Kanina nakasalubong ko yung kaibigan mo, sabi niya kamusta raw tayo. Ngumiti na lang ako at nagkibit balikat sabay kabit ulit ng earphones sa magkabilang tenga bago naglakad palayo. Napabuntong hininga ako. Iniisip ko, ano nga ba tayo? Kamusta ba tayo?
Teka muna, meron bang tayo?
Gusto kita, hindi ko alam kung gusto mo rin ako pero nararamdaman ko na mahalaga ako. Mali ba na isipin kong gusto mo rin ako— sa bawat pagsandal mo sa balikat ko tuwing magkasabay tayo pauwi sa jeep; sa mga ngiti mo pagkalabas ko sa classroom dahil hinihintay mo ko umuwi; sa pagtawag sa nanay ko at pagsasabing naihatid mo na ako sa bahay namin bago ka hahalik sa pisngi ko at aalis; sa bawat paggawa ng maliliit na bagay na nagpapakitang naaalala mo ko, tulad nang pagsingit sa bag ko ng sunflower tuwing umaga, sa pag didikit ng notes sa likod ng notebooks ko na mababasa ko tuwing gabi na?
Maraming bagay na sa tingin ko ay nagpapahiwatig na gusto mo rin ako, mga bagay na nagpapakita na may pag-asa. Napangiti ako— napapangiti ako— hindi ko mapigilan. Nakarating ako sa harap ng bahay nyo na sakto rin namang palabas ka. Tinawag kita at kumaway ka.
Patakbo sana ako yayakap sayo, kaso nang makalabas ka ng pinto nakita ko na may kahawak ang kabilang kamay mo. Magkasama pala kayo. Sabi mo pa kayo na. Ha. Pilit na ngiti ang ganti ko sa sinabi mo. Tapos sabi ko nagmamadali akong umuwi, babawi na lang ako bukas. Ngumiti ka— putangina, yung ngiti na kumukumpleto sa araw ko; yung ngiti na nagpapasaya pag malungkot ako; yung ngiti na pinakapaborito ko sa buong mundo; yung ngiti ng pinakamamahal ko; yung ngiti na akala ko para sa'kin... yung ngiti mo. Tangina. Wag kang ngumiti. Nasasaktan ako. Mahal kita, gago.
Naglakad ako palayo. Naglakad ako ng mabilis hanggang sa tumatakbo na ako. Kailangan kong makalayo. Ang galing ko kasi. Haha! Umaasa ako na baka... baka pwedeng tayo. Kaso olats parekoy. Sa lahat ng ginawa at pinakita mo umasa ako, hindi ko naman sadya eh, nadala lang siguro.
Nakarating na ako sa bahay at diretsong bumagsak pahiga sa kama ko. Napatitig sa mga ilaw na nasa labas ng pinto ko. Bago ko lang napansin na tumutugtog pa pala ang phone ko at kasabay nang pag ulit sa unang linya ng kantang pinakikinggan ko, pumatak na ang luhang kanina pang pinipigil ko. Nasagot na ang tanong ko. Nasasaktan ako kasi hindi muna ako nagtanong sayo. Nasasaktan ako kasi nag assume ako—
"Oo nga pala. Hindi nga pala tayo."
YOU ARE READING
Kwento Natin
RomanceThis is a compilation of my Filipino write ups. I think they call it one shots. These short stories are inspired by opm songs with so much 'hugot' you can relate to. Read on! :)