Tuwing Gabi Lang

608 21 9
                                    

Tuwing Gabi Lang

Her POV 

Tinitigan ko ang orasan sa gilid ng kama at nakitang pasado alas onse na ng gabi. Pinilit kong ipikit ang mga mata ko, nagbabakasakaling iduyan na ng antok, pero walang epekto. Napabuntong-hininga ako at tinapunan ng tingin ang kaliwang bahagi ng kama. Sa pagtitig ko sa lalaking nakahiga roon ay napangiti ako. Napansin ko ang bahagya niyang paggalaw pero nanatili ang payapa niyang pagtulog. 

Ilang saglit pa’y napawi ang ngiti ko at napalitan ng pagsimangot. Hindi ko lubos maisip kung paano niya nagagawang umakto ng normal sa kabila ng pinagdadaanan namin.Napakadaya naman yata. Umiling-iling ako at mahinang sinampal ang sarili.

"Wala na siyang pakialam sayo, Hera, wala na," bulong ko na pinatutungkulan naman ang sarili.

Pinilit kong labanan ang nagbabadyang luha pero huli na dahil nag-unahan na ito sa pagbagsak. Wala akong ibang magawa kundi takpan ng unan ang bibig at mukha ko para hindi umalpas ang bawat paghikbing pinapakawalan ko, at punasan ang mga matang puno ng luha. 

Ayokong magising siya at maabutan ako sa ganitong sitwasyon. Ayoko ring isipin niya na ginagawa ko 'to para magpaawa. Ayokong makita niyang mahina ako, kahit na 'yon naman ang totoo. Mahina na ako, namatay na ang dating Hera na matapang at walang inuurungan. Totoo nga yatang nababago ng pagmamahal ang tao.

Pagmamahal nga ba o ako mismo ang bumago sa sarili ko? Napailing ako sa sarili kong katanungan. 

Ilang minuto rin ang lumipas bago ko tuluyang napakalma ang sarili. Muli akong humarap sa kanya at pinasadahan siya ng tingin. Napangiti ako nang makita ang maamo niyang mukha. Hindi kataka-taka kung may ibang babae mang nahuhumaling sa kanya. 

Ibang babae. Napangiwi ako. Hindi ko akalaing makakaramdam ako ng matinding kalungkutan dahil lang sa dalawang salitang iyon. 

"Ano bang meron siya? Anong meron siya na wala ako, Luis?" Natawa ako sa tanong ko. 

Siguro kung gising siya ay inisa-isa na niya ang mga bagay na meron ang babaeng 'yon na wala ako. Siguro'y pipilitin niyang isiksik sa utak ko na mas lamang—sa anumang anggulo—ang babaeng iyon gayong ilang taon pa lang silang magkakilala. Ngayon ko napatunayang hindi na gaanong importante ang tagal ng pinagsamahan sa ganitong sitwasyon. Kahit na siguro sabihin kong buong buhay ko na siyang kasama at kilala ay wala pa ring makakapagpabago sa isip niya—iiwan at iiwan pa rin niya ako. 

Muli akong humikbi nang mapansin ang singsing sa kaliwang kamay ko. Alam kong wala nang saysay ang singsing na 'to ngayon dahil wala na siyang nararamdaman para sakin. Kasal na lang kami sa papel. Kung hindi nga lang siya nahihiya sa pamilya ko ay baka matagal na niya akong pinapirma ng annulment papers. Baka matagal na siyang umalis sa bahay na ito at tumira kasama ang babae niya.

Hinilot ko ang sentido ko kasabay ng muling pagbagsak ng mga luha ko. Sa totoo lang ay napapagod na ako pero hindi ko siya mabitawan. Gusto ko nang sumuko pero sinabi ko sa sarili kong hangga't sa akin siya umuuwi ay may pag-asa. Kinuntento ko ang sarili ko sa mga naibibigay niya. Kahit na tuwing gabi lang kami magkita, kahit na matulog lang siya sa tabi ko, ayos na. 

Pero hindi ko maiwasang umasa. Araw-araw kong kinukumbinsi ang sarili na malalaman din niya ang halaga ko bilang asawa niya, na balang-araw ay magsisisi siya sa lahat ng ginawa niya at babalik din kami sa dati. 

"May pag-asa pa," bulong ko para patatagin ang loob kong konti na lang ay bibigay na.

Sa ikatlong pagkakataon ay ibinaling ko ang tingin sa kanya. Itinaas ko ang kamay ko para sana hawakan siya pero agad ko ring binawi. Ayoko siyang bigyan ng rason para mas lumayo sa akin. 

Performance RoundTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon