Hindi ko alam kung pa'no sisimulan.
Kung paano ikukuwento yung storya natin na sa totoo lang,
hindi ko rin naman alam kung talaga bang nasimulan.
O baka naman hindi talaga, ako lang 'tong nag-iisip
na nagkaroon ng "tayo" sa mundong magulo, masikip.
Sa bawat pahina ng bawat librong nababasa,
sa bawat pag-ikot ng mga planeta.
Pero ang gusto ko lang malaman, paano ba talaga?
Paano ba umahon mula sa mga ala-ala,
sa mga pangakong tila hindi na maalala.
Paano ba bumaba mula sa taas ng himpapawid na pinag-iwanan mo sa'kin?
Habang ako, umaasa sa mga salita mong tila buong puso kung banggitin.
Kung paano ba pagdikitin ang bawat pahinang napunit..
kasabay ng pagkawasak ng puso ko noong huling pagkikita natin.
Paano? Hindi ko rin alam.
Hindi ko alam kung paano tatapusin ang isang istoryang di naman ata nasimulan.
Yung storyang kasama ka sana pero ako nalang 'tong naiwan.
Yung storyang atin sana, umalis ka naman.
Yung storyang gusto kong basahin muli at balikan, pero wala naman kasi.
Walang babalikan kasi simula pa lang, para sayo, may wakas na agad.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung ba't nagpapakabliw pa 'ko para mag-isip
kung paano tatapusin yung storyang kung iisipin, tapos naman na talaga.
Siguro nga, nababaliw na 'ko.
Pero 'di naman ako magkakaganito kung 'di ka nakita ng mga mata ko.
Kung hindi ka hindi umalis noong tinalikuran ako ng mundo.
Kung hindi ko naramdaman na prinsesa ako at naninirahan sa palasyo mo.
Akala ko kasi, yun yung simula, na aabot sa gitna at hindi na magwawakas.
Pero ayun nga, akala ko lang pala. Akala ko lang.
Akala ko, yun yung simula ng masayang kuwento nating dalawa,
hindi ko alam na yun pala ang simula ng magiging pagkawasak ko.
Habang iniisip kong simulan yung kuwento nating dalawa,
gumagawa ka na pala ng kuwento kasama niya.
Oo, siya. Siya na mahal mo. Siya at hindi ako.
Kaya tama na, tatapusin ko na 'to.
Hindi na ulit ako magsasayang ng tinta para sa isang taong tila pambura na inaalis ang kaligayahan ko.
Ito na, hindi na kailangang mag-isip pa.
Ito na ang huli.
Ito na ang wakas.