Ako ay nasa gitna ng entablado, natatanglawan ng mga mahahalay na kulay ng liwanag. Tanging masikip na pulang bikini ang tumatakip sa aking kahubdan. Sa saliw ng mga tugtuging gasgas na ang plaka, matatanaw mo akong sumasayaw. Kung titigan ako ng mga tao doo'y para akong putaheng nakahanda sa isang malaking hapag. Handang kainin ng mga hayok sa laman, upang mapahupa ang nag uumapaw nilang kagutuman. Hindi na mahalaga ang pangalan ko, sa ngayon...ako si Adang.
Kahit masakit sa akin ang pinasok kong daigdig na nababalot ng kadiliman at kasalanan. Kinailangan kong gawin ito. Mahirap lamang kami, nakatira sa isang kubong nakatirik sa dalampasigan ng Ilocos Norte. Sa tuwing naaalala ko ang aming tahanan, lubusang sumasaya ang aking nang hihinang puso. Banayad ang pag agos ng pino at puting buhangin sa aking palad. Bughaw na kalangitan na may pulutong ng mga nagkakapalang ulap ang sa iyo'y magpapangiti. Kristal na tubig ang lalagaslas sa iyong pagod na katawan. Nag tataasang mga bulubundukin ang iyong makikita, animo'y mga iniukit na hagdan na iaangat ka patungo sa kaharian ni Bathala. Nakakalungkot lamang isipin, na ang mga magagandang alaala ng aking buhay, ay unti-unting nawawala, ito'y binubura ng aking pangit na karanasan. Ang mga kulay ng marikit na kalikasan, ngayon ay ang siyang bumabalot na liwanag sa akin tuwing ako'y nasa entablado. Mga koloreteng nag bibigay kulay sa aking mukha, upang maging kahali-halina sa mga kalalakihan. Ang aking mga palad na dati'y nagbibigkis ng mga kabibeng kwintas, ngayon ay instrumento ng pagpapaligaya. Ang aking mga labi na dati'y awiting Ilocano lamang ang binibigkas, ngayon ay nagwiwika ng mga mapang akit na salita, upang makakuha lamang ng makasisiping sa malamig na gabi. Mga binata,matatanda, mga nabyudo, at mga kumakaliwa, sila ang aking nakakapiling bawat gabi. Iba't ibang lalaki ang aking naaabutang katabi sa kama. Matapos ang "maluwalhating gabi" para na lang silang estranghero. Di ka kilala, at palalabasin na lamang sa apartment.
Nakalulungkot isipin, na sa oras na marinig ng mga tao ang salitang "puta". Maisasaisip nila ang isang babaeng haliparot, kaladkarin, isang babaeng bayaran. Isang Magdalena. Ako'y may pangamba, dahil sa mga suliraning maaari kong kaharapin sa trabaho kong ito. Ako'y napwersa lamang ng mapait na pagkakataon. Naloko ako ng isang recruiter, nangako siyang bibigyan niya ako ng desenteng trabaho bilang kasamabahay.
Masakit sa akin, may mga matang humuhusga at kumukutya sa akin. Mga salitang kay daling bitiwan sa karamihan. Ngunit di pa nila nalalaman ang tunay kong saloobin. Ako ay isang taong nabalot ng pighati, sakit, dilim at kawalang pagasa. Isa lamang akong biktima ng malupit na pagbabago ng tadhana. Ako'y niloko, pinuwersa at iginapos sa tanikala ng mahirap na pamumuhay, pinanganak akong mahirap, baka ilibing din akong mahirap, na may kabaong na inutang pa sa punenarya. Ang pinakamasakit sa lahat ay ang mailibing sa mundo, na ang iniwang marka sa tao ay ang pagiging puta.
Higit sa lahat, ako'y nakagapos sa mga multo ng aking mapait na kahapon. Ako'y inabuso, at pinagtaksilan ng aking kasumpaan. Nang malaman kong may mahal na siyang iba, at ako'y pinapaikot na lamang niya sa kanyang mgapalad. Di ko to kinaya. Masakit na malamang di na pala siya Masaya sa aking piling, biglaang tinapon ang pag iibigan, mga alaalang binuo namin nang magkasama, ay bigla na lamang tatalikdan. Nais kong magsimulang muli, ngunit gabi gabi na lamang ay natutulog akong duguan ang ilong, at may mga pasa sa katawan. Maraming gabi na akong natutulog na ang mga mata ko'y nakapinid at natutuyuan ng luha. Ngunit sa katunayan ay di mamulat sa isang bangunot.
Gusto ko maging Malaya. Nais ko ang pag babago para sa sarili ko. Gusto ko putulin ang mga tanikalang pumipigil sa akin upang makamtan ang mga mithiin ko sa buhay. Sa kasamaang palad, di ko ito magagawa...nang mag isa.
Oh Panginoon, sana'y dinggin Mo ang aking panalangin, isinusuko ko ang aking buhay sa Iyo. Nawa'y bigyan Mo ako ng pag asa. Upang makawala sa mundo ng kasalanan. Ako ay isang babaeng makasalanan, isang babaeng nakagawa ng mga pagkakamali sa buhay. Hinayaan ko ang aking sarili upang mapasok ang daigdig ng kadiliman na ngayon ay nais kong iwan. Higit sa lahat, ako ay isang puta, nasa malapit na hinaharap ay magiging isang ina. Maiibigay ko kaya ang buhay nanararapat sa kanya? Mailalayo ko ba siya sa mundong aking ginagalawan. Matatanggap kaya niyang mayroong siyang Putang Ina? Isang putang inang kagaya ko, na nagkamali at naligaw ng landas.
Oh Panginoon, patawarin Mo sana ako sa mga nagawa kong kasalanan. Gusto kong makita ang Iyong Liwanag, ayoko nang matanglawan ng mga mahahalay na kulay ng liwanag sa establado. Nawa'y ibaling Mo po sa akin ang mga mata Mong may pag mamahal at Pag asa, dahil ayoko nang makita ng mga tao bilang isang makasalanan. Gawin Mo sana akong instrumento ng Iyong Pag Ibig, dahil ayoko nang maging Instrumento ng Kadiliman, higit sa lahat. Nawa'y tulungan Mo ako maging mabuting anak Mo. Di na papaalipin sa kasalanan, di na papalagom sa kadiliman. Hinahanap ko ang Liwanag, hinahanap, hinahanap...
BINABASA MO ANG
Ang Panalangin ng isang Puta
SpiritualPag nanais na makawala sa tanikala ng kadiliman. Hinahanap ko ang Liwanag. Hinahanap...Hinahanap...