Lahat ng kwento ay may wakas, at ito na yata ang sa akin.
Ilang taon na rin ang lumipas simula no'ng nakulong ako rito sa madilim na lugar na ito. Nag-iisa, ngunit hindi naman talaga nag-iisa. Kasama ko ang aking mga ideya at ang aking mga salita. Kahit ako lamang ang nag-iisa rito, sa tuwing sinasamahan nila ako ay pakiramdam ko ay napupunta ako sa iba't ibang lugar. Malayo sa kulungan na ito. Maikulong man nila ako ngunit hindi nila magagawang pigilan ako mula sa paglalakbay. Dahil ang mga pinakamagandang lugar ay makikita sa loob ng isipan.
Sabi nila, noong panahon kung saan ang mga tao pa ang namumuno, ganito raw ang kapalaran ng mga hayop. Kinukulong sila ng mga tao. Ginagawang mga alipin. Sinasaktan ng walang rason. Pinapahirapan. Pinapatay.
Handa na akong mamatay. No'ng oras pa lamang na dumating ang mga hayop sa gobyerno sa aming bahay, nakita ko na ang aking kahahantungan. Alam ko na iyon, sa tingin pa lang na binigay ng aking pamilya na para bang nagsasabing kung nakinig lamang ako sa kanila ay hindi mangyayari ang lahat ng ito. Kung hindi ko lamang isinulat at inilathala ang nobelang isinulat ko na nag-udyok sa mga hayop upang tigilan ang kalupitan sa mga tao ay baka kapiling ko pa sila ngayon. Baka ako pa rin si Bobot na isang ordinaryong baboy. Hindi lilipas ang maraming taon na nakakulong ako rito.
Ngunit kung may kakayahan man akong burahin ang nakalahad na at sumulat ng panibago, hindi ko pa rin gagawin iyon.
Alam kong tama ang ginawa ko. Sa aking pagsusulat, ito ang nagsilbing mikropono para sa mga maliliit na boses... Upang marinig ng binging lipunan ang kanilang mga hinaing. Naghahangad lamang ako ng isang pagbabago at ang pagsusulat ang magiging paraan upang matamasa ang pagbabagong iyon.
Ngunit, magtatapos na lamang ang aking kwento sa ganitong eksena. Isang madilim na pagwawakas, kung saan hindi ko man lang nasaksihan kung nakuha ko ba ang tagumpay na aking hinihiling o kung nabigo ba ako sa aking pangarap.
Matanda na ako, mahina na ako. Kakaunti na lamang ang oras na natitira sa akin. Gusto ko man makalabas pero hindi na rin mangyayari iyon. Mamamatay na lamang akong walang kaalaman sa mga pangyayari sa aking paligid.
Ganito nga ba ang gusto kong katapusan?
"Nandito na ang pagkain mo." Nakarinig ako ng isang boses. Napatingin naman ako at nagulat ako nang makakita ako ng isang magandang babae sa aking harapan.
Isang magandang tao.
"Salamat." Bagamat nagtataka ako kung paano nakapasok ang babaeng iyon dito sa kulungan ay hindi na lamang ako nagtanong.
Binigyan niya ako ng isang ngiti. "Bakit ka nagpapasalamat? Ako nga ang dapat magpasalamat sa'yo."
Pamilyar ang kanyang ngiti. Pamilyar ang kislap sa kanyang mga mata.
"Dahil sa'yo... Nagkaroon ng pagbabago. Pasensya na kung bigla akong nawala noon. Kinailangan kong umalis dahil may napagtanto ako sa binasa kong kwento mo. Pinilit ko ang mga tao na magkaroon ng lakas ng loob para lumaban... Hindi laban sa inyong mga hayop, kundi sa kalupitan. Dahil katulad mo, naniniwala ako na pwedeng mamuhay nang matiwasay ang mga hayop at tao. Bobot... Ngayon, nagtagumpay ka. 2653 A.D. hanggang ngayon, ito na ang panahon ng isang pagbabago."
Binuksan niya ang kulungan at agad ko naman siyang niyakap. Alam kong mahina na ako at mukhang alam niya rin dahil nakikita ko sa mga mata niya ang kalungkutan. "Masaya akong makita kang muli, Amy."
Sa mga taong nakakulong ako, palagi kong naiisip si Amy. Iniisip ko na nagkakaroon kami ng mga paglalakbay magkasama. Ngayon... Hindi na yata mangyayari 'yon.
"Masaya rin akong makita kang muli, Bobot. At alam ko, alam kong magkikita pa tayo. Sa Sugar Candy Mountain, 'di ba? Kakain pa tayo ng cotton candy kasama si Lola. At s'yempre, tuturuan pa kita ng Jeje."
Natawa na lamang ako. Napatingin ako sa kanya. "Nagtagumpay ba talaga ako?" tanong ko sa kanya.
"Oo. Nagkaroon ng isang pagbabago... Gamit ang iyong mga salita, nagkaroon ng boses kaming mga tao. Narinig ang aming mga hinaing. Lahat ng iyon dahil sa'yo, Bobot, aking kaibigan."
Masaya ako na marinig muli ang mga katagang iyon. Sa buhay ko, napapaligiran ako ng mga kapwa kong hindi naniniwala sa aking kakayahan. Mga kapwa kong hindi ako sinusuportahan sa aking mga pangarap. Ngunit nang makilala ko si Amy, na isang tao, siya lamang ang nagtiwala sa akin. Siya ang nagbigay ng pag-asa sa akin. Siya ang naging gabay ko sa minimithi kong pagbabago.
Isang huling ngiti ang sumilay sa aking mga labi bago pa ako tuluyan nang napapikit. Narinig kong kumanta si Amy at narinig ko ang garalgal sa boses niya. Narinig ko siyang umiiyak.
Higit sa lahat... Narinig ko ang pagtibok ng puso niya. Narinig ko ang kanyang damdamin.
Nilamon na ako ng kadiliman, ngunit magaan ang aking pakiramdam. Madilim sa una, ngunit 'di naglaon ay nakakita rin ako ng liwanag. Masyadong maliwanag na pakiramdam ko ay mabubulag na ako. Pero nang mawala ang nakakasilaw na liwanag na iyon, nagkaroon ako ng klarong paningin sa aking paligid. Nakita ko ang matandang ale na may hawak na cotton candy na kumakaway sa akin. Napatingin ako sa buong kapaligiran.
May mga magagandang wakas pa pala.
BINABASA MO ANG
2653 A.D.
Short StoryAng totoong year of the pig. Nabaligtad na ang mundo. Ang mga baboy na ang namumuno. At ang mga tao na ang hinahapunan. Pero iba si Bobot. At iba rin si Amy. Pero, patas lang silang dalawa. (unang isinulat noong 2014 para sa Wattpad...