Gusto kitang yakapin. Gusto kong umiyak sa'yo. Gusto kong magsumbong pero paano kung ang problema ko ay ikaw? Paano mo ko papakinggan kung wala ka na rin namang pakialam?
Malungkot akong pumasok sa coffee shop na pagtutugtugan namin ng banda ko. Hindi naman kami malaking banda, saktong may gitarista, taga beatbox at ako naman ang kumakanta, minsan kumakanta rin sila. Inapiran ako ng mga kasama ko. "Isang ngiti naman dyan, Nica!" "Oo nga . Ang sama ng mukha mo!" Kahit papano napangiti ako. Buti kahit papano may karamay ako.
Simula na ng first set. Ala-sais y media na. Naalala mo kaya yung sinabi mo na dadating ka at papanuorin mo kong kumanta? Sabi mo 5:30PM. Nasaan ka na ba?
Nagpaunang salita si Marco, yung gitarista namin. Kesyo magandang gabi daw, kamusta at sana masiyahan sila na kami ang kasama. Nagumpisa na magstrum ng gitara at mahinahon na pagpalo sa beatbox, naghihintay na lang ako para sa tyempong simulan ang kanta.
"Ayoko nang malaman pa
Kung sino siya at kung saan ka nagpunta"Sakto yung kanta sa pinagdadaanan ko. Hindi ko alam kung tama pa ba ang lyrics na nababanggit ko dahil walang ibang laman ang isip ko kundi ikaw— at ako, at ang naghihingalo na pilit kong sinasalbang tayo.
Naaalala ko pa yung unang binigkas mo sa harap ko ang mga salitang mahal at kita bago mo ako hinawakan sa pisngi at hinalikan. Hindi ba't masaya? Mahal na mahal kita pero mas mahal na mahal mo ako.
Naaalala ko pa kung paano mo noon ipinaparamdam sa akin na mahal mo ako araw-araw at wala akong kakumpitensyang iba. Hindi ko na kailangan pang magsulat ng kanta gaya ni Rihanna.
Naaalala ko pa yung tayo... noon— na ibang-iba sa kung ano tayo ngayon.
"Hindi na kita kukulitin
Para di na kailangan pang magsinungaling"Naaalala ko pa yung minsang nahuli kita na may kasamang iba. Lumabas kayo sa sinehan magkahawak kamay at nakangiti na nakatingin sa isa't-isa. Masayang masaya ka. Yung ngiti mo noon hindi matawaran. Sana ako yung kasama mo. Sana napapasaya kita ng gano'n. Alam ko ako dapat yun. Ako yung girlfriend mo eh... ako. Lumapit ako sa inyo. Sabi mo sa'kin wag akong magselos, close lang talaga kayo. Okay, sige.
Ang daming beses na akong sinasabihan ng tropa mo na wag na. Pagka't tulad ng paborito kong pagkain yung pagmamahal mo sa'kin, ubos na. Hindi na ko mahalaga sa'yo. Wala na— wala ng tayo para sayo. Iba't-ibang babae ang kasama mo at uuwi ka lang sa akin pag gabi na. Damang dama ko yung awa nila, yung sana bitawan na kita dahil wala na 'tong patutunguhan pa— pero alam ko kaya pa natin to. Mahal na mahal na mahal kita.
"Hindi ko kakayaning mawala ka sa akin
Kahit na magmukha akong tanga sa mata ng iba"Hinahanap pa rin kita sa loob ng coffee shop pero wala ka pa rin. Di bale, alam ko darating ka. Hindi ako mag sasawang umasa na babalik tayo sa dati. Pagsubok lang 'to, mahal. Wag tayong susuko.
Huling berso na ng kanta. Pinikit ko ang mga mata ko at dinama ang mga salita.
"Lahat ay aking gagawin
Pikit matang tatanggapin
Pag merong nagtanong tungkol sa akin
Sabihin mo"Tumunog ang chimes sa pinto na ibig sabihin may pumasok. Tinignan ko kung sino at napangiti ako. Dumating ka. Salamat at dumating ka!
Nandito ka at tumupad sa pangako mo— wala na kong pakialam kahit kasama mo yung 'close friend' mo. Ang mahalaga nandito ka para sa'kin mahal ko.
Kahit masakit dahil hindi pa tayo tapos ay napalitan na ako; kahit nakikita ko na inaalagaan mo sya kung paano ka sa akin dati; kahit basag na basag na ang puso ko—
"Okay lang ako."
YOU ARE READING
Kwento Natin
RomanceThis is a compilation of my Filipino write ups. I think they call it one shots. These short stories are inspired by opm songs with so much 'hugot' you can relate to. Read on! :)