~~~~~
"Kain na po kayo sa karinderya ni Aling Maring! Mura na masarap pa! Mapapamura ka sa sarap! Tara na mga suki, kuya, ate, basurero ka man o may trabaho, lahat kayo ay welcome sa karinderyang ito! Halina't kumain ng malinamnam na mga putahe! Amoy pa lang ulam na! Hindi ka na magsisisi, mabubusog ka pa!"
"Tama na nga iyan, Andy. Mapapagod ka lang sa kakasigaw. At isa pa marami ng kumakain, wala ng pwesto."
"Ah, gano'n po ba Aling Maring?" Napakamot ako ng batok. "Sige po, pagsisilbihan ko na lang po ang mga customers natin ngayon." Nakangiting sabi ko sa butihing matandang dalaga na nag-alaga sa akin mula ng mamayapa ang aking mga magulang.
"Mabuti pa nga kung gano'n. Kaysa pagudin mo ang sarili mo kakasigaw diyan."
Sumunod na ako dito pagpasok sa karinderya.
"Woosh! Siguradong madami na naman kaming benta ngayong araw, nakakatuwa!" bulong ko sa sarili ko.
Matagal na itong karinderya ni Aling Maring, madami na ring tumatangkilik sa mga pagkain na niluluto niya, kaya kilala siya dito sa lugar namin. Bilang kapalit sa pag-aalaga niya sakin mula noon hanggang ngayon at sa kabutihan niya sakin ay nanilbihan na ako dito simula pa no'ng bata ako.
Ayaw pa no'n ni Aling Maring pero dahil sa likas na sa akin ang pagiging makulit ay pinayagan niya na rin ako.
Hindi rin ako nag-aaral since wala naman kaming sapat na pera para mapag-aral ako. Kahit naman kasi medyo malaki ang kinikita namin sa Karinderya ay kulang pa rin yun para sa aming dalawa. Saka gamit ang pera na yun, bumibili ulit kami ng kakailanganing sangkap para sa pagluluto ni Aling Maring. Marami rin kaming binabayaran dahil ang mismong bahay na tinitirhan namin ay hindi namin pag-aari, nagbabayad kami ng upa. Hati lahat ng perang meron kami. Hindi ko rin naman magawang mag-ipon dahil wala akong pinagkukunan ng pera kundi ang karinderya lang. Ang perang binibigay sa akin ni Aling Maring ay ipinapandagdag ko sa mga kakailanganin namin sa bahay. Pero kahit gano'n ang aming sitwasyon ay hindi ako tumigil na mag-aral mag-isa, para kahit hindi ako nakakapasok sa paaralan ay may kaalaman parin ako.
Dito sa Graevill City ay may tinatawag na ranking ang mga taong naninirahan. Hindi pantay, pantay ang mga tao dito, at kailanman ay hindi mangyayari yun. Kaming mga mahihirap ay hindi man lang magawang tapunan ng tingin ng mga nakakaangat sa amin, sa halip ay mas idinidiin pa nila kami pababa.
Ang pinaka-una sa ranking ay ang mga mayayaman o maharlika na mas kilala sa tawag na Royals. Ang Royals ay hindi lamang iisang pamilya, dahil marami pang pamilya ang may dugong maharlika, ngunit iilan lamang ang kilala sa kanila. Ang pinakakilalang pamilya sa mga Royals ay ang pamilyang Exosphere, sila ang kinikilalang pinakamayaman sa lugar na ito. Sa sobrang makapangyarihan nila, hawak na nila sa kanilang palad ang magiging kapalaran ng buong siyudad. Kayang-kaya nilang kontrolin ang gobyerno. Kayang-kaya rin nilang mabago, magtala at magpawalang bisa ng isang batas. Walang nangangahas na kumalaban sa kanila dahil masyado silang ma-otoridad at lahat ng gusto nila ay kaagad nilang nakukuha sa isang kisapmata.
Pumapangalawa sa kanila ay ang pamilyang Veiron. Magkasundo ang Veiron at Exosphere, sa kadahilanang magkaibigan ang dalawang angkan. May pagkakaparehas sila sa ibang aspeto pero pagdating sa kung sino ang mas makapangyarihan, likas na mas angat ang pamilyang Exosphere, tiyak ngang walang makakatalo sa kanila kung kayamanan ang pag-uusapan. Usap-usapan dito sa Graevill City na ang pamilyang Veiron ay may mga mabubuting kalooban, nalalapitan sila kung may kailangan ang mga tao at sila'y handang tumulong. Hindi ko alam kung ganito rin ba ang pamilyang Exosphere dahil ang mga gawain ng mga ito ay tago at walang nakakaalam maliban na lang sa isang katotohanan na hindi sila dapat kalabanin. Ngunit sa kabila ng kabutihan ng mga Veiron may iba pa ring kasapi ng pamilya nila ang mas gugustuhing kamkamin ang pera kaysa magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.
BINABASA MO ANG
TRAINED TO BE A GUARDIAN [THE REAL STORY]
FantasyIn the world full of unexplainable rules and mystery The battle between good and bad Protect the Royalties Defeat the Unknown A fight for victory A fight for glory A fight for peace The strong will remain standing The weak will meet their end In Sei...