindi ko na lang siya sinagot. Kahit dito sa eskwelahan, wala ring nakakaintindi sa akin. Sinara ko na lang ang notebook ko at inayos ang mga gamit sa loob ng bag. Uwian na rin namin kaya nauna na akong umalis.

           Palagi namang gano'n ang nangyayari. Palagi akong mag-isa at wala akong mga kaibigan na makakasama. Minsan, bilang pampalubag-loob, iniisip ko na lang na hindi ito ang realidad ko. Na ang totoo kong buhay ay katulad ng sa mga istorya, at isang fantasy lang ang buhay ko rito sa mundo. Pero alam kong hindi naman totoo 'yon. Dahil kahit ano pang gawin ko, palaging may magpapaalala sa akin sa akin ng mapait na reyalidad.

           Nakarinig ako ng mga tawanan malapit sa isang parke. Nakita ko ang isang matandang babae na binabato ng mga aso.

            "Itigil niyo 'yan!" Sigaw ko sa kanila. Nang makalapit ako ay binigyan nila ako ng masasamang tinginan.

            Isang Dalmatian ang lumakad palapit sa akin. "Bakit? Masama na bang magtapon ng mga bato sa ganitong mga nilalang? Mga punyetang tao lang 'yan," sabi niya sa akin.

            "Pero may pakiramdam din sila. Kahit tao sila, kung titingnan mo nang mabuti ay wala naman silang pinagka-iba sa atin. Lahat tayo ay pantay-pantay."

            Nagkatinginan silang magkakaibigan pagkatapos ay tumawa sila nang malakas. Umiling sila, tiningnan ako na parang nababaliw na ako o sadyang tanga lang ako. Nang natigil na sila sa kanilang tawanan, binitawan na lang nila ang mga hawak nilang bato at umalis na rin doon. Iniwan na nila akong mag-isa kasama ng matandang babae.

           Napatingin ako sa kanya at nginitian siya. "Ayos lang ho ba kayo?" tanong ko. Sa totoo lang, kinakabahan ako ngayon na ako lang ang mag-isa kasama ng isang tao. Alam kong hindi lahat ng tao ay masasama, pero hindi pa rin nawawala ang takot sa akin. Naalala ko 'yong mga ibang artikulo na nabasa ko. Sabi raw doon, may mga nauusong modus operandi ng mga pulubi o mga taong walang tirahan. May mga taong nagpapanggap na kailangan nila ng tulong, pero 'yon pala nanakawan ka na nila. Kunwari, may isang matandang lalaki na namamalimos at nagbigay ka ng barya, bigla na lang daw may hahablot ng pitaka mo na kasabwat pala ng matandang pulubi. May mga bata pa nga raw na umiiyak at nagmumukhang kaawa-awa, pagkatapos kapag may lumapit sa kanila hihingi sila ng saklolo rito. Sasabihin na nawawala sila at hindi nila alam kung paano makakauwi sa bahay nila, pero may dala silang papel kung saan nakasulat ang kanilang address. 'Yong mga nagmamagandang-loob naman, sa oras na mahulog sa patibong na 'yon ay nakukuha lang din ang mga gamit nila at mas malala pa, kung babae ang biktima ay kahit ang kanilang puri ay ninanakaw mula sa kanila.

            Pinilit kong tanggalin sa isipan ko ang mga bagay na 'yon. Nakakatakot nga ang mga nababasa ko, pero habang tinititigan ko ang matandang ale na ito, naramdaman ko agad na isa siyang mabuting tao. Umiiyak pa siya kaya hindi niya nagawang sumagot sa tanong ko. Ni hindi nga siya nakatingin sa akin. Mukhang may hinahanap siyang mahalagang bagay dahil kinakapa-kapa niya ang lupa.

2653 A.D.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon