Naimulat ko ang aking mga mata at mabilis na tumingin sa katabing bintana. Madilim ang kalangitan kahit ala-sais na nang umaga. Kumakapit sa aking balat ang malamig na simoy ng hangin na nanggagaling sa labas. Sa ganitong mga panahon, hihintayin ko na lang na------, Ayan na... Pumapatak na ang ulan.Maririnig mo sa bubongan ng bahay ang malakas na pagbagsak nito. Pinatay ko ang bentilador at muling nahiga sa aking kama. Napayakap ako sa mahaba kong unan at dumantay rin dito. Muli akong pumikit dahil alam ko na ang susunod dito. Mawawalan na naman ako ng pasok dahil ayon sa balita kagabi, may bagong papasok na bagyo mula silangan pakanluran sa itaas na parte ng Luzon. Hindi nga lang sigurado kung ano-anong probinsya ang masususpende ang klase. Hay... Kung normal na ako ito, matutuwa pa siguro ako.
Ako kasi kaunting ulan lang, hinihiling ko na sana lumakas pa ito. Iyong tipo na sumasayaw na sa pinaghalong hangin at ulan ang mga puno...
'Yong kahit walang bagyo, iisipin ko na sana bumagyo para mawalan na ako ng pasok...
'Yong may baha na hindi aabot sa bukong-bukong ko...
Iyong pakiramdam na tatamarin na 'kong maligo dahil sa malamig ang tubig sa gripo...
Tapos, magtatalukbong ako ng kumot mula ulo hanggang paa at matutulog magdamag...
Maya-maya, magte-text na 'yong kaibigan at mga kaklase ko kung may pasok daw ba o wala...
Dahil masipag ako, bubuksan ko naman 'yong T.V. at manonood ng balita. O kaya naman, kukunin ko 'yong cellphone ko at hahanapin iyong facebook account ng PDRRMC ng lugar namin para ma-update ako kung may pasok nga ba talaga.
"Signal No. 1 sa lugar ng Babuyan Island, Batanes, Ilocos region at maging sa Abra at Apayao," sambit ng weather forecaster saktong pagbukas ko ng T.V. na nakapwesto malapit sa aking paanan. Ang swerte naman ng mga estudyante sa elementarya. Sana maging bata ulit ako para maranasan ko na mawalan ng pasok kapag Signal No. 1. At siyempre, para makalaya din ako sa mga problemang kinakaharap ko hanggang ngayon. Napaisip ako.
"Signal No. 2 naman sa Mt. Province, Benguet, Ifugao, Kalinga at Nueva Viscaya," Isa pa to oh. Pati estudyante sa high school wala na ding pasok. Makakaligtas sa quiz ang mga may quiz sa kanila ngayon. Sigurado ako na bukod sa kanila, hindi lang sila na mga mag-aaral ang magsasaya ngunit pati na rin ang mga guro nila. Hmmm. Buti na lang at Secondary Education ang napili kong course.
"Signal No. 3 sa probinsya ng Aurora, Bataan, Bulacan, Zambales, Nueva Ecija at Pampanga. Inaasahan ang patuloy na pagbugso ng malakas na ulan sa nasabing lugar. Mainam na manatili na lamang sa loob ng ng inyong mga kabahayan para sa seguridad ng bawat isa," Wala na ring pasok ang mga nag-aaral sa kolehiyo. Ibig sabihin, wala na din akong pasok dahil first year college student at taga-Bulacan ako.
Siguro, matutulog na lang ako buong araw. Isang buong araw na pahinga dahil sa dami ng mga ginawa ko nitong mga nakaraang linggo. Magbabasa ng bagong bili kong libro ni Nicholas Sparks na "Dear John". O 'di kaya, basahin muli ang isa sa mga paboritong likha kong istorya, na hango sa totoo kong karanasan.
Tungkol sa buhay ko at ng isang bagyo...
--------------------Signal No. 1:
Kapag napahinto ka sa paglalakad at napalingon sa lalaking hindi mo naman kilala...
YOU ARE READING
Signal No.
Short StoryNaniniwala ako na ang pag-ibig ay parang bagyo. 📖2nd Placer in Trinkets of Dreams📖 (One-shot Writing Contest) "Signal No." Written by: blind_colors All Rights Reserved (c) December 2016