Hindi ko alam kung paanong tatanungin si Dido dahil sa natuklasan ko, lalo na nga ngayon na wala na si Mimo. Alam kong wala sa lugar kung magtatanong ako, batid ko naman na sa takdang panahon ay sasabihin rin ni Dido ang lahat sa akin—kung saan ako nagmula at kung paano akong napunta sa poder nila.
Matapos kong maklaro ang puso't isipan ko, inaya ko na si Prince na bumalik sa bahay—sa tahanang sinira ng halimaw kasabay nang pagnakaw nito sa buhay ng aking Mimo.
Habang daan, pakiramdam ko ay nawawala ako sa aking sarili dahil sa mga rebelasyong gumimbal sa aking pagkatao, isama pa ang pagkamatay ni Mimo. Hindi ko alam kung paanong sasabihin ang lahat kay Dido, na wala na si Mimo—na isang halimaw ang pumaslang sa kaniyang maybahay.
Nang makapasok kami sa loob, agad naming hinagilap si Dido sa lugar kung saan siya ibinaba ni Prince, ngunit hindi naming siya natagpuan. Nagpasiya kaming pumasok sa loob, nagbabakasakaling nandoroon siya. Hindi nga kami nabigo, ngunit ang masakit ang walang buhay niyang katawan ang tumambad sa amin, katabi ang walang buhay rin na katawan ni Mimo. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam ko ay pinaglaruan ako ng kapalaran dahil kasabay nang pagkakatuklas ko sa totoo kong pagkatao ay siya naming bilis ng pagbawi sa buhay na nakagisnan ko mula pagkabata. Ito ba ang kailangang maging kabayaran ng katotohanan? Bakit kailangan nilang mawala? Hindi ba puwede na kapag may dumating ay walang aalis?
Agad akong lumapit sa kinaroroonan nila Dido at Mimo at mahigpit ko silang niyakap habang walang humpay sa pagdaloy ang mga luhang bumabalong sa aking mga mata. Masyadong naging mahina si Dido, nagpatalo siya sa lungkot at galit kaya mas pinili na lamang niyang samahan si Mimo at iwanan ako.
"Deisha, alam kong masakit, pero kailangan mong tanggapin na wala na sila," masuyong sambit sa akin ni Prince na nang mga sandaling iyon ay mahigpit nang nakayakap sa aking likuran.
"Kasalanan mong lahat ito, Prince, kung hindi dahil sa iyo, maaaring buhay pa sana sina Dido at Mimo!" Alam kong mali na isisi ko sa kaniya ang kamatayan ng mga kinagisnan kong magulang, pero wala naman akong ibang puwedeng sisihin kung hindi siya, 'pagkat natitiyak ko na siya ang sadya ng halimaw kanina.
"Hindi mo kailangang laging maghanap ng masisisi sa isang bagay na wala namang may gusto. Kung makaluluwag ba sa loob mo, sige, sisihin mo ako. Pero Deisha, kahit kailan hindi maibabalik ng paninisi mo ang bagay na tapos na at hindi na nito mababago ang kung anomang naganap." Bakas ko sa tinig niya ang pait. Alam kong hindi lamang ako ang nawalan, maging siya dahil itinuring na rin niyang magulang sina Dido.
Tanging paghagulgol na lamang ang naitugon ko sa kaniya.
Dido, bakit kailangang pati ikaw, mawala sa akin? Bakit kailangan mong sumunod kay Mimo, hindi mo man lamang ba ako naisip? Hindi! Ako ang may kasalanan kaya nawala si Dido, kung hindi ako tumakbo palayo kanina at mas binigyang pansin ang mga magulang ko kaysa sa pagdra-drama ko, buhay pa sana si Dido. Ako ang may kasalanan kaya mas pinili ni Dido ang wakasan na lamang ang buhay niya.
Makalipas ang isang linggo
"Sigurado ka bang maiiwan ka rito?" bakas ang pag-aalala sa tinig ni Prince. Batid kong hinihintay niya ang pagbabago ng desisyon ko, na kahit ako ay hindi ganoong kasigurado, pero gusto ko munang mag-isip-isip. Isa pa, baka magtaka ang mga tayo sa bayan namin kung biglaan na lamang akong maglalaho. Isa pa, ang kamatayan ng mga magulang ko ay naging misteryo para sa kanila at baka kung biglaan ang magiging pagkawala ko, isipin nila na ako ang pumaslang sa mga ito. Saka, gusto ko ring ayusin ang buhay ko—bilang si Psyche, ang iayos ang lahat at ang mabuhay nang normal. Saka ko na lamang iisipin ang pagiging si Deisha ko.
"Oo." Isang pilit na ngiti ang iginuhit ko sa aking mga labi.
"Okay lang ba talaga na mag-isa ka? Wala kang kasama, baka mapaano ka? Kung gusto mo ay puwede ko naming ipagpaliban ang pag-alis ko," suno-sunod niyang sambit.
"Kung nag-aalala ka sa kalagayan ko, wala kang dapat na ipangamba dahil kaya ko namang alagaan ang sarili ko."
"Hindi mo maiaalis sa akin ang hindi mag-alala, lalo na nga at wala na sila Mimo. Isa pa, masyado na ring delikado sa iyo ang lugar na ito, 'pagkat alam na ito ng mga kalaban."
"Kung iyon ang iniisip mo, sa makalawa ay kina Jaedah na ako tutuloy. May makakasama na ako. At kung iniisip mo naman ang pagiging si deisha ko, mag-iingat ako, lalo na at alam ko na ngayon kung paanong gamitin nang tama ang aking kakayahan." Sa pagkakataong iyon, isang totoong matamis na ngiti ang iginuhit ko sa aking mga labi. Alam kong nangangamba siya para sa kaligtasan ko, ako man ay ganoon rin, pero walang mangyayari kung magpapalamon ako sa takot.
"Odo biso, soyo—paalam, mahal ko. Mag-iingat ka palagi. Pangako, dadalaw ako isang beses sa loob ng dalawang buwan, hintayin mo ako sa lugar kung saan tayo unang nagkita." Pagkawika noon ay sumakay na siya sa kaniyang spaceship. Ilang saglit pa ay tila bulang naglaho sa aking harapan ang kaniyang sasakyan.
"Odo biso, soyo. Sa muling pagkikita, hihintayin kita sa ating tagpuan."
BINABASA MO ANG
Prince & Psyche (An Alien Story) - One Shot
Science FictionIsa akong tamad na writer na madalas mag-shift ng mood, idagdag pa na medyo may pagka-weird nang kaunti. At ngayon ay susubukin ko ang lawak ng aking imahinasyon, susubukin ko ang haba ng attention span ko. This story ay very usual na, as usual mala...