Kabanata III
"May mga damit na diyan sa closet. Maglinis ka ng katawan at kaagad ka ng pumunta sa silid ni Angelika. Ikaw ang mag-aalaga sa kanya."
"Masusunod." tango ko.
"At kahit na anong mangyari sa kanya ay pananagutan mo. Huwag na huwag kang magkakamali."
Naglakas-loob akong tumingin sa kanya. "Pauuwiin mo ba ako kapag sinunod ko ang lahat ng gusto mo?"
"Kapag nagawa mo na ang nais ko. Iuuwi kita pero hindi ibig sabihin no'n na tuluyan ka ng makakalaya. Nasa ilalim ka pa din ng organisasyon."
"Hindi iyan patas para sa'kin! Kailangan mo akong palayain!"
Gusto kong tuluyang maging malaya! Ayoko sa ideyang habangbuhay na akong makukulong sa mga kamay nila. I want my freedom back. Kahit sino ay iyon ang gusto. Hindi ko pwedeng hayaang kunin na lang nila iyon mula sa akin.
"Wala ka ng magagawa. Bilisan mo na ang---"
"Kailangan mo akong palayain, Thanatos!" sigaw ko. "Hindi pwedeng habangbuhay niyo na lang akong ikukulong sa inyo."
Hinigit niya ang aking kamay patayo at galit akong tinitigan. Parang biglang umurong ang aking dila sa nakikita kong itsura niya. Napalunok ako habang pilit na iniiwasan ang kanyang mga titig.
"Matuto kang gumalang." malalim ang boses niyang sabi kasabay ng paghigpit ng hawak niya sa'kin. "Young master at hindi Thanatos. Hindi kita binibigyan ng karapatan na tawagin ako sa aking pangalan."
"S-Sorry." impit akong napapikit habang iniinda ang sakit na nararamdaman.
"Naiintindihan mo ba?"
"O-Oo. Naiintindihan ko." kaagad kong sagot.
Itinulak niya ako sa kama dahilan para bahagya akong mapahiga. Narinig ko ang yabag niya palabas at ang marahas na pagbukas at pagsara ng pinto. Tinakpan ko ang aking mukha gamit ang aking mga palad at mahinang humikbi. Sana ay hindi na lang ako natulog sa rooftop. Sana tumambay na lang ako sa ibang lugar. Hindi na sana ito nangyari sa'kin.
Mahina akong tumayo at naglakad papunta sa bintana ng kwarto. Nakalock ito pero dahil sa gawa sa salamin ay nakikita ko pa din ang labas. Inilibot ko ang aking paningin at halos mapasinghap nang makitang makakapal at matataas ang puno sa labas. Para itong bahay sa gitna ng gubat. Tinitigan ko ang kalat-kalat na isla na tanaw ko mula dito. Sa ibaba naman no'n ay ang malawak na dagat. Hindi ko alam kung nasaang eksaktong lugar ako, pero siguro ay sakop pa din ito ng Astran. Hindi ko lang alam kung nasaang parte kami. Malaki ang Astran. Nahahati ito sa apat na bahagi. Ang lugar na aking kinalakihan at kung saan ako nag-aaral ay nasasakop sa Sur. At sana ay nandito pa rin kami pero sa aking palagay ay wala na. Halos napuntahan ko na ang bawat sulok ng Sur pero hindi ko pa nakikita ang lugar na ito, ngayon pa lang.
Nabaling ang tingin ko sa papalubog na araw. Kulay kahel na din ang langit. Napangiti ako habang lumalandas ang luha sa aking mga mata. Ni minsan ay hindi sumagi sa isip ko na mangyayari ito sa'kin. Akala ko makikita ko lang ito sa mga palabas sa tv. Pero ako pala mismo ang makakaranas nito. Ayokong panghinaan ng loob. Ilang oras na akong nandito sa mansion na 'to at hindi ko hahayaang abutin pa ako ng ilang araw o linggo dito. Kailangan kong makatakas. Kasama si Angelika.
Hinintay kong tuluyang lumubog ang araw bago tinakpan ng kurtina ang bintana. Nagpunta ako sa closet at nakita ang iilang mga bagong damit tulad ng sinabi ni Thanatos. Kumuha lang ako ng damit na komportableng isuot para ipantulog mamaya bago nagtungo sa banyo at naglinis ng katawan. Kaagad din akong natapos sa pag-aayos at mabilis na nagpunta sa kwarto ni Angelika.

BINABASA MO ANG
The Nightmare
General FictionPatricia, a girl who experienced a dark nightmare. Sundan ang kanyang kwento at alamin kung anong mangyayari sa kanya sa kamay ng 'god of death'-Thanatos. @gorgever ©All Rights Reserved