Tulala si Angelo habang nakatayo sa gilid. Nasa loob siya ngayon ng morgue at sa hindi kalayuan, naroon ang isang kamang gawa sa stainless kung saan, may isang katawang nakahiga roon at natatakpan lamang ng isang puting kumot na hanggang ngayon ay hindi niya pa tinitingnan kung sino ang nakahiga roon kaya hindi pa niya nakukumpirma kung ang kuya niya nga iyon.
Nakatingin lamang siya roon. Walang ekspresyong makikita sa kanyang mukha pero tuloy-tuloy lamang ang pagtulo ng kanyang luha. Parang ayaw niyang tingnan kung sino ang nakahiga roon. Parang ayaw niya kumpirmahin na baka kuya niya iyon dahil hanggang ngayon, ayaw niyang maniwala na maaaring wala na ang kuya niya, na patay na ang pinakamamahal niyang kuya na walang ibang ginawa kundi ang magmahal. Magmahal sa kanya bilang kapatid at magmahal ng isang babae na ayaw man niyang sabihin pero ito ang gusto niyang sabihin: walang kwenta.
Hanggang sa dahan-dahan siyang lumapit sa kama. Nanginginig ang mga kamay niya na hinawakan ang dulo ng puting kumot, sa parte kung saan natatakpan ang ulo. At ayaw man niyang tingnan pero kailangan. Dahan-dahan niyang inangat ang kumot at inalis sa pagkakatakip sa mukha ng katawang naroon.
Mas lalong tumulo ang luha ni Angelo nang makita niya ang kalunos-lunos na sinapit ng katawang nakahiga roon. Namumutla na ang mukha nito at nangingitim ang labi. Nakita rin niyang may putok sa ulo nito. At nakumpirma niya na kuya niya nga iyon.
Napatingala si Angelo para kahit papaano'y mapigilan ang lalong pagluha niya. Gusto niyang magmura ngunit bawal. Gusto niyang magwala ngunit hindi pwede. Gusto niyang ilabas ang hinagpis at galit niya ngunit hindi niya alam kung sa paanong paraan kaya sa pagkuyom na lamang ng kanyang mga kamao idinaan ang nararamdamang sakit, hinagpis at galit.
"Ku-Kuya," pagsambit niya sa garalgal na boses. Hindi siya makapaniwalang wala na ang kuya niya. Parang ayaw niyang paniwalaan ang sobrang sakit na katotohanang ito.
Naramdaman na lamang niyang may umakbay sa kanyang balikat.
"Angelo, magpakatatag ka. Nandyan lamang ang Diyos. Maaaring hingan mo siya ng tulong." Narinig ni Angelo na sambit ni Father Ryan na siyang umakbay sa kanya. Ramdam rin sa boses nito ang sobrang kalungkutan sa nangyari kay Edward. Siya lamang ang kasama ngayon ni Angelo dahil iyong iba at kapwa seminarista ni Angelo, nasa labas.
"Father, paano pa ako magpapakatatag kung ang dahilan nun ay wala na. Nandyan ang Diyos? Maaari kong hingan ng tulong? Paano kung hingin ko sa kanya na buhayin ang kapatid ko? Pagbibigyan niya ba? Tutulungan niya ba ako?" malamig ang boses na tugon ni Angelo.
"Angelo," ang nasabi lamang ni Father Ryan.
"Ang sakit! Ang sakit-sakit nitong nangyari sa kapatid ko! Gusto kong magwala. Gusto kong magmura. Gusto kong ilabas ang galit pero hindi ko alam kung sa paanong paraan."
Hinaplos-haplos ni Father Ryan ang likod ni Angelo.
Namayani muli ang katahimikan sa loob ng morgue. Tulalang nakatingin muli si Angelo sa mukha ng kanyang kuya niyang wala ng buhay.
---
"Maaari ho ba namin kayong makausap?" tanong ng isang pulis kay Angelo ng makalabas sila ni Father Ryan ng morgue. Napatingin si Angelo sa dalawang pulis na ngayon ay narito.
"Bakit ho?" malamig ang boses na tanong ni Angelo.
"Tungkol ho ito sa naging imbestigasyon namin sa pagkamatay ng Kuya niyo. Base ho kasi sa paunang imbestigasyon, pagkahulog sa bangin ang naging sanhi ng pagkamatay niya bunga ng kalasingan. Amoy alak siya at nakita din namin 'yung basyo ng alak na ininom niya sa tabi ng kanyang bangkay kaya sa tingin namin, aksidente ang nangyari."
BINABASA MO ANG
Angelo's Revenge (M2M Romance Drama)
RomanceSYNOPSIS: Gusto ni Angelo ang maging pari. Gusto niyang mapaglingkuran ang Maykapal sa pamamagitan nang pag-aalay ng buong sarili niya dito. Ngunit magigimbal ang mundo ni Angelo sa isang balitang yayanig sa kanya at magiging mitsa nang pagtalikod n...