Kasal

3 0 0
                                    

Sinta. Kamusta ka na?

Ayos ka lang ba?

Miss na miss na kita.

Kailan ka ba babalik?

Babalik ka pa ba mahal?

Tutuparin mo pa rin ba ang mga pangako mo?

Mahal bumalik ka na. Hindi pa ba sapat ang sampung taon? Gaano pa ba katagal ang hihintayin ko?

Isang dekada pa? Dalawa? Tatlo?

Ang tagal na rin pala simula nung huli nating pag-uusap.

Mahal sariwa pa rin hanggang ngayon ang sugat na dulot ng ating sawing pagmamahalan. Pero mahal, ikaw pa rin ang nandito. Pangalan mo pa rin ang sinusulat ng aking mga kamay at sinasambit ng aking mga labi.

Nakakainis ka mahal. Naiinis ako sa iyo kasi lumapit ka pa sa akin. Naiinis ako kasi nakipagkilala ka pa. Naiinis ako mahal kasi bakit mo pa tinunaw ang puso kong pilit kong binalot ng yelo noon?

Na pilit kong binuo. Kinadena. Binendahan. At pinaghilom ng matagal na panahon.

Sa bawat ngiting binigay mo sa akin ay nagdulot ng mainit na kasiyahan na pilit tumutunaw sa nagyeyelo kong puso.

Sa bawat tawa, sa bawat pag-aalala at pagmamahal na pinakita mo sa akin, natutong tumibok muli ang tanga kong puso. Natutong ngumiti muli ang aking mga taksil kong labi.

Ang tanga ko nga siguro sinta dahil nagpadaig ako sa iyo. Nagpadaig ako sa bawat kabaitan mo mahal.

Naniwala ako sa bawat pangako. Naniwala ako sa bawat salitang sinasabi mo. Naniwala akong hindi mo ako iiwan. Naniwala ako na tayo pa rin hanggang sa dulo.

Pero mahal nasaan ka na? Masaya ka ba dyan? Masaya ka bang napaniwala mo ako sa bawat pangako mo?

Alam kong wala akong karapatang manumbat. Kasalanan ko din naman kasi ang lahat.

Nakakatawang isipin na sa sementeryo tayo unang nagkilala. Iniiyakan ko pa noon ang dati kong kasintahan dahil sa pagkawala niya.

Nakakatawang isipin na muli akong dinala ng mga paa ko sa sementeryo. Ang pagkakaiba nga lang ay hindi na ako sa puntod niya umiiyak.

Mahal, ilang ulit ko pa bang hahaplusin ang mga pangalan mong nakaukit, hindi lang sa puso ko, kundi sa isang makintab na parihabang bato sa lupa, na mayroong bakas ng maraming kandilang natunaw na. Mahal ako ang nagsindi ng lahat ng niyan. Ako lang naman kasi ang mayroon ka at ikaw lang din ang mayroon ako.

Mahal natatakot ako. Bakit kasi sumunod ka pa sa yapak ng nauna? Mahal hindi ba't sabi ko sa iyo mag iingat ka parati?

Sinta. Kamusta ka na?

Ayos ka lang ba?

Miss na miss na kita.

Hindi ka na ba babalik?

Masaya ka na bang kasama Siya diyan?

Mahal ko, ihingi mo ako ng tawad sa Kaniya ha? Ihingi mo ako ng tawad sa hindi ko pagsipot sa araw ng kasal natin.

Words Left UnspokenWhere stories live. Discover now