Ang mga tauhan, lugar at mga pangyayari sa kuwentong ito ay pawang kathang-isip lamang at hindi hango sa tunay na buhay o karanasan. Ang anumang pagkakatugma sa mga totoong tao, lugar at mga pangyayari ay maaaring nagkataon lamang at hindi sinasadya. Walang bahagi ng kwentong ito ang maaaring ilathala at gamitin sa anumang paraan nang walang pahintulot ng may-akda.
I'd like to say sorry in advance if there are any grammatical mistakes and/or typographical errors within the story. You may kindly point it out in the comments if you'd like to. 'Di po ako ma-o-offend kung mabait po ang approach niyo hehe. Pakisabi rin po sa akin kung may loophole hahaha. Thanks!
--------------------------------------------------------------Nakasalampak sa isang sulok ng kanyang silid ang tulalang si Alunsina. Magulo ang kanyang hanggang bewang na buhok, namumula ang mukha at namumugto ang mga mata, tanda ng magdamag na pag-iyak. Ang tinamong mga galos at sugat sa kanyang mga braso at binti ay sariwa pa.
Ilang araw nang wala sa sarili ang dalaga ngunit walang nakakaalam sa tunay niyang kalagayan kahit na ang kanyang mga magulang. Abala kasi ang mga ito sa bulwagan ng kanilang barangay nitong mga nakaraang araw dahil sa nalalapit na eleksiyon.
Ang mga nakababatang kapatid naman na sina Maya at Apo ay hindi gaanong sumasadya sa kanyang silid dahil abala rin sa eskwela. Kumakatok lamang upang paalalahaning kumain ng almusal at hapunan. Hindi na kinukulit at nagpupumilit na pagbuksan ng pinto kahit na hindi siya sumasagot.
Dumating ang hapon sa ikatlong araw ng kanyang pagmumukmok. Hindi na siya tulala gaya ng mga nakaraang araw. Nagpapaikot-ikot siya sa kanyang silid na para bang hindi mapakali. Maya't maya niya ring pinupukpok ang ulo sa pader.
"Hindi pwede..." paulit-ulit niyang sambit habang humihikbi. "Paano nila nagawa sa'kin ito?"
"Bakit ako? Bakit ako pa?"
Nagising siya kinabukasan na kumakalam ang sikmura. Ilang araw na nga ba siyang hindi kumakain? At bakit ngayon niya lamang nararamdaman ang gutom?
Bigla siyang napabalikwas mula sa pagkakahiga nang marinig ang malalakas at sunod-sunod na katok sa kanyang pinto. Ano ang nangyayari? Agad siyang nataranta, hindi alam kung lalapit ba siya at pagbubuksan ito o magtatago sa ilalim ng katre.
"Ate Alunsina! Ate Alunsina!" tawag ni Apo sa kanya. "Si Ate Trina kinakaladkad ni Mang Tonying palabas ng bahay nila! Dala-dala ang sako ng damit niya!"
Hindi na inalintana ang itsura at damit, nagmadali siyang lumabas ng kwarto at dumiretso sa salas. Nanginginig ang kanyang mga kamay at tuhod habang papalapit sa hamba ng kanilang pambungad na pintuan. Nagulat siya nang pigilan siya ng kanyang ama.
"Huwag kang lalabas!" mahinang singhal ni Aurelio sa anak.
Ilang beses siyang humakbang paatras, natatakot sa galit na anyo ng ama. Siguro'y iniisip nito na makikialam siya sa nangyayari. O baka rin iniisip nito na kagimbal-gimbal ang itsura niya ngayon kaya hindi siya maaaring lumabas?
Napasulyap siya sa salamin malapit sa kanilang pintuan. Pinasadahan niya ng tingin ang sariling ayos. Magulo ang buhok, namumula ang mukha at namamaga pa rin ang mga mata. Gusot at may kaunting punit ang ibang parte ng kanyang suot na bestida. Bigla siyang nakaramdam ng hiya para sa sarili. Ano na lamang ang sasabihin ng mga kapitbahay kapag makita siyang ganito?
