Simula
"Patring! Halika na! So bagal naman ng babaeng 'to!" irap sa'kin ng kaibigan kong si Leslie.
Mabilis kong niligpit ang mga gamit ko at agad na isinukbit ang bag sa balikat. Patakbo ko siyang hinabol at agad na kumapit sa kanyang braso.
"Bakit ka ba nagmamadali?" hinihingal kong tanong.
"'Yong mga bulate sa tiyan ko, bes! Nagwawala! Kung bakit ba kasi umabot ng isang oras ang sermon ng matandang dalagang prof natin!"
"Hindi niya iyon kasalanan! Kasalanan ng mga kaklase nating may sinkhole ang bibig!" ngisi ko.
Ngumuso lang siya at hinila ako para mas madali kaming makarating sa cafeteria. Siya na din ang naghanap ng mesa at agad din akong iniwan doon para maka order na siya. Habang hinihintay siya ay nag open muna ako ng facebook account ko. Wala namang bago bukod sa panibagong status ng mga kaklase ko at mga friend requests ng mga hindi ko kilalang tao. Nang magsawa ay agad ko ding isinara ang app at nangalumbaba na lang.
"Kainan na!" malaki ang ngiting sabi ni Leslie pagbalik niya at inilapag ang tray sa harap ko.
Napangiwi ako ng makitang puro gulay ang binili niya. Hindi naman sa nag iinarte ako pero sadyang hindi ako mahilig doon. Kumakain naman ako pero depende sa gulay at sa pagkakaluto.
"Wala bang iba?"
"Wala kaya kainin mo 'yan! Bilis! Napakahaba ng pila kaya wag ka ng mamili at kumain ka na lang diyan!" aniya habang nagsisimula ng sumubo.
Nagkibit-balikat na lang ako at kumain na din. Malapit ng mag alas dose kaya gutom na din ako. Hindi ito ang panahon para mamili ng pagkain. Pagkatapos naming kumain ay nanatili pa kami doon ng ilang minuto bago naghiwalay dahil magkaiba na kami ng subject ngayong tanghali. Nursing ang kinukuha ni Leslie habang ako ay Civil Engineering. Dahil mamayang alas dos pa ang susunod kong klase ay nagdesisyon akong pumunta muna sa rooftop ng building namin at magpahinga.
Napangiti ako nang agad na sumalubong sa'kin ang malakas na hangin. Nilapag ko ang aking bag sa sahig at kinuha ang malaking karton na itinago ko sa sulok para magamit ko tuwing nagpupunta ako dito. Nilapag ko iyon sa parteng hindi nasisinagan ng araw at kumuha ng dalawang libro para gawing unan. Dito ako madalas tumatambay kaya nasanay na din akong dito matulog. Wala din namang nagagawi dito kaya okay lang.
Nag set ako ng alarm para magising ako mamaya bago dahan-dahang humiga at kinomportable ang sarili ko. Ipinatong ko ang aking braso sa aking mga mata at pumikit. Nasa gano'ng posisyon ako hanggang sa hindi ko na namalayang nakatulog na pala ako. Unti-unti lang akong nagising nang maramdamang umaalog ang inuupuan ko. Nagmulat ako ng mata at halos magimbal ako ng wala akong makita bukod sa kulay itim. Sinubukan kong magsalita, sumigaw, pero tanging ungol lang ang lumalabas sa bibig ko. Iginalaw ko ang aking kamay at paa pero halos hindi ako makakilos dahil pareho iyong nakatali.
Anong nangyayari? Bakit nakapiring ang mga mata ko? Bakit nakatali ang kamay at paa ko? Bakit may takip ang bibig ko?
Unti-unting nagtubig ang mata ko. Gumalaw-galaw ako at pumadyak-padyak. Pakiramdam ko ay nasa loob ako ng umaandar na kotse. Pilit akong sumisigaw at lumilingo para matanggal ang piring sa mata ko pero sadyang napakahigpit ng pagkakatali nila.
Gusto kong sumigaw ng tulong!
Nabasa na ang panyong tumatakip sa mata ko dahil sa walang tigil kong pag-iyak pero parang walang pakialam ang taong kasama ko ngayon sa loob ng kotse kung meron man. Wala akong marinig na ingay bukod sa aircon at tunog ng makina. Ni wala akong maramdamang presenya ng tao sa tabi ko. Hindi ko alam kung ilang oras o minuto ng umaandar ang sasakyang 'to. Pero sa tingin ko ay mahirap ang daan na aming dinadaanan dahil bumabagal ang pagpapatakbo at maya't mayang umaalog ang sasakyan.
Ilang minuto ang lumipas at tuluyan ng huminto ang aking sinasakyan. Nanginig ang aking buong katawan sa takot. Wala akong ideya kung nasaan ako ngayon o kung sino ang may pakana nito. Wala naman akong may alam na may galit sa akin.
Naramdaman kong may mahigpit na humawak sa braso ko at marahas akong hinila pababa. Mas lalong lumakas ang aking hikbi habang nagpapatinaod ako sa kanyang hila.
"Idiretso sa silid at bihisan. Parating na ang young master!" umalingawngaw ang malakas na boses na iyon.
Lumingo ako at pinabigat ang aking katawan para hindi niya ako tuluyang mahila pero sadyang napakalakas niya. Wala na akong nagawa kundi ang umiyak nang tuluyan niya akong mahila. Tahimik akong umiyak at umusal ng maikling panalangin. Diyos ko, tulungan niyo ako. Natatakot ako sa kung anuman ang pupwedeng mangyari sa'kin sa lugar na ito.
BINABASA MO ANG
The Nightmare
General FictionPatricia, a girl who experienced a dark nightmare. Sundan ang kanyang kwento at alamin kung anong mangyayari sa kanya sa kamay ng 'god of death'-Thanatos. @gorgever ©All Rights Reserved