"Ano ka ba naman, Sin?" reklamo ni Carmen sa kanya nang sabihin niyang baka hindi siya makadalo sa handaan kasama ang mga kaklase.
Disyembre na at nalalapit na ang Pasko. Ilang araw na lang ay magtatapos na ang klase at magsisimula na ang bakasyon kaya naman nagpasya ang mga kaklase nila na magkaroon ng kaunting handaan para magsaya. Sa tabing ilog ng kabilang bayan ang napagkasunduan ng mga ito.
Hindi sigurado si Alunsina kung makakasama ba siya. Mahigpit ang kanyang ama kaya't alam niyang maaaring hindi siya payagan nito lalo na't sa kabilang bayan pa. Masyadong malayo.
"Carmen, kilala mo naman si Kap, 'diba? Alam mo namang strikto iyon! Hindi natin alam kung papayagan ba itong si Alunsina. Kahit na gustuhin pa nitong sumama sa atin, kung sabihin ni Kap na hindi pwede, hindi talaga pwede," pagtatanggol ni Trinidad sa kanya.
"Edi ipaliwanag mo sa kanya ng mabuti! Grabe naman 'yang tatay mo. Kung ako siguro 'yan, matagal na akong naglayas."
"Susubukan ko namang magpaliwanag, Carmen."
Nilagay niya ang takas na buhok sa likod ng tainga. Yumuko siya at kinagat ang labi. Gusto niya naman talagang sumama pero wala siyang magagawa kung hindi sundin ang ama kung ayaw nito.
"Sayang naman kung hindi ka makadalo. Huling taon na natin ito sa hayskul. Baka hindi na natin makasama ang iba sa mga kaklase natin pagkatapos. Mabuti kung sulitin natin ang ganitong mga pagtitipon." sambit naman ni Marisol.
Napaisip si Alunsina. Tama si Marisol. Pagkatapos nang taunang klase na ito ay hindi na nila gaanong makakahalubilo ang iba. Siguradong may iilan na planong magkolehiyo, ang iba naman ay mag-uumpisa nang maghanapbuhay.
Dahil walang pangkolehiyong paaralan sa mismong bayan ng Tineo ay napipilitang pumunta pa sa ibang lugar ang may balak ipagpatuloy ang pag-aaral. Madalas ay pinipili na lamang nilang mag-aral sa lungsod.
Napag-usapan na nila ng kanyang mga magulang ang plano niya pagkatapos ng sekandarya ngunit hindi sang-ayon ang mga ito.
"Gusto ko na mag-aral ka ng kolehiyo, Alunsina. Ano pa't nagtatrabaho ako ng marangal kung hindi naman makakapagtapos sa pag-aaral ang mga anak ko?"
"Tama ang itay mo, anak. Pangarap namin ito sa inyong lahat ng mga kapatid mo. Ikaw pa naman ang panganay. Tiyak na gagayahin ka nila kung hahayaan ka namin."
Pinipili na lamang na huwag umimik ni Alunsina dahil alam niyang hindi naman siya papakinggan ng mga ito.
Gusto niya sanang hindi na mag-aral at maghanap na lamang ng trabaho sa karatig bayan. Hindi naman sa wala siyang ambisyon o pangarap, talagang ayaw niya lang na malayo sa pamilya at mga kaibigan. Pakiramdam niya'y hindi niya iyon kakayanin.
"Kumusta? Nakapagpaalam ka na ba?" agad na bulong ni Trinidad pagkakita sa kanya.
"Hindi pa, eh. Susubukan ko mamayang gabi. Abala kasi sila kahapon."
Ilang araw na ang lumipas at magsisimula na ang simbang gabi. Kaya naman, kinakailangan nang mag-ensayo ng mga koro sa simbahan.
Bata pa lamang ay nakitaan na ng talento sa pag-awit ang dalawang magkaibigan kaya naman nang ipatayo ang kapilya sa kanilang barangay ay hindi na sila nagdalawang-isip pang sumali.
BINABASA MO ANG
Huling Dalaw
Gizem / GerilimPayak ang pamumuhay na kinagisnan ni Alunsina sa maliit na bayan ng Tineo. Punong barangay ang kanyang ama kaya naman malaki ang ibinibigay na respeto sa kanila ng mga taga-roon. Bagama't hindi mayaman ang mga Capistrano, hindi ito naging hadlang up...