Natigil ang kanyang iniisip nang bumulyaw si Mang Tonying. Lumapit siya sa may bintana at dumungaw. Mula sa labas ay natatabunan siya ng kanilang kurtina.
"Itay, parang awa niyo na ho," nagsusumamong sabi ni Trinidad habang nakaluhod sa harapan ng ama. "Makinig kayo sa'kin. Hindi ko po sinasadya.."
"Hindi sinasadya?! Pagkatapos mong magpakasasa sa pakikipagtalik sa kung sino mang lalaki at ngayong nabuntis ka ay sasabihin mong hindi mo sinasadya?" hinihingal na sambit ni Mang Tonying dala ng kanyang galit. "Hindi mo sinasadyang magpadala sa libog?!"
Napasinghap si Alunsina sa narinig. Hindi niya mapigilang maluha dahil sa awa para sa kaibigan. Parang punyal na tumarak sa kanyang puso ang masasakit na salita ni Mang Tonying. Dati pa man ay madalas nang ipahiya ng sariling ama si Trinidad. Lagi itong nag-eeskandalo sa labas ng kanilang bahay lalo na tuwing lasing ngunit hindi pa rin niya maiwasang masaktan para sa kaibigan. Ramdam na ramdam niya ang sakit na para bang para rin sa kanya ang mga salitang iyon.
"Hindi ho sa ganoon... Itay, maniwala naman ho kayo sa akin," humihikbing sambit ni Trinidad. Punong-puno ng luha ang kanyang mukha.
"Maniwala sa mga kasinungalingan mo?!" umambang susuntukin ni Mang Tonying ang anak ngunit agad itong naawat ng isa sa kanilang kapitbahay.
"Mang Tonying, tama na ho 'yan," pagpigil nito sa matanda.
"Putang ina mo! Lumayas ka rito kung ayaw mong mabugbog pa kita!"
Sinipa ni Mang Tonying ang lupa sa harapan ni Trinidad. Hindi natinag ang anak at nanatiling nakasalampak sa lupa. Nilapitan siya ng ina at padarag na ibinagsak sa kanya ang sako ng damit. Umiiyak din ito kagaya niya. Walang magawa. Sunud-sunuran sa asawa.
"Umalis ka na lang, anak. 'Wag ka nang magmatigas," ani ng ina habang hinahaplos nito ang kanyang mukha. "Lumayo ka na lang."
"Wala ka na ngang kwenta, malandi ka pa! Punyeta ka talagang bata ka!"
Sunod-sunod na masasakit na salita ang tinamo niya galing sa sariling ama. Ilang sandali pang pangungumbinsi ng ina sa kanya, pinulot na niya ang sako at humihikbing nagpaalam rito. Nakayuko niyang sinalubong ang mga taong saksi sa pamamahiya ng kanyang ama. Hindi kalaunan ay nakalayo na rin si Trinidad sa kanila.
"O, ano pang tinitingin-tingin niyo riyan?! Tapos na ang palabas! Magsibalik na kayo sa mga bahay niyo! Mga usisero! Walang kwenta!"
Nagsibalikan na sa kanila-kanilang ginagawa ang mga tao ngunit nanatiling nakatayo sa harap ng bintana si Alunsina.
Matinding awa ang nararamdaman niya para kay Trinidad. Naiiyak siya sa sinapit nito. Hindi niya sukat akalain na mangyayari ito sa kaibigan.
Ngunit ano nga ba ang alam niya? Kahit siya ay hindi kailanman naisip na sasapitin ang isang karumal-dumal na karanasan.
Hindi kailanman sumagi sa isipan niya na maaari palang mangyari sa kanya iyon. Na hindi iyon imposible. Sabi nga ng iba, walang imposible, hindi ba?
"O, Diyos ko, ano nga ba ang alam ko?"
BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Mystery / ThrillerPayak ang pamumuhay na kinagisnan ni Alunsina sa maliit na bayan ng Tineo. Punong barangay ang kanyang ama kaya naman malaki ang ibinibigay na respeto sa kanila ng mga taga-roon. Bagama't hindi mayaman ang mga Capistrano, hindi ito naging hadlang up...